
1 Pedro 5:7
7 Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.
Napakataas ng aking stress at anxiety levels nitong mga nagdaang araw. Grabe kasi ang sitwasyon sa trabaho. Napakaraming pagkakamali na hindi ko ginawa pero ako ang kailangang umayos, tapos pakiramdam ko ako pa ang sinisisi sa trabaho. Sa sobrang stress, napapabayaan ko na ang aking pamilya.
Isang araw, napansin ko na hirap na hirap akong magdasal. Imbis na mag-isip ako ng mga bagay na dapat kong ipagpasalamat sa Diyos, punong-puno ang utak ko ng mga reklamo tungkol sa trabaho at kung paano ito nakakaapekto sa aking pamilya.
Naitanong ko sa aking sarili, masama bang magreklamo sa Diyos? Basahin natin ang Juan 11:32-35.
Juan 11:32-35
32 Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, nagpatirapa siya sa paanan nito at nagsabi, “Panginoon, kung narito po lamang kayo, hindi sana namatay ang aking kapatid.”
33 Nahabag si Jesus at nabagbag ang kanyang kalooban nang makita niyang umiiyak si Maria, pati ang mga Judiong kasama nito. 34 “Saan ninyo siya inilibing?” tanong ni Jesus.
Sumagot sila, “Panginoon, halikayo at tingnan ninyo.”
35 Tumangis si Jesus.
Si Maria
Si Maria ay kapatid ni Lazarus, isang matalik na kaibigan ni Jesus. Si Maria ay isang Jesus fangirl. Makikita natin sa Bible kung gaano kamahal ni Maria si Jesus.
Isang araw, nagpunta si Jesus sa bahay ni Lazarus, hindi na umalis si Maria sa tabi ni Jesus. Kaya naman nagalit kay Maria ang kanyang kapatid na si Martha dahil hindi na ito tumulong sa paghahanda.
Si Maria rin ang naglagay ng pabango sa paa ni Jesus bago ipako sa krus. Marami ang nagalit kay Maria dahil iniisip nila na sinayang nito ang mamahalin na pabango. Sinasabing ang pabango na ginamit ni Maria ay singhalaga ng isang taong sweldo.
Nagreklamo si Maria
Nagkasakit at namatay ang kapatid ni Maria na si Lazarus. Hinintay nya ang pagdating Jesus para mapagaling ang kanyang kapatid pero hindi ito dumating. Nakarating lamang si Jesus sa kanilang tahanan apat na araw pagkatapos mamatay ni Lazarus.
Masama ang loob ni Maria kay Jesus. Sinisi ni Maria si Jesus sa pagkamatay ng kanyang kapatid.
Ang Reaksyon ni Jesus
Hindi nagalit si Jesus kay Maria. Hindi sinabi ni Jesus na “hindi mo ba alam kung ano ginagawa ko? Gumagamot ako ng lubu-libong tao!”
Bagkus, nakiramay si Jesus at lubos na nalungkot sa pagkawala ni Lazarus. Umiyak si Hesus kasama ni Maria.
Pwede Tayong Magreklamo Kay Jesus
Mahal na mahal tayo ng Panginoon. Hindi pa natin Siya kilala inalay na Niya ang Kanyang bugtong na anak para maligtas tayo mula sa impiyerno.
Alam din ng Diyos ang lahat ng ating pinagdaraanan at nalulungkot Siya kapag nakakaranas tayo ng kalungkutan. Sabi sa Bible, bilang ng Diyos ang bawat patak ng luha na ating iniyak.
Kaya naman kung sa tingin mo malungkot ka at gusto mong ipaalam sa Diyos ang iyong nararamdaman, sige lang. Huwag kang mahiya. Magreklamo ka kay Jesus. Makikinig sa iyo ang ating Diyos dahil mahal na mahal Niya tayo.
Mga Awit 8:4-8
4 Ano ba ang tao upang iyong pahalagahan;
o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?
5 Nilikha mo siyang mababa sa iyo[a] nang kaunti,
pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati.
6 Ginawa mo siyang pinuno ng lahat ng iyong nilikha,
sa lahat ng mga bagay, siya ang iyong pinamahala:
7 mga tupa at kawan pati na ang mababangis,
8 lahat ng ibong lumilipad, at mga isda sa karagatan,
at lahat ng nilikhang nasa karagatan.
Prayer of Salvation
Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.
"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ng Jesus, amen."
Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.
Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.