top of page

Paano Mo Makikilala ang Tinig ng Banal na Espiritu?




Naaalala mo pa ba ang noong uso pa ang 2-way radio?


Nauso ito noong ako ay nasa high school pa, dekada 90. Tuwang-tuwa kami ng aking mga kaibigan dahil ito ang una naming experience sa portable communication. Ang saya namin dahil nagkaroon kami ng paraan upang makausap ang aming mga kaibigan kahit nasa malayo sila. Wala pang cellphone at pager noong mga panahon na iyon. Parang magical ang experience ng long distance communication kapag ginagamit namin ang 2-way radio noon.


Ngayon, hindi na masyadong nakaka-excite ang 2-way radio dahil sa mga smartphones. Lalo pa’t hamak na mas madali, mabilis, at malinaw ang pag-uusap gamit ang mga smartphones na ito.

Masasabi nating pamilyar na tayo sa experience ng long-distance communication.


Ganito rin ang magiging karanasan natin patungkol sa pakikipag-usap sa Holy Spirit. Magical ang pakiramdam kapag narinig natin ang tinig ng Holy Spirit, habang lumalaon, ibang klase pa rin ang pakiramdam pero nagiging pamilyar din tayo sa Kanya.


Paano natin malalaman kung ang tinig na naririnig natin ay galing sa Holy Spirit?


Dapat nating tandaan na gusto tayong kausapin ng Diyos. Nilikha Niya tayo na may kakayahan na marinig ang Kanyang tinig. Kaya naman kung sa tinging mo kinakausap ka ng Panginoon, nararapat na I-check mo kung tunay nga na galing sa Diyos ang boses na naririnig mo. Subukin mo ang tinig sa pamamagitan ng:


  • Bible

  • Sarili

  • Diablo


Bible Test


2 Timoteo 3:16-17


16 Ang lahat ng mga kasulatan ay ihininga ng Diyos at mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, pagtutuwid, at pagsasanay sa katuwiran, 17 upang ang lingkod ng Diyos ay maging karapat-dapat at lubusang maihanda sa lahat ng mabubuting gawa.


Ang sinasabi ba ng tinig ay naaayon sa sinasabi ng Bible? Kung ang sinasabi ng tinig ay hindi akma sa layunin ng ating Diyos, masisigurado mo na hindi ito galing sa Kanya.


Hindi sinungaling ang Diyos at hindi Niya tayo ipapahamak. Ilalayo niya tayo sa mga maling desisyon at kasalanan dahil mahal na mahal Niya tayo.


Kaya naman kadalasan mahirap ang mga pinapagawa sa atin ng Panginoon dahil ikabubuti natin ito. Pwede Niyang sabihin na patawarin natin ang mga nanakit sa atin o kaya suportahan natin ang ating kaibigan o pamilya.


Magbasa tayo ng Bible para maging pamilyar tayo sa mga nais ng Diyos. Para kapag kinausap tayo ng Holy Spirit, pamilyar na tayo sa mga sasabihin Niya.


Sarili Test


2 Timoteo 3:2


2 Ang mga tao'y magiging makasarili, sakim sa salapi, mayayabang, mapagmalaki, mapagmalabis, suwail sa mga magulang, walang utang na loob, at lapastangan sa Diyos.


Ang sangkatauhan ay likas na makasarili. Kaya naman kung ang tinig na naririnig natin ay nagsasabi na unahin natin ang ikabubuti ng ating kapwa, marahil ito nga ang boses ng Holy Spirit.


Kadalasan mahirap unahin ang pangangailangan ng iba kaysa sa atin mga kagustuhan, parang assignment na binigay ni teacher o kaya mga utos ni Nanay. Pero alam natin na para ito sa ikabubuti natin at ng nakararami.


Diablo Test


Hebreo 11:25


25 Pinili niyang magbata ng kahirapan kasama ng mga tao ng Diyos kaysa magtamasa ng panandaliang kali¬gayahang dulot ng kasalanan.


Ang sinasabi ba ng tinig ay alinsunod sa mga gawain ng diablo? Mukhang madaling suriin ito pero alam natin na ginagamit ng demonyo ang salita ng Diyos para lituhin ang mga Kristiyano. Pinapaganda ng diablo ang mga temptasyon para mahuli niya tayo.


Kaya naman muli tayong lalapit sa Holy Spirit para mabigyan tayo ng katalinuhan upang maintindihan kung ano ang gusto ng Panginoon.


Kung ang sinasabi ng tinig ay mukhang maganda pero parang nagdududa ka kung gagawin mo o hindi, maaaring binabalaan ka na ng Holy Spirit.


Kadalasan ginagamit na ng mga Kristiyano ang salita ng Diyos para manakit at makipag-away. Kung ang sinasabi ng tinig ay makakasama sa iyong kapwa, malamang hindi ito galing sa Panginoon.


Napakaganda ng sinasabi ng Galatians tungkol sa fruits of the Holy Spirit:


Galacia 5:22-23


22 Ngunit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan,kapayapaan, pagtitiis, kagandahang loob, kabutihan, pananam¬palataya, 23 kaamuan, pagpipigil sa sarili. Walang kautusan laban sa mga bagay na ito.


Kapag sinunod natin ang utos ng Holy Spirit, dapat lalo tayong maging mapagmahal at hindi napupuno ng galit. Dapat nagdudulot tayo ng kaligayahan at kapayapaan at hindi pakikipag-away. Dapat kaya nating pigilan ang ating mga sarili para sa ating ikabubuti.


In Summary


Mahalagang makilala natin ang tinig ng Diyos upang hindi tayo mapahamak at makasakit ng kapwa.


Suriin at subukin ang mga tinig na ating naririnig.


Kapag nagawa natin ito, mapupuno tayo ng Banal na Espiritu at makikita ang bunga nito sa ating buhay.


Prayer of Salvation


Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.


"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ng Jesus, amen."


Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.


Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.


Single Post: Blog_Single_Post_Widget
bottom of page