
Si Lisa ay isang bagong Christian. Masayang masaya siya na nakilala niya si Jesus. Kaya naman naghanap agad siya ng mga Christian groups sa Facebook na maari niyang salihan para mas lumago bilang Kristiyano.
Napabilang si Lisa sa ilang Christian groups pero sa halip na ma-inspire ay nalito lamang si siya. Puro away at pagdedebate lang kasi ang nakita niya sa mga grupong ito.
Kaswal na nagpapalitan ng masasakit na salita para lamang maipagtanggol ang kani-kanilang mga relihiyon. Nalungkot at nalito si Lisa sa kanyang naranasan nang siya ay makitungo sa mga Kristiyano sa social media.
Masakit na Katotohanan
Nakakalungkot na ang Christian social medial groups ay punung-puno ng pag-dedebate, pag-aaway, at galit sa kapwa.
Makikita natin ang mga taong ginagamit ang Bibliya upang hiyain ang kapwa Kristiyano. Makikita natin ang mga taong pumipili ng masasakit na salita para durugin ang kadebate dahil lamang sa relihiyon. Mapapaisip ka na lang, natutuwa ba si Jesus sa mga gawaing ito?
Kaya naman hinihikayat ko ang lahat na magkaroon ng panahon upang mag pray at magbasa ng Bibliya. Sa gawain na ito natin malalaman kung ano ba talaga ang nais ni Jesus para sa atin.
Ito ang ating verse para sa linggong ito:
Roma 2:29
Ang Salita ng Diyos
29 Ang tunay na Judio ay ang Judio sa kalooban at ang tunay na nasa pagtutuli ay sa puso, sa espiritu at hindi ayon sa titik ng kautusan. Ang papuri sa kaniya ay hindi mula sa tao kundi mula sa Diyos.
Ito ang natutunan ko sa verse na ito: hindi nakasalalay ang pagiging mabuting Christian sa religion. Ibig sabihin nito, ang pagiging mabuting Christian ay hindi nababase sa pagsunod ng doktrina ng isang relihiyon bagkus nakikita ito sa pagsamba sa Panginoon ng buong puso at kaluluwa.
Dahil dito, nararapat na pahalagahan natin ang pakikipagkapwa-tao kesa sa relihiyon. Mas matutuwa si Hesus kung tayo ay nagmamahalan at hindi nag-aaway.
Bakit mas Mahalaga ang Pakikipagkapwa kesa sa Doktrina?
Galacia 2:16
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
16 Nalalaman natin na walang sinumang itinuturing na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, kundi sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo.
Kaya't tayo'y sumasampalataya kay Cristo Jesus upang ituring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, at hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan.
Sapagkat walang sinumang itinuturing na matuwid dahil sa pagsunod sa Kautusan.
Ang pagiging Kristiyano ay base sa pananampalataya natin na nagawa na ni Jesus ang ang lahat para makapunta tayo sa langit. Ang tanging natitirang bagay na dapat nating gawin ay ang sumamba sa kanyang buong puso at kaluluwa.
Pakatandaan, sapat na kay Jesus ang isang Kristiyano na:
Nananampalataya na binigay ni Jesus ang kanyang buhay sa krus para pagbayaran ang kasalanan ng sangkatauhan
Nagnanais na magkaroon ng personal na relasyon kay Kristo
Bakit naging sapat ang mga ito? Dahil nga ginawa n ani Kristo ang lahat para sa atin. Ang mga doktrina ay bonus na lang. Huwag tayong mag-away tungkol sa doktrina.
Ano ang Ibig Sabihin ng Pagsamba ng Buong Puso at Kaluluwa?
Roma 12:1-2
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
12 Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa habag ng Diyos, ipinapakiusap ko sa inyo na ialay ninyo ang inyong mga katawan bilang handog na buháy, banal, at kalugud-lugod sa Kanya. Ito ang inyong karapat-dapat na pagsamba.
2 Huwag kayong makiayon sa takbo ng kapanahunang ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip. Sa gayon, mapapatunayan ninyo kung alin ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos.
Ayon sa mga verses sa itaaas, ganito ang pagsamaba ng buong puso at kaluluwa:
Ialay ang buhay sa Diyos
Gawin lamang ang mga bagay na nakakalugod sa Kanya
Para malaman natin kung ano ang dakilang utos ng Diyos, tingnan natin ang verses sa ibaba.
Mateo 22:36-40
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
36 “Guro, alin po ba ang pinakadakilang utos sa Kautusan?” 37 At sinabi niya sa kanya, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. 38 Ito ang dakila at pangunahing utos.
39 At katulad nito ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’ 40 Nakabatay sa dalawang utos na ito ang buong Kautusan at ang mga propeta.”
Base sa verses na ito, magkatulad ang pag-ibig sa Diyos at sa kapwa. Kaya masasabi natin na hindi natutuwa ang Diyos kapag nakikipag-away tayo dahil lamang sa religion.
In Summary
Ang pagiging mabuting Christian ay nasa puso at wala sa pagsunod sa doktrina ng religion.
Mas mahalaga ang mag-share tungkol sa pag-ibig at sakripisyo ni Jesus sa krus kesa sa pag-promote ng doktrina ng religion.
Hindi tayo dapat mag-away-away dahil sa religion dahil hindi natutuwa ang Diyos sa ganitong gawain, bagkus magmahalan tayo at ikalat ang pagmamahal ng Diyos ang sangkatauhan.
Prayer of Salvation
Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.
"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ng Jesus, amen."
Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.
Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.
Kung may gusto kang i-share tungkol sa ating verse, mag-comment ka o kaya mag-send ng message sa akin. God bless you!