top of page

Galit ba sa Akin ang Diyos?




Ang sayang magkaroon ng isang toddler. Ito ang edad na sobrang interactive na ng mga bata at sobrang cute ng lahat ng kanilang ginagawa. Kadalasan, napapangiti pa tayo pag nagkakamali sila. Halimbawa, magwawala sa paglalaro tapos may matatabig na gamit. Nakakatuwa.


Isang araw, ayaw magligpit ng toys ni Jad. Si Jad ay ang aking bunsong anak, at tatlong taong gulang pa lamang siya noon. Sabi ko, “if you don’t clean up I will palo you.” Sagot naman ni Jad, “but you like me!”


Napaisip tuloy ako na sana katulad natin si Jad pagdating sa Diyos. Alam ni Jad na mahal siya ng Daddy niya kaya nagtaka siya kung bakit papaluin siya. Kaso, mas madalas na naiisip natin na galit sa atin ang Panginoon lalo na kung dumadanas tayo ng hirap. Huwag nating isipin na galit sa atin ang Panginoon, isa itong kasinungalingan.


1 Juan 4:18-19


18 Walang anumang takot sa pag-ibig. Sa halip, ang ganap na pag-ibig ay nag-aalis ng takot, sapagkat ang takot ay mayroong kaparusahan. Ang sinumang natatakot ay hindi pa lubusang umiibig. 19 Tayo ay umiibig sapagkat siya ang unang umibig sa atin.


Ang tawag sa pag-ibig ng Diyos para sa atin ay agape. Ang agape ay salitang Griyego para sa pag-ibig na walang hanggan at walang kondisyon. Hindi natin mararanasan ang agape mula sa tao. Tanging Diyos lamang ang may kakayahan na magbigay ng agape.


Ang pagmamahal ng tao ay may kondisyon. Kailangan mahal tayo ng taong mahal natin para tayo magmahalan. Madalas sinasabi natin, kung mabait ka, mabait rin ako. Kung walang hiya ka, mas walanghiya ako sa yo. Ibang-iba ang pagmamahal natin kumpara sa pag-ibig ng Diyos. Mahal tayo ng Diyos kahit palagi tayong nagkakamali. Mahal tayo ng Diyos kahit hindi natin Siya mahal.


Walang sinuman sa atin ang karapat-dapat sa pag-ibig ng Diyos. Hindi rin inaasahan ng Diyos na maibabalik natin sa Kanya ang agape. Alam Niya na hindi natin ito kaya. Kaya naman, kahit hindi pa natin nakilala si Jesus, pinili na ng ating Panginoon na ialay ang Kanyang buhay sa krus ng kalbaryo upang maligtas tayo mula sa impiyerno.


Roma 5:8


8 Subalit ipinapakita ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin, na noong tayo ay makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin.


Kaya naman huwag na nating isipin na galit sa atin ang Diyos. Minahal Niya tayo bago pa tayo mabuhay sa mundo. Ang pagmamahal ng Diyos ay perpekto, wagas at walang hanggan.


Mga Taga-Efeso 1:4-5


Ayon sa pagkapili niya sa atin sa kaniya bago itinatag ang sanglibutan, upang tayo'y maging mga banal at mga walang dungis sa harapan niya sa pagibig: Na tayo'y itinalaga niya nang una pa sa pagkukupkop na tulad sa mga anak sa pamamagitan ni Jesucristo sa ganang kaniya, ayon sa minagaling ng kaniyang kalooban.


Prayer of Salvation


Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.


"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ng Jesus, amen."


Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.


Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.



Single Post: Blog_Single_Post_Widget
bottom of page