top of page

Kumusta ang Debosyon mo kay Kristo?



Mga Gawa 5:40-42


40 Pinapasok nilang muli ang mga apostol, at matapos ipahagupit at pagbawalang mangaral sa pangalan ni Jesus, ang mga ito'y pinalaya.


41 Nilisan ng mga apostol ang Kapulungan at sila'y galak na galak sapagkat minarapat ng Diyos na sila'y magdanas ng kahihiyan alang-alang sa pangalan ni Jesus.


42 At araw-araw, sa Templo at sa mga bahay-bahay, walang tigil silang nagturo at nangaral ng magandang balita tungkol kay Jesus, ang Cristo.


Gustong-gusto ko ang larong basketball. Gusto kong pinapanood ang mga laro pati na ang mga diskusyon ng mga sports analysts tungkol sa basketball.


Syempre, kung gusto kong manood, mas gusto kong maglaro. Kaya lang, habang nagkakaedad, nagiging mahirap ang laro ng basketball.


Minsan, uuwi ako ng paika-ika dahil masakit ang aking katawan. Pwedeng sumakit ang balikat, likod, tuhod o kaya ang aking bukung-bukong.


Dumating ang punto na ayaw na akong payagan maglaro ng asawa ko. Sabi niya, hindi na daw nakakabuti sa akin ang basketball.


Gaya ng ibang mahilig sa basketball, hindi ako mapigil sa paglalaro. Inaalalayan ko na ang aking sarili pero patuloy pa rin ako sa paglalaro ng basketball.


Paano si Kristo?


Naisip ko nadadaig ng hilig ko sa basketball ang debosyon ko kay Jesus. Sa totoo lang, may mga araw na ang hirap magdasal.


Ipinagdarasal ko na maging sabik ako sa presensya ng ating Panginoon. Nais ko na maging katulad ng mga apostol. Sinaktan at ikinulong pero walang tigil sa pagtuturo tungkol sa pag-ibig ng Diyos.


Hinihikayat ko ang lahat na gumawa ng oras para sa pagdarasal, pagbabasa ng Bible, at pagsimba. Hindi natin ito gagawin upang mahalin at pagpapalain tayo ng Diyos, gagawin natin ito dahil napupuno tayo ng galit, nawawalan ng disiplina, at nababalot ng hiya kapag napapalayo tayo kay Jesus.


Mabuti na lang hindi nakasalalay sa kakayahan natin ang pagmamahal ng Diyos. Mahal Niya tayo kahit na tinatamad tayong magdasal, magbasa ng Bible, o kaya magsimba.


Mga Tanong


Ikaw? Ano ang bagay na ginagawa mo na walang makakapigil sa iyo?


Nadadaig ba ng gawaing ito ang debosyon mo kay Kristo?


Ano ang gagawin mo para mapalapit kay Jesus?


Prayer of Salvation


Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.


"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ni Jesus, amen."


Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.


Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.

Single Post: Blog_Single_Post_Widget
bottom of page