
Lockdown kami ngayon sa Sydney. Sa halip na mabawasan ang bilang ng mga biktima ng Covid, lalo pa itong dumarami. Malapit na bang matapos ang ang lockdown? Hindi ko alam. May solusyon na ba ang Covid? Wala pa, lalo na’t hindi nagkakaisa ang mga tao sa bansa.
Kaya naman pahirap ng pahirap ang ating sitwasyon. Sa devotional story na ito, gusto kong pag-usapan ang sitwasyon ng mga katulad ko na nakakaranas ng depression at anxiety.
Nakita ko ang mga Facebook posts ng isang kaibigan tungkol sa depression. Dahil sa mga posts niya, naisip ko na baka depressed siya. Sinabi niya sa kanyang posts na hindi siya naiintindihan ng mga taong nakapaligid sa kanya, kaya naman pinili niya na sarilinin na lang ang kanyang mga problema. Napakahirap labanan ng depression ng mag-isa.
Ang isang kaibigan ko na madalas kong kinakausap tungkol sa depression ay nagsabi rin na napakahirap para sa kanya ang panahon ngayon, kaya naman palagi siyang nagdadasal at nagde-devotion. Sinabi rin niya na nalulungkot siya dahil parang hindi pinakikinggan ng Diyos ang kanyang mga dasal. Sinabi niya na lubos na siyang nagpapakumbaba pero walang nagbabago sa kanyang sitwasyon. Tila bingi ang Diyos sa kanyang mga dasal.
Mahirap maging clinically depressed. Takot na takot ka pero hindi mo alam kung bakit. Minsan hindi ka makahinga, makakain, makatulog at madalas kang pagod. Hindi ka masaya kahit na ginagawa mo ang mga bagay na gusto mong gawin. Mahirap makahanap ng taong makausap dahil iniisip nila na kailangan nilang ayusin ang sitwasyon. Hindi nila alam na wala namang magagawa at gusto mo lang ng taong pwedeng makinig. Pag hindi ka nila nakumbinsi na maayos na ang lahat, pati sila nalulungkot. Gusto mong huminto ang isip mo pero ayaw nitong tumigil. Kaya naman pag nag lumuhod ka na sa Diyos, nagmakaawa na pagalingin ka at ayusin ang iyong sitwasyon pero walang nangyayari, nakakawala ng pag-asa.
Aaminin ko, tinatanong ko rin kung bakit hinahayaan ng Diyos na maranasan natin ang paghihirap. Ang mabilis na sagot ay para ito sa ating character development. Kaya lang, kapag nasa gitna ka ng pasakit, mahirap makita ang pagmamahal at kabutihan ng Diyos. Kaya naman kapag tayo’y nagdurusa, kailangan nating tandaan ang tatlong puntong ito:
Hindi natin lubos na mauunawaan ang Diyos
Kailangang sumamba sa gitna ng pagdurusa
Personal ang relasyon natin sa Diyos
Hindi Natin Lubos na Mauunawaan ang Diyos
Isaias 55:8-9
8 Ang sabi ni Yahweh,
“Ang aking kaisipa'y hindi ninyo kaisipan,
ang inyong kaparaanan ay hindi ko kaparaanan.
9 Kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa lupa,
ang aking kaparaanan ay higit kaysa inyong kaparaanan,
at ang aking kaisipan ay hindi maaabot ng inyong kaisipan.
Ito ang dapat nating itatak sa ating isip, mabuti ang Diyos at mahal na mahal tayo ng Panginoon. Kapag naghihirap tayo at tila hindi dinirinig ng Diyos ang ating mga dasal, isipin natin na ito ay para sa ating ikabubuti. Pagdating ng panahon maiintindihan natin kung bakit kailangan nating pagdaanan ang mga pagsubok. Tanggapin natin na hindi natin lubos na mauunawaan ang Diyos.
Kailangang Sumamba sa Gitna ng Pagdurusa
Mga Taga-Roma 5:3-5
Hindi lamang iyan. Ikinagagalak din natin ang mga kahirapang ating tinitiis, dahil alam nating ito'y nagbubunga ng pagtitiyaga. At ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng katatagan, at ang katatagan naman ay nagbubunga ng pag-asa. At hindi tayo binibigo ng pag-asang ito sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos na sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob sa atin ng Diyos.
Isipin natin na ang mga pagsubok ay para sa ating ikabubuti. Kaya naman habang tayo ay dumadaan sa kahirapan lalo tayong lumapit sa Diyos. Lalo pa tayong magdasal, magbasa ng Bible at magsimba. Kung hindi pwedeng pumunta sa simbahan sumali tayo sa mga online worship services. Kailangan nating sumamba sa gitna ng pagdurusa.
Personal ang Relasyon Natin sa Diyos
Jeremias 1:5
5 “Bago ka pa ipinaglihi at ipanganak ay pinili na kita upang maging propeta para sa lahat ng bansa.”
May indibidwal na plano para sa atin ang Panginoon. Hindi natin dapat ikumpara ang ang ating sitwasyon sa ibang tao. Hindi rin nararapat na sukatin natin ang pagmamahal at kabutihan ng Diyos base sa karanasan ng ibang tao. May kanya-kanya tayong relasyon sa ating Panginoon.
In Summary
Mabuti ang Diyos at mahal na mahal tayo ng Panginoon. Kung hindi man natin ito nararamdaman, isipin natin na dahil ito sa katotohanan na hindi natin kayang intindihin ng lubos ang mga layunin ng Diyos.
Dapat tayong sumamba kahit na tayo’y naghihirap at personal ang relasyon natin sa Panginoon. Hindi natin dapat sukatin ang pagmamahal ng Diyos para sa atin dahil sa mga nangyayari sa kapaligiran. Tandaan na dumadaan tayo sa mga pagsubok para tayo lumago bilang Kristiyano. May plano ang Diyos para sa bawat isa. Magtiwala tayo sa Diyos.
Prayer of Salvation
Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.
"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ng Jesus, amen."
Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.
Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.