
Joel 2:25-27
25 Ibabalik ko ang lahat ng nawala sa inyo
nang pinsalain ng katakut-takot na balang ang inyong mga pananim.
Ako ang nagpadala ng hukbong ito laban sa inyo.
26 Magkakaroon kayo ngayon ng saganang pagkain at kayo'y mabubusog.
Pupurihin ninyo si Yahweh na inyong Diyos,
na gumawa ng mga kahanga-hangang bagay para sa inyo.
Hindi na muli pang kukutyain ang aking bayan.
27 Kaya nga malalaman ninyo na ako'y sumasainyo
at akong si Yahweh lamang ang inyong Diyos.
Hindi na muling hahamakin ang aking bayan.
Dumalo kami sa birthday celebration ng isang kaibigan pagkatapos ng napakatagal na lockdown. Muli kong nakita ang aking pamilya at iba pang kaibigan sa pagtitipon na ito.
Nakakagulat ang mga mga batang noon ko lang muling nakita. Sa isip ko maliit pa lamang sila pero mistulang mga binata at dalaga na sila sa aking paningin.
Masaya na muling makasama ang pamilya at mga kaibigan.
Hindi ko na matandaan kung kailan ang huling bisita ko sa kanila. Nagkaroon kasi ng lockdown dahil sa Covid at paulit-ulit na na-extend ang restrictions dahil hindi nag-cooperate ang mga tao.
Nahirapan din ako sa lockdown kahit na introvert ako. Kailangan ko pa ring makihalubilo sa pamilya at mga kaibigan. Mahilig din kasi akong maglaro ng basketball at hinahanap ng katawan ko ang sport na ito. Naisip ko, paano pa kaya ang mga taong hindi naman komprotable na mapag-isa?
Naisip ko rin na hindi lang naman kalungkutan ang naging pagsubok sa lockdown. Marami ang dumanas ng mas malalang problema, halimbawa na ang mga nawalan ng trabaho.
Mabuti na lang mabuti ang Diyos. Hindi Niya hinahayaan na matalo tayo ng mga dagok sa buhay. Gaya ng lockdown, lumilipas ang mga pagsubok at muling bumubuhos ang mga biyaya. Salamat sa Diyos! Purihin ang Panginoon!
Nais ng Panginoon na bigyan tayo ng mga biyaya pero makakaranas pa rin tayo ng mga pagsubok. Tandaan na ang mga suliranin at responsibilidad ang nagpapalakas at nagpapatibay sa atin sa laban ng buhay. Kaya naman tandaan natin ang mga ito:
Magtiwala sa Diyos
Magdasal Palagi
Ipanalangin ang Kapwa
Magtiwala sa Diyos
Isaias 40:31
31 Ngunit muling lumalakas
at sumisigla ang nagtitiwala kay Yahweh.
Lilipad silang tulad ng mga agila.
Sila'y tatakbo ngunit hindi mapapagod,
sila'y lalakad ngunit hindi manghihina.
Lahat tayo ay dumaranas ng pagsubok. May mga problemang susubok sa ating tapang at pagnanais na magtagumpay. Minsan, parang walang katapusan ang mga suliranin ng buhay. Bago pa dumating sa punto na wala na tayong pag-asa, huwag kalimutan na kailangan nating magtiwala sa Diyos.
Tandaan natin na binibigyan ng Diyos ng kalakasan ang mga taong nagtitiwala sa Kanya. Pupunuin tayo ng Banal na Espiritu at itutulak tayo para lumaban muli.
Magdasal Palagi
Mateo 11:28
28 “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan.
Mahirap sarilinin ang problema pero mas gusto nating lumaban mag-isa. Tandaan natin na kasama natin ang Diyos at hindi Niya tayo pababayaan. Huwag tayong mahiyang magdasal at lumapit sa Diyos.
Sabihin natin sa Kanya ang lahat ng problema. Umiyak tayo sa Kanyang harapan. Iparinig natin sa Kanya ang ating mga daing. May kapangyarihan ang ating mga panalangin.
Ipanalangin ang Kapwa
Job 42:10
10 Ang kabuhayan ni Job ay ibinalik ni Yahweh sa dati, nang ipanalangin nito ang tatlong kaibigan. At dinoble pa ni Yahweh ang kayamanan ni Job.
Si Job ay tapat na lingkod ng Diyos na dumanas ng napakahirap na pagsubok. Nawala ang lahat ng kanyang ari-arian, namatay ang kanyang mga anak, at nagkaroon siya ng malubhang karamdaman.
Hindi nawalan ng pananampalataya si Job kahit na dumanas siya ng hirap at hindi rin siya tumigil sa pagdarasal para sa kanyang mga kaibigan.
Sinasabi sa Bible na dinoble ng Diyos ang biyaya sa buhay ni Job matapos ang kanyang pagsubok.
Gayahin natin si Job, ipagdasal natin ang ating pamilya at mga kaibigan. Alam ko na bibiyayaan din tayo ng Diyos dahil ang ating Panginoon ay tapat.
In Summary
Nais ng Diyos na bigyan tayo ng mga biyaya pero makakaranas pa rin tayo ng mga pagsubok.
Habang tayo ay dumaranas ng kahirapan, patuloy tayong magtiwala sa Diyos. Siya ang magbibigay sa atin ng lakas para magtagumpay.
Patuloy tayong magdasal at isama natin ang ating pamilya at mga kaibigan sa ating mga panalangin.
Prayer of Salvation
Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.
"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ng Jesus, amen."
Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.
Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.