top of page

Bakit Marami ang Tumatanggi sa Turo ni Jesus?



Mga Gawa 4:2


2 Galit na galit sila sa dalawang apostol dahil itinuturo ng mga ito sa mga tao na si Jesus ay muling nabuhay, at iyon ang katibayan na muling mabubuhay ang mga patay.


Napakalaki ng natutunan ko mula sa king voice teacher noong college. Siya ang unang nagturo sa akin ng tamang proseso ng vocalisation, pati ang pagkilala at pagkanta ng magandang tinig. Labis-labis ang paghanga ko sa voice teacher na ito.


Isang summer, binigyan ng free music camp entry ang aking church sa probinsya ng isang malaking church sa Manila. Isang linggo kaming tumira sa isang hotel na malapit sa kanilang church. Libre lahat, kasama pati ang pagkain.


Maraming klase ang pwedeng pasukan sa music camp na iyon. Pumili ako ng tatlo– musical theatre, worship leading at voice lessons.


Sa isang klase ng voice lessons, itinuro ng aming teacher ang tungkol sa nasal technique ng pagkanta. Ito daw ang technique upang maabot ang mga matataas na nota.


Hindi ako makapaniwala. Iba ito sa turo ng voice teacher ko noong college. Kinontra ko sa aking isip ang lahat ng sinabi ng teacher at wala akong natutunan tungkol sa lesson na iyon.


Fast forward sa ngayon, ako mismo ang nagre-research at nagpap-practice ng nasal technique dahil mababa ang boses ko. Sayang. Sana nakinig ako noon sa voice teacher ng church baka sana magaling na ako sa nasal technique.


Ngayong inaalala ko ang mga pangyayari, natatandaan ko na pumunta ako sa klaseng iyon na sarado ang pag-iisip. Ayaw kong tanggapin ang turo ng voice teacher sa church dahil sobrang fanboy ako ng voice teacher ko noong college.


Marami ang Ayaw sa Turo ni Jesus


Marami ang naiinis sa mga bagay na itinuro ni Jesus, parang ako lang noong tinuruan ako ng voice teacher ng malaking church noon. Kahit mga Christian ayaw tanggapin ang mga turo ni Jesus at may kanya-kanyang silang dahilan kung bakit ayaw nila.


Ano ba ang mga turo ni Jesus?


  • Mahalin mo ang Diyos ng buong puso, isip at kalakasan

  • Mahalin mo ang iyong kapwa ng gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili

  • Manampalataya kay Jesus

  • Laging magdasal

  • Laging magpatawad


Mahalin mo ang Diyos ng Buong Puso, Isip at Kalakasan


Mateo 22:37-39


37 Sumagot si Jesus, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, buong kaluluwa mo, at buong pag-iisip mo. 38 Ito ang pinakamahalagang utos. 39 Ito naman ang pangalawa: Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.


Marami na ang mga hindi naniniwala sa Diyos ngayon. Mas marami pa ang hindi naniniwala sa relihiyon, kaya naman mas marami na rin ang hindi naniniwala kay Jesus.


Bakit nga naman mamahalin mo ang isang nilalang na hindi mo naman nakikita?


Kaya naman bilang Christians, may responsibilidad tayo na ipaalala sa mga tao na totoo at mahal na mahal tayo ng Diyos, kaya naman nararapat lang na unahin natin Siya sa ating buhay.


Mahalin mo ang Iyong Kapwa ng Gaya ng Pagmamahal mo sa Iyong Sarili


Mateo 7:12


12 “Gawin ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo. Ito ang buod ng Kautusan at ng mga isinulat ng mga propeta.”


Napakahirap ng magmahal ng kapwa ngayon. Napakarami naman kasing scammers at trollers.


Sabi pa ni Jesus mahalin pati ang ating mga kaaway, pero paano ko mamahalin ang taong nanloloko sa akin?


Ang hirap na ngang hindi pumatol sa mga haters sa social media, mamahalin ko pa? Paano na?


Napakahirap, pero bilang Christians, huwag nating isara ang isip natin sa turong ito ni Jesus. Patuloy tayong humingi ng gabay at tulong sa Diyos para magawa nating magmahal ng gaya ni Jesus.


Manampalataya kay Jesus


Juan 3:16


16 Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.


Ayaw tanggapin ng nakararami ang turong ito dahil masyado raw madali. Sabi nila, ”maniniwala lang kay Jesus, pupunta na sa langit?


Sagot, “oo!”


Ito ang turo ni Jesus. Hindi na natin kailangan pang maghirap para makarating sa langit. Kailangan lang nating maniwala kay Jesus.


Laging Magdasal


Lucas 18:1


18 Isinalaysay ni Jesus ang isang talinghaga upang ituro sa kanila na dapat silang laging manalangin at huwag mawalan ng pag-asa.


Minsan mas madaling mag-alala kaysa manalangin. Automatic na napupuno ng masasamang bagay ang ating kaisipan.


Kaya naman ang turo ni Jesus, magdasal, imbis na mag-alala. Kapag nararamdaman natin ang bigat ng buhay, humanap tayo ng oras para magdasal. Sabihin o isigaw natin ang lahat ng nasa puso natin kay Jesus. Tumawa o umiyak tayo sa presensya ng Diyos.


Laging Magpatawad


Mateo 18:21-22


21 Lumapit si Pedro at nagtanong kay Jesus, “Panginoon, ilang beses ko po bang patatawarin ang aking kapatid na nagkakasala sa akin? Pitong beses po ba?”


22 Sinagot siya ni Jesus, “Hindi pitong beses, kundi pitumpung ulit na pito.


“Hayaan mo na”


“Pabayaan mo na lang”


“Bahala na si Lord sa kanya”


Napakahirap sundin ng mga salitang ito kung naagrabyado ka. Pero kung susundin natin ang turo ni Jesus at agad nating papatawarin ang mga nagkasala sa atin, siguradong magiging masaya at mapayapa ang ating buhay.


In Summary


Maganda ang mga turo ni Jesus kaya lang mahirap itong gawin. Kailangan natin ang gabay at kapangyarihan ng Banal na Espiritu upang magawa natin ang mga turo ni Jesus. Tandaan na kung tayo ay susunod, magiging masaya, mapayapa at matagumpay ang ating buhay.


Prayer of Salvation


Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.


"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ni Jesus, amen."


Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.


Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.

Single Post: Blog_Single_Post_Widget
bottom of page