top of page

Mahalaga ba ang Christian Image?



Si Robert at isang Christian. Nagmula si Robert sa isang Born Again Christian family at uma-attend na siya ng church bago pa siya magkaisip.


Marami ang lumoloko kay Robert na hindi siya mukhang Christian, bagkus mas aakalain pang isa siyang kampon ng kadiliman. Natatawa naman si Robert tuwing nababanggit ito dahil tuwing Sunday lang naman talaga niya inaalala si Jesus.


Si Melanie naman ay isang bagong Christian. Dumanas ng kakaibang hirap si Melanie na siyang naging dahilan kung bakit niya napiling sumunod sa yapak ni Jesus.


Nagbago ang buhay ni Melanie mula ng tanggapin niya si Jesus. Tinanaw niya ang kanyang success na isang malaking utang na loob kay Jesus.


Kaya naman kapag may nakikita si Melanie na mga taong hindi sumusunod sa Bible, kaagad niya itong sinusuway. Hindi mahalaga kay Melanie kung may makaaway siya, ang mahalaga ay sinusunod niya si Kristo.


Si Robert at Melanie ay dalawang mukha ng Christians. Tulad ng lahat ng tao, may mabuti at magandang aspeto ang kanilang pag-uugali.


Alam ng lahat na walang perpektong tao, pero kailangan bang ingatan ng isang Christian ang kanyang imahe?


Sagutin natin ang tanong base sa ating devotional reading sa linggong ito:


Roma 2:17-24

Magandang Balita Biblia


17 Ngunit ikaw na nagsasabing ikaw ay Judio at nananalig sa Kautusan, ipinagmamalaki mong may kaugnayan ka sa Diyos.


18 Sabi mo'y alam mo ang kanyang kalooban at sumasang-ayon ka sa mabubuting bagay, sapagkat ito ang natutunan mo sa Kautusan.


19 Ang palagay mo'y taga-akay ka ng bulag, tanglaw ng mga nasa kadiliman, 20 tagapayo ng mga hangal, at tagapagturo ng mga bata, dahil natuklasan mo sa Kautusan ang buong kaalaman at katotohanan.


21 Nagtuturo ka sa iba, bakit di mo turuan ang iyong sarili? Nangangaral kang masama ang magnakaw, bakit ka nagnanakaw? 22 Sinasabi mong huwag mangangalunya, bakit ka nangangalunya? Nasusuklam ka sa mga diyus-diyosan, bakit ninanakawan mo ang mga templo nila?


23 Ipinagmamalaki mong saklaw ka ng Kautusan, ngunit nilalapastangan mo naman ang Diyos sa pamamagitan ng paglabag mo sa Kautusan!


24 Ayon nga sa nasusulat, “Ang pangalan ng Diyos ay nilalait ng mga Hentil dahil sa inyo.”


Base sa verses na binasa natin, may responsibilidad tayo bilang Christians na ingatan ang ating imahe dahil tayo ay ambassadors ni Jesus.


Kadalasan, inaayawan ng mga unbelievers ang Christian faith dahil sa maling representation ng karamihan ng mga Christians.


Akala ng lahat na sa panahon lang natin nangyayari ang ganito, pero ganito na rin pala ang sitwasyon noong panahon ni Paul.


Dahil sa binasa nating verses, masasabi natin na kailangang ingatan ng mga Christians ang kanilang image para mas marami pang tao ang mahikayat na sumunod kay Jesus.


Paano natin iingatan ang ating image?


Huwag Magyabang


Jeremias 9:23-24

Magandang Balita Biblia


23

Ang sabi ni Yahweh:

“Huwag ipagmayabang ng matatalino ang kanyang karunungan

o ng malakas ang lakas na kanyang taglay

ni ng mayaman ang kanyang kayamanan.

24

Kung may nais magmalaki,

ang ipagmalaki niya'y ang pagkakilala't pagkaunawa sa akin,

sapagkat ang aking pag-ibig ay hindi nagbabago,

makatarungan at matuwid ang mga ginagawa ko.

Ito ang mga bagay na nais ko.

Ako, si Yahweh, ang nagsasabi nito.”


Mga Kawikaan 27:2

Magandang Balita Biblia


2 Hayaan mong iba ang sa iyo'y pumuri at ang sariling bangko'y huwag mong buhatin.


Malinaw na sinasabi sa mga verse sa itaas na hindi tayo dapat magyabang. Hindi natin mahihikayat ang mga unbelievers kung puro uunahin natin ang kayabangan. Sa totoo lang, kahit mga Christians ay iiwas sa atin kung puro pagmamalaki sa ating mga accomplishments lang ang ating aatupagin.


Bilang Christian, kung tayo ay magmamalaki, ipagmayabang natin ang pag-ibig ng Diyos. Na kahit na tayo ay hindi perpekto, minahal Niya tayo ng lubos.


Maging Content


Mga Hebreo 13:5

Magandang Balita Biblia


5 Huwag kayong magmukhang pera; at masiyahan na kayo sa anumang nasa inyo. Sapagkat sinabi ng Diyos, “Hindi kita iiwan ni pababayaan man.”


Ipakita natin sa iba na tayo ay kontento sa ating sitwasyon. Ibig sabihin nito, ang ating kaligayahan ay hindi nababase sa mga bagay na wala sa ating buhay bagkus nakadepende ito sa pag-ibig ng Diyos.


Walang masama na mangarap, pero hindi ito ang basehan ng ating emotional state. Kaya nating maging masaya kahit ano pa ang sitwasyon natin sa buhay dahil alam natin na mahal tayo ng Panginoon.


Makipagkaibigan


Roma 12:16

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)


16 Mamuhay kayo nang mapayapa sa isaʼt isa. Huwag kayong magmataas, sa halip ay makipagkaibigan kayo sa mga taong mababa ang kalagayan. Huwag kayong magmarunong.


Pilitin nating maging palakaibigan. Ayos lang na tayo ang unang bumabati o ngumingiti. Huwag na nating isipin kung papansinin ba tayo, wala namang mawawala sa atin kung gagawin natin ito.


Pilitin rin nating maging mapagpasensya sa mga tao. Napakadali makipag-away sa social media. Palampasin na lang natin ang mga trolls at isipin na ang Diyos ang bahala sa mga taong umaaway sa atin. Dagdag pa rito, hindi natin makukumbinsi ang mga unbelievers na may kapayapaan kay Kristo kung marami tayong kaaway sa social media.


Siyempre, ayusin rin natin ang ating pakikisama sa ating komunidad.


In Summary


Kailangang ingatan ng mga Christians ang kanilang image dahil tayo ang mga ambassadors ni Jesus sa mundo.


Kailangan nating ipakita sa mga tao na kaya nating maging humble, content at friendly dahil sa kapangyarihan at pagmamahal ni Jesus.


Prayer of Salvation


Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.


"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ng Jesus, amen."


Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.


Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.


Single Post: Blog_Single_Post_Widget
bottom of page