
Minsan sumali ako sa isang leadership church meeting. May ipinagawang activity ang pastor namin noon. Ipinaliwanag niya sa amin na ang church ay ang katawan ni Kristo, at ang mga members ay maihahalintulad sa aktuwal na parte ng katawan ng tao. Tinanong kami ng pastor, saang parte ng katawan namin maihahambing ang aming mga sarili?
Isa sa mga leaders ang nagsabi na siya raw ay kamay. Ginagamit siya ng Panginoon sa pag-aayos ng church para sa iba’t-ibang events. Sinabi ko naman na ako ay vocal chords dahil ako ang worship leader noong panahon na iyon. May isang leader na nagsabi na siya raw ay siko. Kapag may kapatid na naliligaw ng landas, sisikuhin daw niya ito para mapabalik sa tamang landas.
Alam kong maganda ang layunin ng leader na ito pero napaisip ako dahil sa kanyang sagot.
· Tama bang sikuhin natin ang ating mga kapatid na nagkakamali?
· Ano ba ang dapat nating gawin kapag may nakita tayong tao na nagkakasala?
· Ano kaya ang gagawin ni Jesus kapag nahuili niya tayong nagkakasala?
Mabuti na lang at may nakasulat sa Bible na nagsasabi kung ano ang ginawa ni Jesus noong may ihinarap sa kanyang babaeng nagkasala. At hindi lang ito simpleng kasalanan. Ito ay seryosong pagkakasala dahil ang babae ay nahuli sa akto ng pakikiapid.
Juan 8:1-11
Samantala, pumunta si Jesus sa Bundok ng mga Olibo. 2 Nang magmadaling-araw, nagpunta uli siya sa templo. Pumunta sa kanya ang lahat ng tao, kaya naupo siya at nagturo sa kanila.
3 Dinala sa kanya ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga Fariseo ang isang babaing nahuli sa pakikiapid, at pinatayo ito sa harapan nila.
4 Sinabi nila sa kanya, “Guro, ang babaing ito ay nahuli habang nakikiapid. 5 Ngayon, inutos ng batas ni Moises na batuhin ang tulad niya. Ano ngayon ang masasabi mo?” 6 Sinabi nila ito para subukin siya, upang sa gayon, mayroon silang gamitin laban sa kanya.
Yumuko si Jesus at nagsulat sa lupa sa pamamagitan ng kanyang daliri. 7 At habang nagpapatuloy sila sa pagtatanong sa kanya, tumayo siya at sinabi sa kanila, “Sinuman sa inyo na walang kasalanan, siyang unang bumato sa kanya.” 8 At muli siyang yumuko at nagsulat sa lupa sa pamamagitan ng kanyang daliri.
9 Matapos nilang marinig ito, isa-isa silang nagsialis, simula sa pinakamatanda. Naiwang mag-isa si Jesus kasama ang babaing nakatayo sa harap niya.
10 Tumingala si Jesus at sinabi sa kanya, “Ginang, nasaan sila? Wala bang humusga sa iyo?” 11 At sinabi ng babae, “Wala, Ginoo.” At sinabi ni Jesus, “Hindi rin kita huhusgahan; humayo ka, at huwag nang magkasala.”
Base sa mga verses na nabasa natin, maari nating sabihin na ang babae ay dinala sa gitna ng church upang husgahan dahil sa kanyang nagawa. Marahil nalulunod na sa kahihiyan ang babaeng ito. Punung-puno naman ng galit ang puso ng mga tao kung kaya’t handa na silang ipukol ang mga bato sa kanilang mga kamay. Tama ang kanilang iniisip, base sa lumang tipan nararapat na batuhin nila nag babaeng ito hanggang sa kamatayan.
Pero iba ang ginawa ni Jesus. Hindi Siya sumunod sa nais ng nakararami. Bagkus, yumuko si Jesus at nagsulat sa lupa. Sinabi niya na “Sinuman sa inyo na walang kasalanan, siyang unang bumato sa kanya.
At unti-unti ngang nag-alisan ang mga taong handang pumatay sa babaeng ito. Sinabi ng Panginoon na hindi rin Niya hinuhusgahan ang babae.
Base sa kuwentong ito, nais kong pagtuunan natin ng pansin ang tatlong puntong ito.
· Seryoso si Jesus sa Kasalanan
· Lahat Tayo ay Nagkasala
· Ituon ang Pansin sa Taong Walang Kasalanan
Seryoso si Jesus sa Kasalanan
Ito ang alam natin tungkol sa kwentong nagmula sa Juan 8:
· Totoong nagkasala ang babae - Nahuli ng mga Pariseo ang babaeng ito sa akto ng pakikiapid.
· Tama ang mga Pariseo ng sabihin nilang dapat batuhin ang babae – Ito ang nakasulat sa kautusan.
· Hindi sumang-ayon si Jesus – Sinabi ni Jesus na hindi niya hinuhusgahan ang babae.
Dapat ba nating isipin na hindi mahalaga kay Jesus ang pagkakasala?
Ito ang sagot sa tanog na ito, mahalaga kay Jesus ang kasalanan. Sa sobrang halaga nito, ibinigay Niya ang Kanyang buhay upang mabayaran ang kasalanan ng lahat ng tao.
Pero mas gusto ni Jesus na pagtuunan natin ng pansin ang pagmamahal ng Diyos kaysa husgahan ang ating mga kapatid na nagkasala.
Lahat Tayo ay Nagkasala
Wala tayong karapatan na husgahan ang ating kapwa dahil lahat tayo ay may kasalanan.
Ang problema natin ay iba ang pagtingin natin sa kasalanan. Iniisip natin na mas malala ang ginagawa ng ibang tao kung kaya’t may karapatan tayong manghusga.
Pero iba ang pananaw ng Diyos sa kasalanan. Ibinigay ng Diyos ang Kanyang bugtong na anak na si Kristo upang iligtas ang lahat ng tao, lahat. Hindi lamang ang mga tao na may mas masahol na kasalanan, kundi lahat ng sangkatauhan.
Tulad sa kwento na nagmula sa Juan 8, naisip ng mga taong na handang bumato sa babae, na mas malala ang kasalanan ng babaeng ito kaysa sa kanilang kasalanan. Pero nang pinaalalahanan sila ni Jesus tungkol sa kanilang kasalanan, hindi na nila nagawa pang ipukol ang mga bato.
Ituon ang Pansin sa Taong Walang Kasalanan
Huwag tayong mag-focus sa kasalanan ng ating mga kapatid bagkus, dapat tayong mag-focus sa taong hindi nagkasala, si Jesus. Si Jesus lamang ang taong walang kasalanan at may karapatang humusga sa sangkatauhan. Pero gaya ng sinabi Niya sa babae, hindi Niya tayo hinuhusgahan. Mahal na mahal tayo ni Jesus.
In Summary
Mahal tayo ng Diyos kung kaya’t nag-uumapaw ang kanyang kapatawaran at grasya para sa atin. Pero huwag nating kalimutan na hindi natin dapat ipagwalang bahala ang pag-gawa ng kasalanan.
Lahat tayo ay makasalanan kung kaya’t wala tayong karatapatan na husgahan ang ating kapwa.
Kaysa pagtuunan natin ng pansin ang pagkukulang ng ating mga kapatid, mag-focus tayo kay Kristo. Si Jesus ang ating Diyos na nagmamahal sa atin ng lubos, kahit na napakarami nating pagkukulang.
Prayer of Salvation
Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.
"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ng Jesus, amen."
Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.
Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.
Kung may gusto kang i-share tungkol sa ating devotional story, mag-comment ka o kaya mag-send ng message sa akin. God bless you!