
Nakakalungkot ang estado ng pulitika sa Pilipinas ngayon. Hinaharap ng bansa ang pandemya at mga problemang hatid ng sunud-sunod na bagyo, pero tila mas mahalaga sa ating mga pulitiko ang pangangalaga sa kani-kanilang imahe.
Ang bawat kampo ay nangangatwiran na ipinagtatanggol lamang nila ang kanilang mga sarili mula sa paninira na ginagawa ng kabilang grupo. Kung susuriin ang mga pangyayari at mga sinasabi ng magkabilang koponan, makikita natin na may punto naman ang bawat isa. Pero ang tanong ng nakararami, bakit kailangan bigyan ng pansin ang mga pambabatikos samantalang napakarami ng ating mga kababayan ang naghihirap?
Tunay nga na nakaka-depress ang mga nangyayari sa pulitika ng ating bansa, kaya naman hinihikayat ko ang bawat isa na magkaroon ng panahon sa pagdarasal, panalangin o kay pagbabasa ng devotional stories na gaya nito. Ang ating relasyon sa Diyos ang magbibigay sa atin ng lakas ng loob na kailangan natin sa panahon na ito.
Ito ang tanong na sasagutin natin sa devotional story ngayong linggong ito: Ano ang sinasabi ng Bible tungkol sa pagresponde sa pambabatikos?
Roma 12:14: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
14 Pagpalain ninyo ang mga umuusig sa inyo; pagpalain ninyo at huwag sumpain.
Sinabi sa mga verses sa itaas na dapat nating pagpalain ang ating mga haters kaysa patulan natin ang mga ito. Maari natin silang ipanalangin o bigyan ng regalo (kung kaya ng iyong puso).
Alam kong napakahirap nitong gawin, pero isipin na lang natin na magagawa natin ito dahil iniutos ito sa atin ni Kristo.
Lucas 6:27-28: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
27 “Subalit sinasabi ko sa inyong mga nakikinig, ibigin ninyo ang inyong kaaway, at gawan ninyo ng kabutihan ang namumuhi sa inyo. 28 Pagpalain ninyo ang sumusumpa sa inyo, at ipanalangin ang mga nang-aapi sa inyo.
Alam natin kung gaano tayo kamahal ng Panginoon. Inialay ni Jesus ang kanyang buhay para mailigtas tayo mula sa impiyerno. Nagsakripisyo si Hesus kahit na tayo ay makasalanan. Hindi mahalaga ang ating mga kamalian dahil mahal na mahal tayo ng Diyos. Kaya naman, kakayanin natin na huwag makipag-away sa mga haters kung ituturing natin itong alay sa ating Diyos.
Pakatandaan rin natin na kailanman ay hindi tayo pababayaan ng Diyos. Hindi niya hahayaan na makaapekto sa ating pamumuhay ang mga paninira ng ating mga kaaway.
Isaias 54:17: Magandang Balita Biblia
17 Ngunit mula ngayon, wala nang sandatang gagamitin laban sa iyo,
at masasagot mo ang anumang ibibintang sa iyo.
Ang mga lingkod ko'y aking ipagtatanggol,
at sila'y bibigyan ng pagtatagumpay.”
Ito ang sinabi ni Yahweh.
Kaya huwag tayong matakot sa mga pagtuligsa ng mga haters. Patuloy tayong kumilos ng naayon sa mga kauutusan ng Diyos at Siya na ang bahala sa atin.
Exodo 14:14: Magandang Balita Biblia
14 Ipagtatanggol kayo ni Yahweh, pumanatag lamang kayo.”
Huwag nating isipin na wala tayong mapapala kung hindi natin ipaglalaban ang ating sarili. Bukod sa ipagtatanggol na tayo ng Diyos, Siya na rin ang magbibigay sa atin ng blessings dahil sa pagsunod natin sa Kanyang mga utos.
Deuteronomio 28:2: Magandang Balita Biblia
2 Mapapasa-inyo ang lahat ng mga pagpapalang ito kung susundin ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh.
Exodo 23:22: Magandang Balita Biblia
22 Kung susundin ninyo siya at gagawin ninyo ang mga sinasabi ko, ipaglalaban ko kayo sa inyong mga kaaway.
Mga Kawikaan 16:7: Magandang Balita Biblia
7 Kung ang buhay ng tao ay kalugud-lugod kay Yahweh,
maging ang mga kalaban, sa kanya'y makikipagbati.
In Summary
Kaya mga kaibigan, huwag nating patulan ang mga bumabatikos sa atin sa social media o komunidad, bagkus ipanalangin natin ang mga ito. Mas malulugod ang Diyos sa atin kung pagpapalain natin ang mga haters na ito. Tandaan na mas maraming blessings ang darating sa ating buhay kung susunod tayo sa mga utos ng Diyos.
Prayer of Salvation
Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.
"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ng Jesus, amen."
Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.
Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.
Kung may gusto kang i-share tungkol sa ating devotional story, mag-comment ka o kaya mag-send ng message sa akin. God bless you!