top of page

Kailan Ka Huling Nagpasalamat sa Diyos?



Mabigat ang buwan ng August sa trabaho para sa akin at sa aking team. Sa totoo lang, halos buong taon na mahirap ang sitwasyon dahil nabawasan kami ng mga tauhan pero hindi kami pinayagan ng HR na kumuha ng mga kapalit. Pinakamahirap ang buwan ng August dahil naipon na ang mga projects na kailangan naming tapusin.


Regular ang 14-hour workdays at walang tulugan kapag malapit ng i-release ang mga projects. Nakakapagod. Namiss ko ang aking pamilya dahil puro trabaho na lang ang inatupag ko. Kinailangan kong i-monitor ang aking stress at anxiety levels dahil baka ma-depress na naman ako. Mahirap.


Pero ngayong linggong ito, natapos na ng aking team ang lahat ng mga urgent projects namin. Balik na ulit kami sa normal.


Paggising ko nitong Sabado ng umaga, binalikan ko ang lahat ng nagawa namin at parang himala ang lahat. Napakarami ng mga projects na natapos at hindi namin ito makakaya kung wala ang tulong ng Diyos. Kaya naman agad akong nagdasal at nagpasalamat sa Diyos sa lahat ng tulong na ibinigay Niya sa amin, idinamay ko narin ang pasasalamat sa lahat ng blessings na natanggap ko sa buhay ko. Napakabuti ng Diyos.


Huwag Bukang-bibig


Kadalasan, nagiging bukang-bibig na lamang ang pasasalamat sa Diyos. Sinasabi natin “Thank you, Lord!” O kaya, “Salamat sa Diyos!” Pero parang walang laman at hindi na lubos sa ating puso.


Mga Awit 136:26


26 Ang Diyos nitong langit ay dapat purihin at pasalamatan.

Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!


Nakakalimutan natin ang pagmamahal ng Panginoon dahil puno ng responsibilidad ang ating buhay. Tandaan natin na ang pagmamahal ng Diyos ay walang tigil kaya naman dapat wala ring tigil ang ating pasasalamat.


Totoo na kadalasan mahirap ang buhay. Pero gaya ng mga labanan na nakatatak sa kasaysayan, nagiging dakila ang sitwasyon dahil sa bigat ng pagsubok na kasama nito. Huwag nating kalimutan na habang tayo’y lumalaban, kasama natin ang Diyos. Patuloy Siyang nagbibigay ng lakas, tapang at pagmamahal.


Kalooban ng Diyos


1 Mga Taga-Tesalonica 5:18


at magpasalamat kayo sa Diyos sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.


Bilang Kristiyano, may responsibilidad tayo na sundin ang kalooban ng Diyos. Ang pagbibigay ng pasasalamat sa Diyos sa lahat ng bagay ay isa sa mga nais Niyang ipagawa sa atin.


Alam kong mahirap magpasalamat kung mahirap ang sitwasyon, pero ito ay isang bagay na dapat nating matutunan. Parang si Paul, hindi siya tumigil sa pagpapasalamat sa Diyos kahit na nakulong siya para sa ministry. Patuloy siyang nagpasalamat at umawit ng papuri sa Panginoon habang nasa loob ng kulungan. Dahil dito, nanampalataya sa Diyos ang guwardiya na nagbabantay sa kanya.


Alam ni Paul na may magandang plano ang Diyos sa kanyang buhay at pati ang mga pagsubok ay kasama sa layunin ng Panginoon. Kaya naman kaya Niyang magpasalamat sa Diyos ng walang tigil. Gayahin natin si Paul.


In Summary


Kailangan nating magpasalamat sa Diyos dahil Siya ay dakila, mabuti at minamahal Niya tayo ng lubusan.


Kalooban ng Diyos na tayo’y magpasalamat at dapat tayong sumunod bilang Kristiyano.


Magpasalamat tayo ng buong puso sa lahat ng sitwasyon. Tandaan na mabuti ang plano sa atin ng Diyos at kasama rito ang mga pagsubok na ating hinaharap.


Prayer of Salvation


Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.


"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ng Jesus, amen."


Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.


Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.

Single Post: Blog_Single_Post_Widget
bottom of page