top of page

Nasaan ang mg Deboto?




Ang salitang deboto ay tunog old-fashioned. Maihahalintulad ito sa salitang beloved na maririnig na lang natin sa mga kasal.


Pero napakaganda ng meaning ng salitang deboto o devoted sa Oxford dictionary:


  • very loving or loyal

  • give all or most of one's time or resources to (a person or activity)


Maaring baduy na ang salitang deboto sa karamihan, pero napakasarap kung ang mga mahal mo sa buhay ay devoted sa iyo. Kung isa kang boss, napakaganda kung ang iyong workers ay devoted sa kompanya mo.


Kapag napag-uusapan ang salitang devoted naaalala ko ang mga apostles. Napakahirap ng kanilang naging misyon na ikalat ang ebanghelyo sa buong mundo pero nagtagumpay ang mga apostles sa tulong ng Diyos. Humarap ang mga apostles sa ibat-ibang hirap at pasakit at inialay nila ang kanilang buhay upang maipahayag ang magandang balita sa buong mundo.


Dapat tayong ma-inspire sa devotion ng mga apostles sa gawain ng Diyos. Ikaw ba? Masasabi mo ba na devoted ka sa Panginoon?


Paano maging devoted sa gawain ng Panginoon? Para sagutin ang tanong na ito, tingnan natin ang apat na gawain sa ibaba:


  • Maging tapat na lingkod ng Diyos

  • Gawin ang mga simpleng bagay

  • Ituon ang atensyon sa Diyos

  • Maglingkod sa church



Maging Tapat na Lingkod ng Diyos


Isaias 38:2-3


2 Pagkarinig nito, humarap siya sa dingding at nanalangin! 3 “O Yahweh, alam mo kung paano ako namuhay sa iyong harapan. Naglingkod ako sa iyo nang tapat at ang ginawa ko'y pawang nakalulugod sa iyong paningin.” Pagkatapos, nanangis siya nang malakas.


Makikita natin sa verses sa itaas ang panalangin ni Hezekias. Malakas ang loob ni Hezekias na sabihin sa harapan ng Panginoon na siya ay naglingkod ng tapat at maayos na sumusunod sa Diyos.


Ikaw ba? Kaya mo bang sabihin sa harapan ng Panginoon na ikaw ay isang tapat na lingkod?


Gawin ang mga Simpleng Bagay


1 Timoteo 4:11-13


11 Ituro mo't ipatupad ang lahat ng ito. 12 Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman dahil sa iyong kabataan. Sa halip, sikapin mong maging halimbawa sa mga mananampalataya, sa iyong pagsasalita, pag-uugali, pag-ibig, pananampalataya at malinis na pamumuhay. 13 Habang wala pa ako riyan, iukol mo ang iyong panahon sa pagbabasa ng Kasulatan sa harap ng mga tao, sa pangangaral at sa pagtuturo.


Minsan humahanap tayo ng mga mirakulo, pero ang gusto lang ng Panginoon ay maging consistent tayo sa pagtupad sa mga simpleng kautusan. Dapat maging tapat tayo sa mga ordinaryong bagay gaya nang pagbabasa ng bible at pagdarasal.


Ituon ang Atensyon sa Diyos


Mateo 6:21


21 Sapagkat kung saan nakalagak ang iyong kayamanan, doon din naman malalagak ang iyong puso.


Kung hindi natin pipiliin na maging devoted sa Diyos, may iba na kukuha sa ating atensyon. Ang mga bagay na papalit sa Diyos sa ating schedule ay maghahatid sa atin sa kapahamakan. Kaya naman dapat magkaroon tayo ng personal na desisyon unahin ang Diyos sa ating buhay.


Maglingkod sa Church


1 Pedro 4:10-11


10 Bilang mabubuting katiwala ng iba't ibang kaloob ng Diyos, gamitin ninyo sa kapakinabangan ng lahat ang kakayahang tinanggap ng bawat isa sa inyo. 11 Ang nangangaral ay dapat salita ng Diyos ang ipangaral. Ang naglilingkod ay dapat maglingkod gamit ang lakas na kaloob sa iyo ng Diyos upang sa lahat ng bagay siya'y papurihan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sa kanya ang kapangyarihan at karangalan magpakailanman! Amen.


Isa sa pinakamagandang paraan para maipakita natin ang ating devotion sa Panginoon ay ang paglilingkod sa church.


Ano ba ang mga bagay na interesante para sa iyo? Siguradong may kaakibat na ministry ang bagay na gusto mong gawin. Makipag-usap sa iyong church leader at mag-volunteer.


Bakit Tayo Naglilingkod sa Diyos?


1 Corinto 15:58


58 Kaya, mga kapatid kong minamahal, magpakatatag kayo; huwag kayong patitinag, kayo'y laging sumagana sa gawain ng Panginoon, yamang nalalaman ninyo na hindi mawawalan ng saysay ang inyong pagpapagal para sa Panginoon.


Makabuluhan ang ating paglilingkod sa ministry. Ang serbisyo natin sa simbahan ay may walang hanggang epekto.


Bawat tao na matutulungan natin na makakilala kay Jesus ay isang kaluluwa na magkakaroon ng pagkakataon na mabuhay ng matiwasay dito sa lupa hanggang sa langit.


In Summary


Kailangan nating maging deboto sa Panginoon.


Kung hindi ang Diyos ang uunahin natin sa ating buhay, ibang bagay ang papalit sa Kanya. Siguradong mapapahamak tayo kapag nangyari ito.


Nakikita ng Diyos ang lahat ng ginagawa natin para sa Kanya. Hindi nasasayang ang serbisyo na ginagawa natin para kay Jesus.


Prayer of Salvation


Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.


"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ng Jesus, amen."


Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.


Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.

Single Post: Blog_Single_Post_Widget
bottom of page