top of page

Pinababayaan ba Tayo ng Diyos?


Mateo 14:28-33


28 Sinabi ni Pedro, “Panginoon, kung talagang ikaw nga iyan, papuntahin mo ako diyan sa kinaroroonan mo sa ibabaw ng tubig.”


29 Sumagot siya, “Halika.”

Mula sa bangka ay lumakad si Pedro sa ibabaw ng tubig papunta kay Jesus.


30 Ngunit nang mapansin niya na malakas ang hangin, siya'y natakot at nagsimulang lumubog. “Panginoon, sagipin ninyo ako!” sigaw niya.


31 Agad siyang hinawakan ni Jesus. “Bakit ka nag-alinlangan? Napakaliit ng iyong pananampalataya!” sabi niya kay Pedro.


32 Pagkasakay nila sa bangka, tumigil ang hangin 33 at sinamba siya ng mga nasa bangka. “Tunay nga pong kayo ang Anak ng Diyos!” sabi nila.


Naging accountant ako ng isang maliit na bangko sa aming probinsiya. Nangailangan ng pera ang bangkong pinagtrabahuhan ko at kumuha ito ng loan mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).


Dahil sa loan na ito, nagpadala ng mga auditors ang BSP para malaman kung saan gagamitin ang pera. Pinapirma ng mga auditors ang lahat ng accountants ng bangko sa kasunduan na hindi maaaring mag-withdraw ang mga major shareholders at officers ng bangko. Mapaparusahan ang sinumang papayag na makapag-withdraw ang mga taong ito.


Isang araw, inutusan ako ng head ng accounting na pag-withdraw-hin ng pera ang isang major stockholder. Sinabi pa sa akin na bilisan ang proseso dahil naghihintay ang taong ito sa lobby ng aming gusali.


Sabi ko, “Pumirma ako sa kasunduan.”


“Gumamit ka lang ng memo tapos paikut-ikutin mo,” sagot ng head sabay alis.


Natakot ako. Hindi ako nakapagtrabaho. Naubos ang oras ko sa pag-iisip kung susunod ba ako o hindi.


Bumalik ang head makalipas ang ilang oras. Sabi niya, “Nasaan na yung memo?”


“Hindi ko kayang gawin,” sagot ko.


“Ang hina naman ng loob mo, bata,” sabi ng head sabay alis ulit.


Kinabukasan, tinawag ng BSP auditor ang mga accountants sa isang meeting. Sabi ng auditor, may nahuli siyang memo na nagpapa-withdraw ng pera sa isang major stockholder.


Umamin ang isang accountant ng head office. Sabi niya napag-utusan lang siya ng head ng accounting.


Pinatawag ang head ng accounting sa meeting. Sabi ng head, “Patingin nga ng memo?”


Binigay naman ng auditor.


“Wala akong pirma dito, bakit niyo ako inabala?” Sabay alis.


Nanlumo ang accountant ng head office. Awang-awa naman ako sa kanya. Isip-isip ko, ako sana ang may problema kung sinunod ko yung head ng accounting.


Hindi Tayo Pababayaan ng Diyos


Mabuti na lang hindi katulad ng head of accounting namin ang ating Diyos. Kailanman hindi Niya tayo pababayaan. Makikita natin sa Mateo 14:28-33 na hindi pinabayaan ni Kristo si Pedro. Sabi sa verses, pinansin ni Pedro ang mga alon kaya nawalan siya ng pananampalataya, pero agad siyang tinulungan ni Jesus. Walang sumbat-sumbat. Tulong agad.


Kaya naman patuloy tayong magtiwala sa Panginoon lalo na kung may pinagdadaanan tayo. Laging magdasal at magbasa ng Bible. Tandaan, hindi tayo pababayaan ng Diyos.


Prayer of Salvation


Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.



"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ni Jesus, amen."



Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.



Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.

Single Post: Blog_Single_Post_Widget
bottom of page