
Naalala ko nung napromote ako bilang Instructional Designer. Sobrang tuwa ko pero alam ko na may kaakibat itong hirap.
Hindi ako nagkamali. Dumaan ako sa napakatinding prosesso ng pag-aaral. Nahirapan ako ng husto to the point na nagigising na ako sa madaling araw dahil sa anxiety.
Matagal na akong Christian pero napilitan akong lumapit sa isang therapist. Wala namang masama roon. Naniniwala ako na pwede tayong manampalataya sa Diyos at magpatingin sa espesyalista ng sabay.
Marami ang katulad ko na nag-worry to the point na nagkaroon na ng anxiety.
Pero gusto kong ipaalala sa lahat na nais ng Diyos na maging maligaya tayo ngayon. Kaya lang, pinagpapaliban natin ang ating kaligayahan. Hinihintay natin ang perpektong pagkakataon at iniisip natin na iyon lamang ang magpapasaya sa atin.
Mateo 6:25-34
25 “Kaya't sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong ikabalisa ang inyong ikabubuhay, kung ano ang inyong kakainin o kung ano ang inyong iinumin, ni ang inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot.
Hindi ba't mas mahalaga ang buhay kaysa sa pagkain, at ang katawan kaysa sa pananamit?
26 Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid! Hindi sila nagtatanim o gumagapas o nagtitipon sa kamalig, gayunma'y pinakakain sila ng inyong Amang nasa langit. Hindi ba mas mahalaga kayo kaysa kanila?
27 At sino sa inyo na dahil sa pagkabalisa ay nakapagdaragdag ng isang oras sa haba ng kanyang buhay?
28 At bakit nag-aalala kayo tungkol sa pananamit?
Masdan ninyo ang mga ligaw na bulaklak sa parang, lumalaki sila nang hindi naman nagpapagal ni humahabi ng tela, 29 gayunma'y sinasabi ko sa inyo na kahit si Solomon sa kanyang karangyaan ay hindi nakapagbihis nang tulad sa isa sa mga ito.
30 At kung gayon nga binibihisan ng Diyos ang damo sa parang na ngayon ay buháy ngunit bukas ay inihahagis sa kalan, kayo pa kaya ang hindi niya bihisan, kayong mahina ang pananampalataya?
31 Kaya't huwag kayong mabalisa at magtanong, ‘Ano ang aming kakainin?’ o ‘Ano ang aming iinumin?’ o ‘Ano ang isusuot namin?’
32 Sapagkat ang mga bagay na ito ang pinagsisikapang makamtan ng mga Hentil, at nalalaman ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga ito. 33 Subalit pagsikapan muna ninyong matagpuan ang kaharian ng Diyos at ang kanyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.
34 Kaya't huwag kayong mag-alala para sa araw ng bukas, sapagkat mag-aalala ang bukas para sa kanyang sarili. Sapat na para sa buong maghapon ang mga alalahanin nito.
Itinuro ni Jesus kung ano ang dapat nating gawin sa mga verses na ito. Pinaliwanag Niya kung bakit hindi tayo dapat mag-alala.
Kung iisipin, napakaraming alalahanin ni Jesus. Mayroon siyang inaasikasong ministry at alam Niya na kailangan Niyang magdusa at mamatay para sa sangkatauhan. Pero sa halip na mag-worry, tinuruan pa tayo ni Jesus at sinabi Niya na huwag nating isipin masyado ang mga problema sa darating na araw.
Ano ang gagawin natin para hindi tayo mag-alala?
Eto ang mga puntong nakuha ko sa mga verses na binasa natin na makakatulong sa atin upang hindi mag-alala. Sa bawat araw:
• Sapat ang grasya ng Diyos
• Sapat ang kabutihan ng Diyos
• Sapat ang pagkamangha natin
Sapat ang Grasya ng Diyos
2 Corinto 12:9
9 Ngunit sinabi niya sa akin, “Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo, sapagkat ang kapangyarihan ko ay lubos na nahahayag sa kahinaan.” Dahil dito, masaya kong lalong ipagmamalaki ang mga kahinaan ko upang manatili sa akin ang kapangyarihan ni Cristo.
Kadalasan,naghahanap tayo ng mga dahilan para mag-alala. Hindi tayo tumitigil hangga’t hindi natin napag-iisipang mabuti ang mga pagsubok natin sa buhay.
Sabi ng Diyos, sapat lagi ang Kanyang biyaya at dapat maniwala tayo. Hindi tayo nilikha ng Diyos upang mag-alala.
Sapat ang Kabutihan ng Diyos
2 Corinto 9:8
8 Kaya ng Diyos na pagkalooban kayo ng masaganang pagpapala sa lahat ng bagay, upang maging masagana kayo sa lahat ng uri ng mabuting gawa, habang pinupunan ang lahat ng inyong mga pangangailangan sa tuwina.
Balikan natin ang bulaklak na Lily at si Haring Solomon na nabanggit sa mga verse sa itaas. Hindi nagpapagal ang mga lily pero sinabi sa verses sa itaas na mas maganda pa sila kaysa sa kasuutan ni Haring Solomon.
Tayo pa kaya na mga tao ang pababayaan ng Diyos? Sapat ang biyaya ng Panginoon sa atin sa bawat araw at dapat manalig tayo sa Kanya.
Sapat ang Pagkamangha Natin
Mga Hebreo 12:28
28 Kaya't yamang isang kahariang hindi mayayanig ang tinatanggap natin, magpasalamat tayo sa Diyos at mag-alay sa kanya ng kalugud-lugod na pagsamba, kalakip ang paggalang at pagkamangha,
Dapat tayong mamangha sa mga ginagawa ng Panginoon sa bawat araw. Ikaw, ano ang nagpapamangha sa iyo? Mga bundok? Kagubatan? Karagatan?
Ituon mo ang iyong atensyon sa mga bagay na kamangha-mangha para sa iyo. Isipin mo na nilikha ni Jesus ang mga bagay na kinamamanghaan mo. Kung bumilib ka sa mga nilikha, dapat lalo ka pang humanga sa lumikha.
Maganda ang plano ng Diyos para sa atin kaya kailangan nating magtiwala sa Kanya.
In Summary
Maraming dahilan para mag-alala pero dapat nating tandaan na hindi tayo nilikha ng Diyos para mamroblema.
Tandaan na sapat ang biyaya at kabutihan ng Panginoon sa bawat araw. Pagtuunan natin ng pansin ang kamangha-manghang nilikha ng Diyos.
Prayer of Salvation
Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.
"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ng Jesus, amen."
Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.
Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.