top of page

Bakit Parang May Kulang?




Birthday ko. Natural gusto kong maging masaya sa araw na ito. Kaya naman nag book ako ng 3-day-2-night camping trip kasama ng aking pamilya. Pumunta kami sa Central Coast at nag camp sa tabi ng napakalawak na lawa.


Maganda ang panahon noong unang araw ng camping. Masaya kong itinayo ang tent na aming tutulugan at gazebo na magsisilbing kusina, kainan at tambayan. Nagmistula akong isang bata na naglalaro ng bahay-bahayan.


Pagkatapos maayos ang aming camp, oras na para kumain. Inihanda ni misis ang aming korean bbq dinner. Nagluto kami ng sausage, beef thin cuts saka bacon. Meron din kaming kanin, kimchi, saka pickled vegetables. Syempre, may cake at cupcakes dahil birthday ko.


Pagkatapos naming kumain ng masarap na hapunan, nag-inuman kami ni misis. May baon kaming whiskey at beer. Masaya kaming uminom at namulutan habang nanonood ng Si Ibarra at Maria Clara.


Masayang natapos ang unang araw ng birthday camping pero parang may kulang. Sabi ko, baka dahil marami pa kaming hindi nagawa. Plano kasi naming mag-badminton, magtugtugan, at maglibot. Sabi ko, bukas magagawa namin ang mga ito.


Tanghali na kaming bumangon noong ikalawang araw. Sa kasamaang palad, may maintenance na ginawa sa camp site. Pinutol ang mga lumang sanga ng matataas na puno at inilagay sa chipper. Sobrang ingay ng tunog ng ginigiling na kahoy kasabay ng nagngangalit na tunog ng makina. Kinailangan naming magsigawan para magkarinigan.


Napakainit din noong araw na iyon. Kaya pinili na lang namin na mahiga sa lilim ng puno kaysa maglibot o magbadminton. Mahirap na, baka ma-dehydrate pa kami at kailanganing dalhin sa ospital.


Kinahapunan, dumating ang aking anak na panganay kasama ng kanyang GF. Tinulungan ko silang magtayo ng tent. Mabilis naming itinayo ang maliit na tent at dumiretso na kami sa gazebo para maghapunan.


Steak ang aming ulam noong gabing iyon at nagkanya-kanya kami ng luto ayon sa panlasa. Pagkatapos kumain, nagtugtugan kami habang umiinom.


Masayang natapos ang ikalawang araw pero parang may kulang. Siguro dahil muli kaming hindi nakapag-badminton o nakapaglibot dahil sa init ng panahon. Baka rin dahil sa ingay ng mga trabahador na pumutol ng mga sanga ng puno. Sabi ko, bukas siguradong makakapaglibot kami.


Pack up na kami noong ikatlong araw. Gumising kami ng 8:00 AM, at nailigpit namin ang lahat ng gamit namin ng 10:30 AM. Pumunta kami sa gilid ng lake para mag-picture taking. Maganda ang lake at marami kaming nakita na mga pelicans at sea gulls.


Pagkatapos ng photoshoot, pumunta kami sa The Entrance kung saan marami ang kainan at may malaking playground. Nag enjoy sa paglalaro si Jad at masaya naman kaming kumain ng aking misis. Panahon na upang kami ay umuwi.


Pagdating sa bahay, mabilis naming naiayos ang aming mga gamit. Mabilis ko ring nalinis ang aming kotse. Nakakapagod, pero masaya pa rin dahil napakarami naming nagawa noong araw na iyon. Kumain kami ng ramen pagkatapos maglipit.


Masayang natapos ang ikatlong araw pero parang may kulang. Siguro dahil hindi kami nakapagbadminton. Siguro dahil nakakapagod magligpit at maglinis ng kotse. Sabi ko, bakit kaya nakakaramdam ako ng pagkukulang gayong naging masaya naman ang tatlong araw ng camping?


Kinaumagahan, dama ko pa rin ang pakiramdam na hindi sapat ang mga ginawa namin sa birthday ko. Hindi ko maintindihan kung ano ang nararamdaman ko, kaya naisipan kong magdasal.


Ikinuwento ko kay Jesus ang lahat ng nangyari noong birthday ko— maganda, mapangit, nakakatuwa at nakakainis. Maya-maya naramdaman ko na lang na tumulo ang aking luha, umangat ang aking buhok, at nangilabot ang aking buong katawan. Biglang humagulgol na ako sa presensya ng Diyos.


Nawala ang bigat ng dibdib ko pagkatapos kong umiyak sa Diyos. Ang kakulangan na nararamdaman ko ay napalitan ng kapayapaan. Sabi ko, si Jesus lang pala ang kulang sa birthday ko.


Next year, sisiguraduhin kong imbitado si Jesus sa aking birthday celebration.


Mga Awit 16:11


Ituturo mo ang landas na patungo sa buhay, sa piling mo'y madarama ang lubos na kagalakan; ang tulong mo'y nagdudulot ng ligayang walang hanggan.


Mga Tanong


  • Kailangan mo ba si Jesus ngayon?

  • Ano ang pumipigil sa yo sa pagdarasal?


Prayer of Salvation


Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.



"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ni Jesus, amen."



Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.



Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.





Single Post: Blog_Single_Post_Widget
bottom of page