
Juan 20:3-4
3 Sina Pedro at ang nasabing alagad ay nagpunta sa libingan. 4 Kapwa sila tumakbo ngunit si Pedro'y naunahan noong isa.
Miyembro ako ng leadership team noon sa isang Baptist church sa aking probinsya. Nakasali ako dahil aktibo ako sa music ministry at nagtuturo ako ng church choir.
Nagmi-meeting ang leadership team tuwing Linggo ng hapon para pag-usapan ang mga nangyayari sa church. Hindi ko makalimutan ang isang reklamo na inihain sa team sa isang pagpupulong. Nakakahiya kasi ang aking naging reaksyon.
Binasa ng sekretarya ng grupo ang reklamo at ito ay patungkol sa mga miyembrong nagtitinda ng sigarilyo at alak sa kanya-kanyang tindahan. Nais ng miyembrong ito na patigilin sa pagtitinda ng alak at sigarilyo ang mga negosyanteng kaanib ng church. Kung hindi sila hihinto, hinihiling ng miyembro na itiwalag sila sa simbahan.
Hiniling ng pastor na magbotohan ang leadership team. Itaas ang kamay kung sang-ayon sa pagtitiwalag ng mga miyembrong nagtitinda ng alak at sigarilyo. Itinaas ko ang aking kamay. Mas gusto kong mawala sa simbahan ang mga taong ito kung ayaw rin nilang tumigil sa pagtitinda ng alak at sigarilyo.
Pagbabalik-Tanaw
Kapag naaalala ko ang araw na iyon, nahihiya ako sa aking sarili. Naisip ko, ano kaya ang sasabihin sa akin ni Jesus kung sinabi ko sa Kanya na itinaboy ko ang Kanyang mga anak dahil nagtitinda sila ng alak at sigarilyo?
Isipin mo, ibinuwis Niya ang Kanyang buhay para sa mga taong ito, pagkatapos itiniwalag ko sa simbahan dahil sa kanilang mga negosyo?
Malayo yata ito sa nais ng Panginoon para sa Kanyang mga leaders.
Mas Magaling
Gaya ng sabi sa Juan 20:3-4, importante sa atin ang maging mas magaling.
Bigyan ko kayo ng background sa verses. Ibinalita ni Maria sa mga disipulo na nabuhay si Jesus, kaya naman agad na tumakbo si Pedro at Juan papunta sa libingan. Isinulat ni Juan, na naunahan niya si Pedro sa pagpunta sa libingan ni Jesus. Mahalaga ba kung sino ang nauna sa puntod ni Jesus? Hindi ko alam. Sabi sa Bible pantay-pantay tayo sa paningin ng Diyos. Mapapaisip ka talaga kung bakit napakahalaga sa atin na maging mas magaling tayo sa ating kapwa.
Sagutin natin ang mga tanong na ito:
Bakit naiisip natin na mas magaling tayo?
Bakit mahalaga na mas magaling tayo?
Bakit kailangan umayon sa atin ang lahat ng tao?
Bakit kaya nating husgahan ang ating kapwa?
Magandang sagutin ang mga katanungan na ito para maalala natin na iniligtas lang tayo ni Jesus. Tayong lahat ay lubos na makasalanan. Walang sinuman ang makakapagsabi na hindi sila nagkakasala sa bawat araw. Imposible. Si Jesus lang ang pwedeng gumawa nito.
Unahin ang Pag-ibig
1 Corinto 13:1-3
13 Makapagsalita man ako sa mga wika ng mga tao at ng mga anghel, kung wala naman akong pag-ibig, para lamang akong kampanang umaalingawngaw o pompiyang na maingay.
2 Kung ako man ay may kakayahang magsalita ng mensahe mula sa Diyos at umunawa sa lahat ng hiwaga, kung nasa akin man ang lahat ng kaalaman at lahat ng pananampalataya, anupa't nakakapagpalipat ako ng mga bundok, ngunit wala naman akong pag-ibig, wala akong kabuluhan.
3 At kung ipamigay ko man ang lahat ng aking mga ari-arian at ialay ang aking katawan upang sunugin, ngunit wala naman akong pag-ibig, wala rin akong mapapala!
Kahit magaling tayo sa pagsisilbi sa church pero hindi nakikita sa buhay natin ang pag-ibig sa kapwa, wala rin tayong napala.
Kailangang malaman ng sangkatauhan ang pag-ibig ng Diyos. Hindi makikita ng mundo ang pagmamahal ni Kristo kung uunahin ng mga Kristiyano ang panghuhusga at pakikipag-debate.
Unahin natin ang pagmamahal. Makipagkapwa-tao. Maging maayos sa mata ng Diyos at ng komunidad.
Prayer of Salvation
Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.
"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ni Jesus, amen."
Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.
Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.