
Mga Gawa 4:2
2 Galit na galit sila sa dalawang apostol dahil itinuturo ng mga ito sa mga tao na si Jesus ay muling nabuhay, at iyon ang katibayan na muling mabubuhay ang mga patay.
Gustung-gusto ni Jad ang Marvel superheroes ngayon. Fan siya ng mga malalaking characters gaya ni Hulk, The Thing, Rhino, atbp. Ang paborito niyang character habang isinusulat ko ang devotional story na ito ay ang mga Sentinels na kalaban ng mga X Men.
Ang mga Sentinels ay mga robot na sinlaki ng bahay. Sila ay ginawa para hulihin o patayin ang mga mutants. Ang mga Sentinels ay nakakalipad, may mga lasers sa kamay, at may mga tentacles din na kayang pumulupot sa mga kaaway.
Dahil sabik na sabik si Jad sa Sentinels, niyaya ko siyang manood ng X Men cartoons na sikat noong dekada 90.
Aliw na aliw si Jad sa panonood. Tuwang tuwa siya sa labanan ng X Men at Sentinels. Natuwa rin ako dahil isa akong X Men fan. Nostalgic sa akin ang bawat episode.
Nalungkot din ako ng muli kong naalala ang istorya ng X Men. Buhay na buhay ang pagkapoot ng sangkatauhan sa mga mutants. Nais ipakulong o ipapatay ng mga tao ang mga mutants dahil kakaiba ang mga ito.
Dahil sa edad ko, mas naiintindihan ko na malapit na malapit sa katotohanan ang poot na ipinakita sa palabas.
Galit sa Iba
Makikita natin sa Mga Gawa 4:2 na galit na galit kay Pedro at Juan ang pamunuan ng mga Hudyo dahil magkaiba ang kanilang paniniwala.
Ang poot na dinanas ng mga apostol at mga X Men ay laganap sa panahon ngayon. Makikita natin ang ebidensya nito sa social media.
Away at debate patungkol sa iba’t ibang opinyon.
Patayan at pagmamaltrato dahil sa kulay ng balat, itsura o kasarian.
Marami pang halimbawa ng poot at galit dahil lang sa pagkakaiba.
Colosas 3:11
11 Kaya't sa kalagayang ito, wala nang pagkakaiba ang Griego at ang Judio, ang tuli at ang di-tuli, ang dayuhan at ang hindi sibilisado, ang alipin at ang malaya. Ngunit si Cristo ang pinakamahalaga sa lahat, at siya'y nasa inyong lahat.
Iba-iba ang ating itsura, kulay, kasarian, pananaw at paniniwala pero wala tayong pagkakaiba sa mata ng Diyos. Lubos ang pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan. Walang higit, walang kulang. Namatay si Jesus para sa lahat at walang kinalaman ang itsura, kulay, pananaw, kasarian at paniniwala sa Kanyang sakripisyo.
Roma 12:16
16 Magkaisa kayo ng saloobin. Huwag kayong magmayabang, sa halip ay makisama kayo kahit sa mga dukha. Huwag ninyong ipalagay na kayo'y napakarunong.
Nais ng Diyos na magkaisa tayo. Dapat makahanap tayo ng paraan upang maalis ang galit at poot sa ating mga puso. Ipagdasal natin na punuin tayo ng Diyos ng pagmamahal at kakayahan para ibigin ang ating kapwa.
In Summary
Likas sa atin ang magalit sa mga sa taong naiiba.
Dapa nating tandaan na pantay-pantay ang pagmamahal sa atin ng Diyos at nais Niyang magkaisa tayo.
Mabuhay tayo ng may pagmamahal sa kapwa kahit iba-iba ang ating itsura, kulay, pananaw, kasarian at paniniwala.
Prayer of Salvation
Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala. "Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ni Jesus, amen." Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos. Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.