top of page

Pwede Bang Maging Masaya Habang Nagtitiis?



Ano ba ang mga bagay na dapat magkasama?


Kape at pandesal? Bagay!


Kare-kare at bagoong? Pwede!


Paano kung cereal at tubig? Parang hindi bagay.


Kaligayahan at pagtitiis? Parang hindi rin pwede.


Pero sabi sa Bible, pwede tayong maging maligaya habang nagtitiis.


Colosas 1:11-12


11 Palakasin nawa kayo na taglay ang buong kapangyarihan, ayon sa kanyang maluwalhating kalakasan—upang kayo'y maging matatag at makaya ninyong tiisin ang lahat ng bagay, habang may galak 12 na nagpapasalamat sa Ama, na siyang nagbigay sa atin ng karapatang makibahagi sa pamana para sa mga banal na nasa liwanag.


Bilang Christian kailangan matuto tayo na maging maligaya sa gitna ng mga pagsubok.


Ito ang mga pwede nating gawin para mahanap natin kaligayahan sa gitna ng pagtitiis:


  • Pahalagahan natin ang kasalukuyan

  • Maging masigasig

  • Umasa sa Holy Spirit

  • Matutong maghintay

  • Isipin lagi ang premyo


Pahalagahan Natin ang Kasalukuyan


1 Mga Taga-Corinto 7:17


Mamuhay ang bawat isa ayon sa ipinagkaloob sa kanya ng Panginoon, at magpatuloy sa dati niyang kalagayan noong siya'y tawagin ng Diyos. Ito ang itinuturo ko sa lahat ng iglesya.


Masyado tayong nagfo-focus sa mga problema na darating to the point na hindi na natin nabibigyan ng halaga ang mga nangyayari ngayon.


Kadalasan, pinapahalagahan natin ang mga bagay na wala sa atin kahit na marami tayong pwedeng ipagpasalamat sa bawat araw. Mapapalampas natin ang mga magagandang bagay sa buhay natin kung hindi natin mamahalin ang ating kasalukuyan.


Marami tayong pwedeng gawin ngayon. Pwede nating pagtuunan ng pansin ang Diyos sa araw na ito. Pwede nating i-bless ang ating kapwa. Pwede tayong ngumiti o kaya magbigay sa kalsada habang nagda-drive.


Mayroon tayong oportunidad na ibahagi ang pagmamahal ng Panginoon ngayon.


Maging Masigasig


Lucas 18:1-8


18 At isinalaysay ni Jesus sa kanila ang isang talinghaga upang magturo sa kanila na dapat silang manalanging lagi at huwag panghinaan ng loob.


2 Sinabi niya, “Sa isang lungsod ay may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao. 3 Sa lungsod ding iyon ay may isang balo na laging nagpupunta sa hukom at sinasabi, ‘Humihingi ako ng katarungan laban sa aking mga kaaway.’


4 Matagal ding hindi pinapansin ng hukom ang babae. Ngunit sa kalaunan ay sinabi ng hukom sa sarili, ‘Hindi man ako natatakot sa Diyos o gumagalang sa tao, 5 ngunit dahil lagi akong ginagambala ng balong ito, pagbibigyan ko ang hinihingi niyang katarungan. Kung hindi ay baka mainis pa ako sa madalas niyang pagparito.’ ”


6 Sinabi ng Panginoon, “Pakinggan nga ninyo ang sinasabi ng masamang hukom. 7 At hindi ba maigagawad ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na dumaraing sa kanya araw at gabi? Sila ba ay matitiis niya?


8 Sinasabi ko sa inyo, bibigyan niya agad sila ng katarungan. Gayunman, pagdating ng Anak ng Tao, makatatagpo kaya siya ng pananampalataya sa lupa?”


Ang anak kong si Jad ay mag-aapat na taong gulang na. Ang hilig niya, iPad games. Minsan nag-low batt ang kanyang iPad at chinarge ito ng kanyang Mommy.


Isang minuto pa lang ang lumipas at pilit ng kinukuha ni Jad ang kanyang iPad. Sasagot naman ang kanyang Mommy na “it’s charging.” Walang humpay naman ang tanong ni Jad, “Mommy, can I get my iPad?”


At dahil nakulitan na si Mommy, ibinigay niya ang iPad ni Jad kahit hindi pa ito fully charged.


Kaya naman huwag tayong huminto sa paglapit at paghilling sa Diyos. Kung tayong mga tao na makasalanan ay may kakayanan na magbigay, ang Diyos pa kaya na umiibig ng walang kapalit?


Mateo 7:11


11 Kung kayo nga, bagaman masasama ay marurunong mangagbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit na magbibigay ng mabubuting bagay sa nagsisihingi sa kaniya?


Huwag tayong tumigil sa pagdarasal. Kung para sa ikabubuti natin at ikakaluwalhati ng Panginoon ang ating hiling siguradong ibibigay ito sa atin ng Diyos.


