top of page

Kaya bang Baguhin ng Salita ng Diyos ang Buhay Ko?



Juan 20:30-31


30 Marami pang mga himalang ginawa si Jesus na nasaksihan ng mga alagad na hindi nakasulat sa aklat na ito.

31 Ngunit ang mga nakasulat dito ay isinulat upang kayo'y sumampalataya na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at sa pagsampalatayang iyon ay magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan niya.


Minsan habang nagba-browse ako ng aking FB timeline, napansin ko ang photo ng isang lalake na naka full biker gear. Tiningnan ko ang pangalan ng nag-post, pamilyar ito pero hindi ko maisip kung sino ang FB friend ko na iyon.


Tiningnan ko ang kanyang mga profile pictures at nakilala ko kung sino siya (Stalker mode ako). Isa siya sa mga estudyanteng sumali sa mga campus Bible study groups na inayos ko noon sa aking probinsya. 4th year high school siya noong nagkakilala kami.


Minsan, pinag-usapan namin kung ano ang kanyang plano pagkatapos ng HS. Sabi niya, magta-tricycle driver daw siya.


Sabi ko, “wala ka bang balak na magtapos ng kolehiyo?”


Sagot niya, “sir, wala naman po kasi kaming pera para mag-aral pa ako ng college.”


Sabi ko, “pag-isipan mong mabuti.”


Nalungkot ako. Napakalaki kasi ng potensyal na nakita ko sa kanya. Walang masama sa pagiging tricycle driver pero alam kong mas marami pa siyang kayang gawin at mas marami siyang magiging oportunidad kapag nagtapos siya ng kolehiyo. Iba kasi ang sitwasyon ng trabaho sa Pilipinas.


Pinuntahan ko siya sa kanyang bahay. Nakatira siya sa pinakamaliit na bahay sa squatters area. Kumatok ako sa kanilang pinto at pinagbuksan naman ako ng FB friend ko. Nasilip ko mula sa uwang ng pintuan na may humigit-kumulang na 6 na bata sa sahig. Nakita ko rin ang kanyang tatay at nanay. Nagsisiksikan sila sa isang bahay na sinlaki ng isang container van.


Lumabas ang FB friend ko at nag-usap ulit kami. Sabi ko, “hindi na ba talaga magbabago ang isip mo tungkol sa pagka-college?” Tapos, sinabi ko sa kanya ang mga paraan para makapag-college siya.


Sabi niya, “Sir, hindi na po magbabago ang isip ko. Nakita niyo naman po ang sitwasyon ko. Kailangan ko pong tulungan ang mga magulang ko para makakain ng maayos ang mga kapatid ko. Hindi ko po kayang pagsabayin ang pagtatrabaho at pag-aaral.”


“Naaalala mo ba ang mga lessons natin sa Bible study? Kung paano tayo palalakasin ni Jesus kung patuloy tayong lalapit sa Kanya? Kung paano tayo bibigyan ng maayos na buhay ng Diyos kapag nananampalataya tayo sa Kanya?” Tanong ko.


Sagot niya, “sir, masarap pong paniwalaan pero napakahirap po kasi talaga. Hindi na po magbabago ang isip ko.”


Umalis ako na puno ng lungkot sa aking puso.


Lumipas ang panahon, lumipat ako sa Maynila at hindi ko na naasikaso ang mga Bible study groups ko.


Minsan, nagbakasyon ako sa probinsya. Namili ako sa isang mall at ng ako’y pauwi na, may tumawag sa aking pangalan. Paglingon ko, nakita ko ng aking FB friend. Sabi niya, isasakay daw niya ako. Nadurog ang puso ko dahil natupad ang plano niyang maging tricycle driver.


Nagkwentuhan kami habang bumabyahe tapos sabi niya, “sir, napansin ko nalungkot ka nung nakita mo na nag tatricycle ako.”


Nahiya ako sa aking sarili kaya sabi ko, “hindi naman.”


“Okay lang sir, pero gusto kong malaman mo na nag-aaral ako sabay nag tricycle.”


Napuno ng tuwa ang puso ko. Sabi ko, "mabuti naman."


Muli naming binalikan ang mga Bible study lessons para alalahanin ang kalakasan at kapangyarihan na nagmumula kay Jesus.


Iyon na ang huling pagkikita namin ni FB friend.


Fast forward 2022. Eto ako tinitingnan ko ang kanyang profile.


May pamilya na siya. May magandang asawa at malulusog na anak. May trabaho at maliit na negosyo. Nakita ko rin na aktibo siya sa mga gawain ng kanyang simbahan. Napakalayo ng buhay niya ngayon kumpara sa sitwasyon niya noon.


Salamat at binago ni Jesus ang kanyang pag-iisip. Salamat sa buhay na bigay ng ating Panginoon.


Juan 10:10


10 Dumarating ang magnanakaw para lamang magnakaw, pumatay, at manira. Naparito ako upang ang mga tupa ay magkaroon ng buhay, buhay na masaganang lubos.


Prayer of Salvation


Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.


"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ni Jesus, amen."


Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.


Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.

Single Post: Blog_Single_Post_Widget
bottom of page