
“Mayroon kang terminal cancer. Ilang buwan na lang ang natitira sa iyong buhay,” wika ng doktor kay Tina.
Nagdulot ng kalungkutan ang mga salitang iyon. Pero sa halip na manatili sa lungkot, pinili ni Tina na manalig sa Diyos.
Araw-araw na nanalangin si Tina. Lagi niyang binibigkas ang mga pangako sa Bible gaya ng “Ako ay gagaling dahil sa sakripisyo ni Jesus!”
Mahigit 40 years na mula ng tinaningan ang buhay ni Tina, pero siya’y buhay na buhay at malakas na malakas hanggang ngayon. Si Tina ay patuloy na naglilingkod sa Diyos. Siya ay nag-oorganisa ng mga seminar patungkol sa cancer.
Naisip mo ba kung bakit may mga taong nakakaranas ng himala? Sino ba ang puwedeng makaranas ng himala? Paano sila nakaranas ng himala?
Juan 9
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
9 Habang naglalakad si Jesus, nakita niya ang isang lalaking bulag mula pa sa pagkasilang.
2 Tinanong siya ng mga alagad niya, “Rabbi, sino ba ang nagkasala't ang lalaking ito ay ipinanganak na bulag, siya o ang kanyang mga magulang?”
3 Sumagot si Jesus, “Hindi ang lalaking ito, ni ang mga magulang niya ang nagkasala; ipinanganak siyang bulag upang sa pamamagitan niya, ang mga gawa ng Diyos ay maihayag.
Dapat nating paniwalaan na tayo ay maaaring makaranas ng himala sa bawat araw.
Sa panahon ngayon, kailangan natin ng pag-asa. Kailangan nating maniwala na mayroong Diyos na handang tumulong sa atin.
Maaaring napakahirap ng ating dinaranas at parang walang solusyon ang mga problema. Kailangan nating maniwala na kayang baguhin ng Diyos ang ating buhay. Maari tayong makaranas ng himala.
Para mas maintindihan natin kung paano makatanggap ng himala, balikan natin ang tatlong tanong na ito:
Sino ang nakaranas ng himala?
Bakit sila nakaranas ng himala?
Paano sila nakaranas ng himala?
Sino Ang Nakaranas ng Himala?
Ang pulubi sa istorya ay pinanganak na bulag kaya naman masasabi natin na habambuhay na siyang namuhay bilang pulubi.
Walang naisulat tungkol sa mga nagawa ng pulubi. Hindi nabanggit kung siya ba ay mabuti o masama pero ginamit pa rin siya upang maging halimbawa ng kapangyarihan ng Diyos.
Masasabi natin na hindi mahalaga ang kabutihan, kayamanan o kaya ang mataas na estado upang makaranas tayo ng himala.
Mga Gawa 10:34-35
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
34 Nagsimulang magsalita si Pedro at kanyang sinabi, “Nauunawaan ko na ngayong wala talagang kinikilingan ang Diyos. 35 Kinalulugdan niya ang sinuman mula sa bawat bansa na may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid.
May paboritong anak ba ang magulang mo?
Kadalasan, hindi napaparusahan ang paboritong anak. Madalas pa silang nakakatanggap ng mga regalo.
Mabuti na lang, walang paborito ang Diyos. Lahat ng tao ay maaaring makaranas ng himala. Kailangan nating maniwala na puwede tayong makatanggap ng himala mula sa Diyos.
Bakit Sila Nakaranas ng Himala?
Nakaranas ang pulubi ng himala sa kadahilanang maluluwalhati ang pangalan ng Diyos sa pangyayaring iyon.
Maaari rin tayong makatanggap ng himala, hindi dahil sa ating mga nagawa, kundi dahil sa maluluwalhati ang Diyos sa buhay natin.
Paano Sila Nakaranas ng Himala?
Hindi perpekto ang naging sitwasyon ng pulubi noong maranasan niya ang himala ni Jesus.
Isipin natin, puwedeng sinabi na lang ni Jesus sa kanya na “buksan mo ang iyong mata” at siguradong makakakita na siya.