Umasa sa Holy Spirit


Napakahirap ng buhay at minsan parang hindi na natin kaya ang mga pagsubok. Sa mga panahon na tayo ay nanghihina, huwag kalimutan na magdasal at makipag-usap sa Diyos.


Magkaroon tayo ng isang maramdamin at seryosong usapan kasama ang Diyos. Sabihin natin lahat ng reklamo natin sa buhay. Umiyak tayo sa presensya ng Panginoon. Tapos humiling tayo ng katalinuhan at kalakasan mula sa Kanya.


Juan 16:7


7 Sinasabi ko sa inyo ang katotohanan, para sa inyong kapakanan na ako’y aalis. Sapagkat kung hindi ako aalis, hindi darating sa inyo ang Kaagapay. At kung ako’y aalis, isusugo ko siya sa inyo.


Mahirap ba ang pagsubok na dinaranas mo ngayon? Tandaan mo na hindi mo dapat hinaharap ang problema mo ng mag-isa. Kasama mo ang Banal na Espiritu, ang ating kaagapay. Tutulungan Niya tayo sa lahat ng bagay lalo pa kung parang wala nang solusyon ang ating mga problema.


1 Corinto 2:12


12 Kami ay tumanggap, hindi ng espiritu ng sanlibutan, kundi ng Espiritung mula sa Diyos, upang malaman namin ang mga bagay na walang bayad na ipinagkaloob sa amin ng Diyos.


Matutong Maghintay


Napakaganda ng teknolohiya natin sa panahon ngayon. Napakabilis na ng lahat ng bagay— luto, laba, panood ng pelikula, usapan at kung anu-ano pa.


Kaya naman hindi na tayo marunong maghintay. Singit ng singit sa daan at pila, nakikipag-away kapag may mga delays, at halos sirain ang computer kapag mabagal ang internet.


May kasabihan na ang paghihintay ay hindi kawalan ng ginagawa. Ang paghihintay ay daan patungo sa paglago ng ating pagkatao. Hindi tayo pwedeng mag-mature kung hindi tayo marunong maghintay.


Isaias 40:27-31


Israel, bakit ka ba nagrereklamo na tila hindi pansin ni Yahweh ang kabalisahan mo, o hindi inalalayan sa kaapihang naranasan?


Hindi ba ninyo nalalaman, di ba ninyo naririnig? Na itong si Yahweh, ang walang hanggang Diyos, ang siyang lumikha ng buong daigdig?


Hindi siya napapagod; sa isipan niya'y walang makakaunawa. Ang mahihina't mga napapagod ay kanyang pinapalakas. Kahit na ang mga kabataan ay napapagod at nanlulupaypay. Ngunit muling lumalakas at sumisigla ang nagtitiwala kay Yahweh. Lilipad silang tulad ng mga agila. Sila'y tatakbo ngunit hindi mapapagod, sila'y lalakad ngunit hindi manghihina.


Matuto tayong maghintay at bawasan natin ang pagrereklamo. Tandaan na kasama natin ang Diyos sa lahat ng bagay.


Isipin lagi ang premyo


Alam natin ang kasabihang mga byahero lang tayo rito sa mundo. Ibig sabihin, mayroon tayong patutunguhan pagkatapos ng buhay natin dito sa lupa. Langit ang naghihintay sa mga anak ng Diyos.


2 Corinto 4:16-18


16 Kaya't hindi kami pinanghihinaan ng loob; bagaman ang aming panlabas na pagkatao ay nabubulok, binibigyan naman ng panibagong lakas sa araw-araw ang aming panloob na pagkatao.


17 Sapagkat itong magaan at pansamantalang paghihirap ang naghahanda sa atin para sa walang hanggang kaluwalhatian na hindi maihahambing sa anuman.


18 Sapagkat hindi namin pinagmamasdan ang mga bagay na nakikita, kundi ang mga bagay na hindi nakikita, sapagkat ang mga bagay na nakikita ay pansamantala lamang, subalit ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan.


Ang ating mga pagsubok dito sa lupa ay parang kisap-mata lang kung ikukumpara natin ito sa buhay na walang hanggan sa langit. Kaya naman maari natin itong itatak sa ating isip upang lumakas ang ating loob sa bawat laban ng buhay.


In Summary


Maari tayong makahanap ng kaligayahan habang nagtitiis kung gagawin natin ang mga bagay na nabanggit sa itaas.


Huwag kalimutan na magagawa natin ang lahat ng bagay sa tulong ng Panginoong Hesu Kristo. Siya ang magbibigay ng kapayapaan at kaligayahan na hindi natin kayang mauunawaan ng lubos.


Prayer of Salvation


Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.


"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ng Jesus, amen."


Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.


Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.



Single Post: Blog_Single_Post_Widget
bottom of page