top of page

Buhatin ang Higaan at Lumakad



Mga Taga-Colosas 3:23-24


Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo nang buong puso na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa tao.


Sapagkat si Cristo ang Panginoong pinaglilingkuran ninyo at alalahanin ninyong pagkakalooban kayo ng Panginoon ng gantimpalang inilaan niya para sa inyo.


Nakaranas ako ng depression. Napakabigat ng aking dibdib. Balot na balot ng takot ang puso ko mula paggising hanggang bago matulog. Dasal ako ng dasal para mawala ang aking anxiety pero hindi ito lumilipas. Parang hindi nakikinig ang Diyos sa aking mga hinaing.


Isang araw, pinili kong ayusin ang aking pagtulog. Sinigurado ko na hindi ako nagpupuyat at mahaba ang aking tulog. Pinili ko rin mag-exercise araw-araw. Nag-stretching ako for 45 minutes daily. Dinagdagan ko ang pag-inom ng tubig. Nakipag-usap rin ako sa isang therapist na nagturo sa akin ng mga breathing exercises at iba-ibang activities na nakakabuti sa aking mental health. Idinagdag ko ang mga gawaing ito kasabay ng pagdarasal at pagbasa ng Bible.


Hindi ko namalayan, pero nagising na lang ako na ng may kapayapaan sa aking isip at puso. Nagpasalamat ako sa Diyos dahil dinirinig Niya ang mga dasal ng Kanyang anak.


Kailangang Kumilos


Naalala ko ang story ng lalaking may sakit sa aklat ng Juan:


Juan 5:5-9


5 May isang lalaki doon na tatlumpu't walong taon nang may sakit. 6 Nakita siya ni Jesus at alam niyang matagal nang may sakit ang lalaki kaya't tinanong niya ito, “Gusto mo bang gumaling?”


7 Sumagot ang maysakit, “Ginoo, wala pong maglulusong sa akin kapag gumalaw na ang tubig; papunta pa lamang ako, may nauuna na sa akin.”


8 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.” 9 Noon di'y gumaling ang lalaki, binuhat ang kanyang higaan, at lumakad.


Katulad ko, madalas na iniisip natin na hindi naririnig ng Diyos ang ating mga panalangin. Malayo ito sa katotohanan.


Alam ng Diyos kung ano ang ating pangangailangan pero kailangan nating kumilos. Hindi tayo dapat maghintay sa mga taong tutulong sa atin o sa himalang magbabago ang ating sitwasyon. Kung mayroon tayong nais baguhin, dapat tayong kumilos.


Walang Motibasyon


Mahirap kumilos kung wala kang ganang gumawa o magtrabaho. Balikan natin ang mga verses sa Mga Taga-Colosas 3:23-24:


Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo nang buong puso na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa tao.


May kaibigan ka bang hindi mo kayang tanggihan? Yung tipong kahit mahirap, gagawin mo para sa kanya dahil espesyal siya sa iyo?


Parang ganito si Kristo. Siya ang kaibigan na pwede nating gawing inspirasyon para magawa ang mga mahihirap na bagay na makakatulong sa ating tagumpay. Sinakripisyo ni Jesus ang Kanyang buhay para maging maligaya tayo dito sa lupa at pati na rin sa langit.


Kaya nating magtiyaga at magsipag para sa Kanya.


Sapagkat si Cristo ang Panginoong pinaglilingkuran ninyo at alalahanin ninyong pagkakalooban kayo ng Panginoon ng gantimpalang inilaan niya para sa inyo.


May gantimpalang inilaan sa atin si Jesus kaya may halaga ang lahat ng hirap at sakit na naranasan natin. Bilang ni Jesus ang bawat luhang pumatak sa iyong mga mata at bibiyayaan ka Niya ng higit pa sa iyong mga pangarap.


Hindi sinungaling ang ating Panginoon kaya kapag sinabi Niyang may biyaya tayong matatanggap maaasahan natin ito gaya ng muling pagsikat ng araw.


In Summary


Dapat magsimula ang pagbabago sa ating isip at puso. Kailangan nating kumilos para maisakatuparan ang pagbabagong hinahangad.


Gawin nating inspirasyon si Jesus upang makaya ang responsibilidad. Asahan na pagpapalain Niya tayo sa ating pagkilos.


Prayer of Salvation


Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.


"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ng Jesus, amen."


Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.


Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.

Single Post: Blog_Single_Post_Widget
bottom of page