
Mga Gawa 4:18-20
18 Kaya't muli nilang ipinatawag sina Pedro at pinagsabihang huwag nang magsalita o magturo pang muli sa pangalan ni Jesus.
19 Subalit sumagot sina Pedro at Juan, “Kayo na ang humatol kung alin ang tama sa paningin ng Diyos, ang sumunod sa inyo o ang sumunod sa Diyos. 20 Hindi maaaring di namin ipahayag ang aming nakita at narinig.”
Walang ibang gustong gawin ang aking limang taong gulang na anak kundi maglaro ng iPad.
May nakatakdang oras lang siya sa paglalaro ng iPad at alam niya kung ano gaano katagal siya pwedeng maglaro, pero kapag kailangan na niyang huminto para gumawa ng ibang bagay, sumasama ang kanyang loob.
Ipapaalala ko naman ang sabi sa kanya ng kanyang doctor tungkol sa matagal na paglalaro laro ng iPad. Alam niya na hindi maganda sa kanyang mga mata ang matagal na paglalaro ng iPad kaya naman pumapayag din siya sa bandang huli. Ang problema, makikita mo sa kanyang mga kilos at reaksyon na masama pa rin ang kanyang loob.
Mahirap
Minsan mahirap gawin ang mga bagay na makakabuti sa atin. Maraming halimbawa tulad ng tamang pagkain, matulog ng tama at patuloy na pag-eehersisyo.
Mas madaling sundin ang mga nais natin na nagbibigay ng panandalian na kaligayahan. Ang nakakatakot lang ay may katumbas na matagal na pagsisisi ang mga panandaliang kaligayahan.
Tingnan si Jesus
Kailangan natin ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu para mapagtagumpayan ang mga bagay na ito.
Simulan natin sa pagtulog sa tamang oras at pagkakaroon ng mahimbing na tulog. Sabayan natin ng pagdarasal at paghingi ng gabay sa ating Diyos.
Gawin natin ang mga simpleng bagay na kailangan nating gawin gaya ng pag-aayos ng ating higaan o pag-eehersisyo.
Unti-unti, magkakaroon tayo ng lakas na gawin ang mga mahihirap ng bagay na makakapagpabuti ng ating buhay.
Isipin natin ang sabi ng mga apostol sa Mga Gawa 4:19, sundin natin ang nais ng Diyos kaysa sa nais natin. Alam natin na ito ang magbibigay sa atin ng kaligayahan na pangmatagalan at tagumpay na ating hinahangad.
Mga Tanong
Ano ang mga bagay na dapat mong gawin na kinakailangan ng tulong ng Diyos?
Ano ang simpleng bagay na pwede mong gawin na madaling tapusin?
Prayer of Salvation
Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.
"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ni Jesus, amen."
Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.
Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.