
Mga Gawa 5:29
29 Sumagot si Pedro at ang ibang mga apostol, “Sa Diyos kami dapat sumunod, at hindi sa tao.
Isang gabi habang nagpapa-antok, naisipan ng asawa ko na asarin ang anak naming limang taong gulang.
Sabi ng asawa ko, “Who are you?”
Sabi ng anak ko, “I’m Jad.”
“Who’s your mommy Jad?” Tanong ni misis.
“It’s you!” Sagot naman ni Jad na halatang naiinis na dahil mabilis mapikon ang anak kong ito.
“I’m not your mommy, where’s your mommy?” Sabi ng asawa ko na masayang-masaya sa pang-iinis.
Kinuha ni Jad ang unan sabay sabi ng mahinahon, “I’m gonna slam this pillow on your face if you say that again.”
Natawa kami ng sobra sa reaksyon ni Jad. Nagulat kami dahil parang hindi siya natakot magsalita dahil alam niyang mali ang ginagawa ng Mommy niya.
Walang Takot
Napaisip ako, kaya ko bang maging kasing tapang ni Jad o kaya ng mga apostol pagdating kay Kristo?
Kaya ko bang sabihin sa mundo ang mensahe ni Jesus kahit na may magagalit o manlalait sa akin?
Kaya ko bang sabihin sa lahat na isa akong Kristiyano? Na pinaniniwalaan ko na si Jesus ay ipinanganak ng isang birhen at si Jesus ay namatay at nabuhay na magmuli?
Kaya ko bang sabihin sa lahat na si Jesus ay Diyos, gaya ng Ama at ng Banal na Espiritu?
Ipinagdarasal ko na puspusin ako ng Banal na Espiritu para maging matapang ako sa pagdating ng tamang panahon. Ipinagdarasal ko na maging katulad tayo ng mga apostol na handang ipagtanggol ang ating pananampalataya kahit na magalit ang ilang tao.
Ang Challenge
Dumarami ang mga taong hindi naniniwala sa Diyos. Mas dumarami pa ang mga hindi naniniwala kay Kristo.
Dapat maging masigasig tayong mga Kristiyano na ikalat ang ebanghelyo at ang pag-ibig ng Diyos.
Huwag tayong matakot sa sasabihin ng tao, bagkus isipin natin ang kagustuhan ng Diyos sa ating buhay.
In Summary
Kailangan nating maging matapang.
Kailangan nating manindigan sa ating pananampalataya.
Patuloy nating ikalat ang ebanghelyo kahit na may mga pumipigil sa atin.
Prayer of Salvation
Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.
"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ni Jesus, amen."
Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.
Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.