top of page

Paano Ibalik ang Motibasyon?



2 Mga Taga-Corinto 4:16-18


Kaya't hindi kami nasisiraan ng loob kahit na humihina ang aming katawang-lupa; patuloy namang lumalakas ang aming espiritu araw-araw.


Ang bahagya at panandaliang kapighatiang dinaranas namin ngayon ay magbubunga ng kagalakang walang hanggan at walang katulad.


Kaya't ang paningin namin ay nakatuon sa mga bagay na di-nakikita, at hindi sa mga bagay na nakikita. Sapagkat panandalian lamang ang mga bagay na nakikita, ngunit walang hanggan ang mga bagay na di-nakikita.


Nagkaroon ng oportunidad para sa promotion sa aking trabaho. Matagal na ako sa kompanya at maganda ang resulta ng aking mga performance reviews, kaya naman naisip ko na panahon na para ma-promote ako.


Tiningnan ko ang job description ng bagong posisyon, at nakita ko na pareho lang sa mga ginagawa ko ang nakasulat. Lalo pang lumakas ang loob ko. Dumagdag pa ang mga komento ng mga kasamahan ko sa trabaho. Sabi nila na para sa akin talaga ang bagong posisyon.


Nag-submit ako ng application at pagkatapos ng ilang araw, nakatanggap ako ng rejection letter. Hindi ko nakuha ang posisyon. Nalungkot ako. Nawalan ako ng gana magtrabaho.


Pinaalalahanan ako ng Banal na Espiritu na hindi gawain ng isang Kristiyano ang maging tamad o pabaya sa trabaho. Kaya naman pinilit kong humanap ng mga verses para bumalik ang aking motibasyon. Ito ang nakita ko:


Mga Hebreo 12:1-2


Kaya nga, dahil napapaligiran tayo ng napakaraming saksi, talikuran natin ang kasalanan at ang anumang balakid na pumipigil sa atin.


Buong tiyaga tayong tumakbo sa paligsahang ating sinalihan. Ituon natin ang ating paningin kay Jesus na siyang pinagmumulan at kabuuan ng ating pananampalataya.


Dahil sa kagalakang naghihintay sa kanya, hindi niya ikinahiya ang mamatay sa krus, at siya ngayo'y nakaupo sa kanan ng trono ng Diyos.


Base sa mga verses sa itaas, ito ang tatlong bagay na dapat nating isaalang-alang para bumalik ang ating motibasyon.

  • May mga saksi

  • Tumingin kay Jesus

  • May Kagalakan na Naghihintay

May mga Saksi


2 Mga Taga-Corinto 5:20


Kaya nga, kami'y mga sugo ni Cristo; ang Diyos mismo ang nakikiusap sa inyo sa pamamagitan namin. Kami'y nakikiusap sa inyo alang-alang kay Cristo; hayaan ninyong maging kaibigan kayo ng Diyos.


Ang mga Kristiyano ay mga sugo o ambassadors ng Diyos. Kinakatawan natin si Kristo, ibig sabihin representatives tayo ng Panginoon. Dapat tayong maging mabuting halimbawa para sa lahat ng tao. Hindi magandang representasyon sa ating Panginoon kung tayo ay tatamad-tamad. Mas pipiliin pa ng mga tao na hindi sumunod kay Jesus kung ang mga Kristiyano ay simbolo ng kapabayaan.


Tumingin kay Jesus


Mga Kawikaan 16:3


Ipagkatiwala mo kay Yahweh ang iyong mga gagawin, at magtatagumpay ka sa lahat ng iyong mga layunin.


Kailangan nating maging matiyaga at matatag sa gitna ng kahirapan. Hindi ito simple. Mas madaling mataranta at sumuko kaysa humanap ng solusyon.


Mabuti na lang kasama natin si Jesus. Tumingin tayo sa Kanya. Bibigyan Niya tayo ng lakas upang magawa ang mga bagay na hindi natin kayang gawin. Kapag mistulang nalulunod na tayo sa hirap, huwag nating kalimutan magdasal.


Magtiwala tayo kay Jesus na hindi Niya tayo pababayaan. Hindi tayo bibigyan ng Diyos ng hamon na hindi natin kayang lampasan.


May Kagalakan na Naghihintay


Mga Taga-Filipos 4:7


At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.


May happy ending para sa mga naniniwala sa Panginoon. Kaya huwag tayong sumuko at patuloy tayong lumaban. Alam ng Diyos ang mabuti para sa atin kaya manampalataya lang tayo sa Kanya. Darating ang panahon ng pagpapala at siguradong magiging maligaya tayo sa mga araw na iyon.


In Summary


Ang mga Kristiyano ay dapat na maging simbolo ng kasipagan at katatagan. Huwag nating kalimutan na marami ang nakatingin sa atin at kinakatawan natin si Jesus.


Mahirap maging masipag at matiyaga pero makakaya natin ito kung tayo ay lalapit at magtitiwala kay Jesus.


Makakatanggap ng pagpapala ang mga Kristiyanong mananatiling masipag at matatag.


Prayer of Salvation


Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.


"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ng Jesus, amen."


Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.


Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.

Single Post: Blog_Single_Post_Widget
bottom of page