
Mga Gawa 4:13
13 Nagtaka ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio sa katapangang ipinakita nina Pedro at Juan, lalo na nang malaman nilang mga karaniwang tao lamang ang mga ito at hindi nakapag-aral. Nabatid nilang dating kasamahan ni Jesus ang mga ito.
Nakita ako ni Jad na naglalaro ng Marvel Contest of Champions. Nakalaban ko si Juggernaut, isang higanteng kontrabida sa palabas na X-Men. Nakakatakot ang itsura nito dahil napakalaki niya kumpara sa ibang characters at laging nanginginig sa galit. Sobrang natuwa si Jad kay Juggernaut, parang love at first sight, kaya naman nagpa-install siya ng app na ito sa kanyang iPad.
Pinaliwanag ko sa kanya na hindi siguradong makukuha niya si Juggernaut sa umpisa. Kailangan niyang maglaro ng maglaro hanggang makuha niya si Juggernaut.
Naglaro si Jad at ang mga una niyang superheroes ay sina Spiderman at Wolverine. Masaya siya sa mga characters na ito pero si Juggernaut talaga ang gusto niya.
Ikalawang araw ng paglalaro, ginamit niya ang kanyang mga napanalunang crystals para makapili ng bagong character.
May isang hanay ng characters na dumaan sa screen ng napakabilis. Kailangan mong piliin ang character na gusto mo sa hanay na ito. Kapag nasa gitna na ng screen ang larawan ng character, kailangan mong pindutin ang screen. Parang imposible na makuha mo ang player na gusto mo dahil sobrang bilis ng pagdaan ng mga larawan.
Nakakuha si Jad ng iba-ibang characters. Nadoble rin ang mga players na gamit niya pero hindi pa rin niya nakuha si Juggernaut.
Ikatlong araw na ng paglalaro. Naiinip na si Jad. Lalo pa at nakikita niya ang larawan ni Juggernaut sa hanay, hindi lang niya mapindot ang screen sa tamang oras. Sabi ko sa kanya, wag siyang malungkot. Subok lang ng subok. Sumang-ayon si Jad at lalo pang nag seryoso sa pagpili kay Juggernaut. Tahimik siyang naghintay at mabilis na pinindot ni ang kanyang iPad! Ayun! May nadoble na naman siyang character. Napabuntong hininga si Jad sa sama ng loob.
Sabi ko, pahiram ng iPad mo subukan ko. Ibinigay naman ni Jad ang iPad niya. Hinintay ko si Juggernaut sa screen pero sobrang bilis talaga. Sabi ko bahala na at sabay pindot. Nakuha ko si Juggernaut. Halos hindi makahinga si Jad sa tuwa.
Maya-maya sabi niya, “I almost wanted to quit. I didn’t know we could get Juggernaut right away. I can’t believe I got Juggernaut.”
2 Timoteo 1:7
7 Sapagkat ang espiritung ibinigay sa atin ng Diyos ay hindi espiritu ng kahinaan ng loob, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig at pagpipigil sa sarili.
Nais ng sumuko ni Jad sa paglalaro. Hindi na siya naniniwala na makukuha niya ang paborito niyang player na si Juggernaut. Hindi niya alam, kaya pala siyang tulungan ng kanyang ama na makuha ang gusto niya.
Marahil nais mo na ring sumuko sa pagsubok na hinaharap mo. Konting tiis at dasal pa. Katulong natin ang ating Ama na nasa langit.
Gaya nila Pedro at Juan, marami ang magugulat sa mga kaya mong gawin. Makikita nila kung paano ka kayang pagtagumpayin ni Jesus.
Kapit lang kapatid. May kapangyarihan ang Banal na Espiritu na nasa ating puso.
Prayer of Salvation
Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.
"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ni Jesus, amen."
Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.
Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.