top of page

Bakit Tayo Maihahalintulad sa Ketongin?



Noong bata ako, isa sa mga kwentong narinig ko ay dinadala raw sa Babuyan Island ang mga ketogin sa Pilipinas.


Hindi ko alam kung totoo ang kwentong ito. Pero alam ko na may mga bansa nag-isolate mga taong may ketong. Dinadala ang mga ketongin sa mga leprosy colonies o di kaya’y ikinukulong. Tinapakan ng gobyerno ang mga rights ng mga may ketong para sa ikabubuti ng nakararami.


Levitico 13:45-46


45 “Ang taong may sakit sa balat na parang ketong ay dapat magsuot ng sirang damit, huwag mag-aayos ng buhok, tatakpan ang kanyang nguso at laging sisigaw ng, ‘Marumi ako! Marumi ako!’ 46 Hangga't siya'y may sugat, ituturing siyang marumi at sa labas ng kampo maninirahang mag-isa.”


Labag sa kautusan ng Diyos para sa isang ketongin na makihalubilo sa mga tao.

Pero alam niyo bang nilabag ni Jesus ang kautusang ito?


Mateo 8:2-3


Pagbaba ni Jesus mula sa bundok ay sumunod sa kanya ang napakaraming tao. 2 Lumapit sa kanya ang isang ketongin at lumuhod sa harapan niya, nakikiusap, “Panginoon, maaari mo po akong gawing malinis, kung nanaisin mo.” 3 Iniunat ni Jesus ang kanyang kamay at hinawakan ang lalaki. Sinabi niya rito, “Nais ko. Maging malinis ka.”


Mabuti na lamang at mas mataas si Jesus sa kautusan. Pinili ni Jesus na pagalingin ang may ketong sa pamamagitan ng kanyang mga kamay kahit na labag ito sa nakasulat sa Levitico. Ibang klase talaga ang pag-ibig ni Jesus.


Mabuti ito para sa atin dahil maikukumpara rin tayo sa mga taong may leprosy. Paano? Heto ang pagkakapareho natin sa mga ketongin:


· Tayo ay marumi

· Hindi natin kayang iligtas ang ating sarili

· Tayo ay tagalabas (Outcasts)



Tayo ay Marumi


Mateo 23:27


27 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat ang katulad ninyo'y mga libingang pinaputi na magandang tingnan sa labas, ngunit sa loob ay puno ng mga buto ng mga bangkay at ng sari-saring kabulukan.


Lahat ng tao ay nagkasala at walang sinuman ang nakaabot ng standard ng Panginoon. Kaya naman walang sinuman ang puwedeng magsabi na sila ay walang kasalanan at malinis sa harapan ng Diyos kung hindi dahil kay Jesus.


Hindi Natin Kayang Iligtas Ang Ating Sarili


Efeso 2:8-9


8 Dahil sa biyaya kayo'y iniligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito'y hindi sa pamamagitan ng inyong sarili; ito'y kaloob ng Diyos, 9 hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang walang sinumang makapagmalaki.


Regalo ng Panginoon ang ating salvation. Hindi tayo naligtas dahil sa ating kakayanan, kabutihan o kayamanan. Ibinigay sa atin ng Diyos ang kaligtasan at kailangan lang natin itong tanggapin.



Tayo ay Tagalabas (Outcasts)


Juan 8:44


44 Kayo ay mula sa inyong amang diyablo, at ang hangarin ninyo ay gawin ang mga gusto ng ama ninyo. Siya ay mamamatay-tao mula pa sa simula, at hindi naninindigan sa katotohanan sapagkat walang katotohanan sa kanya. Kapag siya ay nagsisinungaling, nangungusap siya ayon sa kanyang kalikasan, dahil siya ay sinungaling at ama ng kasinungalingan.


Tayo ay mga anak ng diablo bago tayo sagipin ni Jesus. Naging mga anak tayo ng Diyos at napabilang sa pamilya ng Panginoon dahil lamang sa sakripisyo ni Jesus.


Ano ang Dapat Nating Gawin?


Dahil tayo ay sinagip lamang ng Panginoon dapat nating tandaan ang mga ito:


· Huwag manghusga

· Mahalin natin ang ating kapwa


Huwag Manghusga


Mateo 7:1-3


7 “Huwag kayong humatol upang hindi kayo mahatulan. 2 Sapagkat sa hatol na inyong ihahatol ay hahatulan kayo, at sa panukat na gagamitin ninyo ay susukatin kayo. 3 Bakit nakikita mo ang puwing sa mata ng iyong kapatid, subalit hindi mo napapansin ang troso na nakabalandra sa iyo mismong mga mata?


Lahat tayo ay makasalanan. Sinagip lamang tayo ni Jesus dahil sa kanyang pag-ibig kaya naman wala tayong karapatan na manghusga ng ating kapwa.


Mahalin Natin ang Ating Kapwa


Juan 15:12-14


12 Ito ang aking utos: kayo’y magmahalan gaya ng pagmamahal ko sa inyo. 13 Walang hihigit pa sa pag-ibig ng taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. 14 Kayo'y mga kaibigan ko kung sumusunod kayo sa ipinag-uutos ko sa inyo.


Sinagip tayo ng dahil sa pag-ibig kaya naman nararapat lang na ibahagi natin ang pag-ibig na ating natanggap sa ating kapwa.


Idagdag pa natin na iniutos sa atin ng ating Panginoon na mahalin ang bawat isa. Sino tayo para sumuway sa Diyos na nagligtas sa atin mula sa impiyerno?


In Summary


Pwede tayong maihambing sa may ketong dahil tayo ay marumi sa kasalanan, nangangailangan ng tagapagligtas at nakahiwalay sa pamilya ng Diyos.


Kaya naman dapat nating alalahanin na kailangan natin si Jesus. Siya ang dahilan kung bakit naging anak tayo ng Diyos.


Sa kadahilanang sinagip lamang tayo ni Jesus, wala tayong Karapatan na manghusga ng ating kapwa, bagkus dapat nating mahaling ang isa’t isa.


Prayer of Salvation


Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.


"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ng Jesus, amen."


Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.


Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.



Single Post: Blog_Single_Post_Widget
bottom of page