
Gumising ako ng 7AM. Huli ng isang oras sa plano kong paggising ng 6AM.
Nakita ko na gumagayak ang asawa ko sa trabaho kaya naman humiga muna ako at naglaro ng games. Sabi ko, maaabala ko lang siya. Bumangon ako ng 7:30 AM. Napakabigat ng katawan ko. Pinilit kong gawin ang aking daily routine kahit na labag na labag sa loob kong kumilos.
Binuksan ko ang aking computer para magtrabaho pero hindi gumagana ang utak ko. Nakakatamad!!!
Sabi ko, maggigitara muna ako. Inisip ko na sayang lang ang oras ko sa harap ng computer dahil wala naman akong nagagawa. Sabi ko, pagkatapos kong mag practice ng gitara magkakaroon ako ng bagong inspiration.
Nalibang ako sa pag gigitara. Halos isang oras na akong tumutugtog pero ayaw ko pa ring tumigil. Sabi ko, Otto, kailangan mong magtrabaho. Bumalik ako sa harapan ng computer.
Wala akong maisip. Kung anu-anong click ang ginagawa ko sa computer pero walang kabuluhan. Type ako ng type tapos ide-delete ko lang. Nakakatamad!!!
Sabi ko, maglalaro muna ako ng video game. Pagkatapos kong mag laro, siguradong may inspiration na ako sa aking trabaho. Matapos ang halos isang oras na paglalaro, pinilit ko ang sarili kong magtrabaho. Wala pa ring inspiration.
Ilang minuto sa harapan ng computer, wala na naman akong nagawa. Biglang ala-singko na, oras na para maglaro kami ng anak ko sa park. Sabi ko, babawi ako bukas.
Wala rin akong nagawa sa sumunod na araw. Patay na ako. Wala na akong buffer. Deadline ko na. Desperado na ako.
Noon ko naisip na magdasal. Nagmakaawa ako sa Diyos na bigyan ako ng ideas, inspiration at sipag para magawa ko ang mga kailangan kong gawin.
Hindi ko maipaliwanag, pero nagtrabaho ako ng mabuti noong araw na iyon. Productive ako buong maghapon. Kinailangan kong magtrabaho sa gabi para bumawi sa mga nasayang na oras, pero hindi ako tinamad. Naipasa ko ang aking trabaho na sakto sa deadline. Iba talaga ang nagagawa ng panalangin.
Lumapit kay Jesus
Karaniwan inihuhuli natin ang paglapit sa Diyos kapag may kailangan tayo. Sinusubukan muna natin ang sarili nating diskarte bago tayo manalangin. Iwasan natin ang ganitong pag uugali.
Kapag may problema, dasal tayo agad. Basa ng Bible. Magugulat ka na lang na mabibigyan ka ng Diyos ng katalinuhan at kalakasan para gawin masolusyunan ang iyong mga suliranin.
Mga Kawikaan 3:5-6
5
Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan, at huwag kang mananangan sa sariling karunungan.
6
Sa lahat ng iyong gawain siya nga'y alalahanin, upang ika'y patnubayan sa iyong mga tatahakin.
Prayer of Salvation
Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.
"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ni Jesus, amen."
Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.
Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.