top of page

Mali Ba ang Paggamit Ko ng Bible?



Napakarelihiyoso ni Aling Mercedes at mahal na mahal niya ang Panginoon.

Araw-araw siyang nananalangin at nagbabasa ng Bibliya. Pangarap ni Aling Mercedes na maging mabuting kristiyano ang lahat ng kanyang kabarangay.


Kapag nakikita ni Aling Mercedes na may mga taong sumusuway sa mga nakasulat sa Bible, agad niya itong pinapagalitan. Pinapaalahanan niya na labag sa utos ng Bibliya ang kanilang gingawa at kailangan nilang humingi ng tawad sa Diyos.


Dahil dito, kinainisan si Aling Mercedes ng kanyang mga kabarangay.


Paano ba natin gagamitin ang mga natutunan natin mula sa Bible?


Hindi Ginagamit Para Makipag-away


Roma 14:19


19 Kaya't pagsikapan nating gawin ang mga bagay na makapagdudulot ng kapayapaan at makapagpapatibay sa isa't isa.


Ang Bible ay naisulat upang makilala ng mga tao si Jesus at malaman ng lahat kung gaano tayo kamahal ng Diyos. Mali ang paggamit ng Bible kung napapalayo ang kalooban ng mga tao sa Diyos. Hindi rin tama ang paggamit natin ng Bible kung nagsisimula ito ng pag-aaway.


Hindi Ginagamit Para Manakit


Mga Hebreo 4:12


12 Sapagkat ang salita ng Diyos ay buháy, mabisa, at higit na matalas kaysa alin mang tabak na may dalawang talim. Tumatagos ito hanggang sa pagitan ng kaluluwa at ng espiritu, hanggang sa mga kasukasuan at utak sa buto; at may kakayahang kumilala ng mga pag-iisip at mga hangarin ng puso.


Ang Bible ay mas matalas pa kaysa sa espada na kabilaan ang talim pero hindi ito sandata na gagamitin upang manakit ng kapwa. Ang salita ng Diyos ay personal at ang mga rebelasyon na ibinibigay sa atin ng Panginoon ay para sa atin at hindi para sa ibang tao.


Kapag ginamit natin ang mga kautusan sa Bible upang makahanap ng kamalian sa ating kapwa, siguradong may makikita tayo dahil lahat ng tao ay may kamalian.


Hindi Ginagamit Para Manghusga


Mateo 7:5


5 Mapagkunwari! Tanggalin mo muna ang troso sa sarili mong mata, nang sa gayo'y makakakita ka nang malinaw upang maalis mo ang puwing sa mata ng iyong kapatid.


Kaysa gamitin natin ang Bible para punahin ang kamalian ng iba, gamitin natin ito upang mapabuti natin ang ating sarili.


Lagi nating tandaan na may responsibilidad tayo bilang Kristiyano na ikalat ang pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan at hindi natin ito magagawa kung magiging mapanghusga tayo sa ating kapwa.


In Summary


Ang Bible ay ginagamit upang mapalakas ang mga Kristiyano. Hindi magandang representasyon kay Kristo kung gagamitin natin ang Bible para husgahan ang ating kapwa at magsimula ng away.

Gamitin natin ang Bible sa paraan na mararamdaman ng ating kapwa ang pagmamahal ng Panginoon.


Prayer of Salvation


Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.


"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ng Jesus, amen."


Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.


Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.


Kung may gusto kang i-share tungkol sa ating devotional story, mag-comment ka o kaya mag-send ng message sa akin. God bless you!




Single Post: Blog_Single_Post_Widget
bottom of page