Pero hindi ganoon ang nangyari. Dumura si Jesus sa lupa at gumawa ng putik. Pagkatapos, ipinahid ni Jesus ang putik sa mata ng bulag.
Totoong napakaliit na kapalit ng putik na gawa sa laway kumpara sa pagiging bulag, pero alam natin na kaya siyang gamutin ng Diyos sa mas malinis, maayos at mas mabilis na paraan.
Ano ang ibig sabihin nito?
Minsan gumagawa ng himala ang Panginoon sa ating buhay pero hindi natin ito napapansin dahil iba ang kanyang paraan kumpara sa ating inaasahan. Masasabi natin na tayo ay maihahalintulad kay Naaman.
2 Mga Hari 5:1
Magandang Balita Biblia
1 Sa Siria ay may isang pinuno ng hukbo na nagngangalang Naaman. Mataas ang pagtingin sa kanya ng hari sapagkat sa pamamagitan niya'y pinapagtatagumpay ni Yahweh ang Siria sa mga labanan. Si Naaman ay isang magiting na mandirigma ngunit siya'y may sakit na ketong.
Si Naaman ay isang centurion. Masasabi na mataas ang kanyang ranggo sa hukbo ng Syria. Dahil sa sakit na ketong at sa payo ng isang kasama, nagpunta siya sa Israel upang magpagamot kay propetang Elisha.
Pero iba ang inaasahan ni Naaman kaysa sa ginawa ni Elisha:
2 Mga Hari 5:11-14
Magandang Balita Biblia
11 Nang marinig ito, galit na umalis si Naaman. Sinabi niya, “Akala ko pa nama'y sasalubungin niya ako, tatayo sa harap ko, tatawagan ang Diyos niyang si Yahweh, at ikukumpas ang kanyang mga kamay sa tapat ng aking ketong at ako'y pagagalingin.
12 At bakit hindi na lang sa mga ilog ng Damasco tulad ng Abana at ng Farfar na mas malinis kaysa alinmang ilog sa Israel? Hindi ba puwedeng doon na lang ako maligo para gumaling?”
13 Ngunit lumapit sa kanya ang kanyang mga lingkod at sinabi, “Ginoo, kung mas mahirap pa riyan ang ipinagagawa sa inyo ng propeta, di ba't gagawin ninyo iyon? Gaano pa iyang pinaghuhugas lang kayo para luminis?”
14 Kaya, pumunta rin si Naaman sa Ilog Jordan, at naglublob ng pitong beses gaya ng ipinagbibilin ng propetang si Eliseo. Nagbalik nga sa dati ang kanyang laman at kuminis ang kanyang balat, tulad ng kutis ng bata.
Inisip ni Naaman na pupuntahan siya ni Elisha at gagamutin pero inutusan lang siya nito na maglublob ng 7 beses sa ilog Jordan.
Mabuti na lang at sumunod si Naaman. Muntik na niyang napalampas ang kanyang himala.
Kadalasan, inaasahan natin na sagutin ng Panginoon ang ating mga panalangin sa paraan na gusto natin. Kaya naman pag iba ang nais mangyari ng Diyos iniisip na natin na hindi Niya sinagot ang ating mga panalangin.
Magtiwala tayo sa Diyos. Kung may nais siyang ipagawa, kahit na mukhang walang kabuluhan, sumunod tayo.
Ang pananampalataya at pagsunod sa Diyos ang nagbubukas ng pintuan ng mga himala.
In Summary
Maari pa tayong makaranas ng himala.
Hindi nakabase sa ating kabutihan, kayamanan o estado sa buhay ang pagtanggap ng himala.
Minsan gumagawa na ng himala ang Panginoon pero hindi natin napapansin dahil sa iba ang ating inaasahan.
Patuloy na maniwala sa Diyos. Sumunod kahit na mukhang walang saysay ang ipinapagawa sa atin.
Makakaranas tayo ng himala kung maluluwalhati ang Panginoon sa ating buhay.
Prayer of Salvation
Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.
"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ng Jesus, amen."
Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.
Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.
Kung may gusto kang i-share tungkol sa ating devotional story, mag-comment ka o kaya mag-send ng message sa akin. God bless you!