
Sunud-sunod ang bagyo ang dumaan sa Pilipinas nitong mga nakakaraang linggo, at itong huli ay ang Bagyong Ulyssess.
Marami ang nagsasabi na walang nakapaghanda sa lakas ng bagyong ito. Kaya naman napakarami ng mga bahay at kabuhayan ang nawasak.
Napakahirap na ng buhay ngayong 2020 at napakasakit tanggapin na may mga sakuna pang dumarating. Kaya naman hinihikayat ko ang lahat na magkaroon ng panahon sa pagdarasal at pagbabasa ng Bible upang magkaroon tayo ng encouragement habang hinaharap ang hirap ng buhay.
Ito ang ating key verses sa linggong ito:
Mga Awit 34:17-20
Magandang Balita Biblia
17 Agad dinirinig daing ng matuwid;
inililigtas sila sa mga panganib.
18 Tinutulungan niya, mga nagdurusa
at di binibigo ang walang pag-asa.
19 Ang taong matuwid, may suliranin man,
sa tulong ni Yahweh, agad maiibsan.
20 Kukupkupin siya nang lubus-lubusan,
kahit isang buto'y hindi mababali.
Base sa mga verses na ito, ang mga anak ng Diyos ay makakaranas ng mga pagsubok pero patuloy silang mamahalin at tutulungan ng Diyos.
Gusto kong i-share sa inyo ang aking karanasan noong sinalanta ng bagyong Pedring ang aking bayan sa Nueva Ecija noong 2011.
Bigyan ko muna kayo ng backstory para mas maiintindihan ninyo ang epekto ng bagyong ito sa aking buhay.
Nag-resign ako bilang teacher at nagsimula ng dalawang maliit na negosyo noong 2011. Una, nagtayo ako ng article writing office at ang trabaho namin ay magsulat para sa iba’t-ibang websites. Pangalawa, nag pundar ako ng equipment para sa aking recording studio.
Kakasimula ko pa lang nang dumating si Bagyong Pedring, ang pinakamalakas na bagyo na naranasan ko sa aking buhay.
Madalas lumubog sa baha ang aking barangay sa Cabanatuan City, Nueva Ecija kaya naman masasabi naming na sanay na kami sa bagyo.
Pero iba si Pedring. Napakataas at napakabilis ng tubig-baha na dala ng bagyong ito. Tanging ang ikalawang palapag lamang ng aming bahay ang nakaangat sa tubig.
Na-stranded kami ng aking mga anak sa aming bahay ng tatlong araw. Buti na lang may container kami ng mineral water, stock ng instant noodles at sky flakes.
Paghupa ng baha, agad kong tiningnan ang aming kagamitan. Wala ng pakikinabangan sa mga ito. Ang aking office, studio at lahat ng kagamitan ay nabalutan na ng putik at burak.
Tinanong ko ang aking sarili at ang Diyos: Paano na kami ng mga anak ko?
Napilitan akong lumipat sa Metro Manila para magtrabaho bilang isang call centre agent. Inilipat ko rin ng school ang aking mga anak sa Pasig City. Doon kami nagsimula ng panibagong buhay.
Di nagtagal na promote ako bilang trainer sa industriya. Dito ako nagkaroon ako ng pagmamahal sa learning and development profession.
Lumipas ang taon, nagkaroon ako ng oportunidad na lumipat sa Australia. Napakalaking tulong sa akin ng mga natutunan ko sa call centre. Nagamit ko ang call centre English training noong kumuha ako ng language test at call centre agent din ang naging una kong trabaho.
Ngayon, isa na akong business learning consultant at instructional designer dito sa Australia.
Naisip ko, napakahirap ng dinanas ko kay Bagyong Pedring pero kung hindi dahil sa bagyong ito, hindi ako napadpad sa call centre industry at learning and development profession.
Tama ang sinasabi sa Bible:
Roma 8:28
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
28 Alam natin na sa lahat ng bagay, gumagawa ang Dios para sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya, na kanyang tinawag ayon sa kanyang layunin.
Maaring nakakalungkot at nakakatakot ang ating sitwasyon ngayon, pero makakaasa tayo na may magandang gagawin ang ating Diyos para sa atin.
Kaya kaibigan, ngumiti ka na. Tapos na ang bagyo. Marami ang nawala sa iyo pero makakasiguro ka na mas maganda ang bukas na haharapin mo dahil kay Kristo.
Prayer of Salvation
Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.
"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ng Jesus, amen."
Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.
Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.
Kung may gusto kang i-share tungkol sa ating verse, mag-comment ka o kaya mag-send ng message sa akin. God bless you!