
May bago akong libangan ngayon, ang paggamit ng iba’t ibang effects sa gitara. Nagsimula ang hilig ko sa mga guitar pedals noong nakipag-jam ako kasama ng aking hobby band. Dinala ng kasama kong gitarista ang kanyang mga pedals, at namangha ako kung paano nito napapaganda ang tunog ng gitara.
Nagsimula ako sa effects na kasama ng aking amplifier— chorus, delay at saka reverb. Ang mga effects na ito ay nagpapakapal at nagpapaganda ng tunog ng gitara.
Sumunod ay bumili na ako ng compressor. Binabalanse ng pedal na ito ang tunog kaya naman lalo pang gumanda ang tunog ng gitara ko. Gumamit rin ako ng overdrive na nagpapadumi ng tunog ng gitara. Sabi ko sa limang taong gulang kong anak, ginagalit ng pedal na ito ang gitara ko kaya parang sumisigaw. Kinailangan ko na rin ng power supply dahil mapapamahal ako kapag tig-iisa ang adaptor ng pedal ko. Maiiwasan rin magulong set up ng mga pedal na sanhi ng maraming kable.
Maganda na ang tunog ng gitara ko pero parang hindi pa rin sapat. Sabi ko gusto ko nang bumili ng mga pedal na katumbas ng mga effects na nasa amplifier ko. Mahirap kasi gamitin ang mga effects na nasa amp dahil kailangan kong pakialaman ang settings nito. Hamak na mas madaling gumamit ng pedal dahil matitimpla mo ang tunog ng mas maayos sabay tatapakan mo lang kapag gusto mong gamitin.
Nilista ko ang mga pedal na kailangan ko. Equaliser, boost, noise gate, chorus, distortion, delay, reverb, flanger, at phaser. Kailangan ko na rin ng pedalboard para ma-organisa ang mga pedal.
Binigyan ako ng website ng gitarista ko. Mas mura daw sa website na ito ang mga effects na kailangan ko. Sinimulan ko naman ang paghahanap ng mga pedal. Pagkatapos ng ilang oras, nai-add ko na sa cart ang lahat ng mga nilista ko. Handa na akong mag check-out. Pero syempre, kailangan kong mag-paalam kay misis.
Malakas ang loob ko. Sabi ko magpapasko, pwedeng ito na ang regalo ko. Sino ba naman ang makakatanggi sa pagbibigay ng regalo tuwing kapaskuhan.
Kaya palang tumanggi ng asawa ko.
Siyempre, sumama ang loob ko. Daig ko pa ang aking bunso kapag pinapatigil sa paglalaro ng iPad. Nalungkot ako na para bang nawalan na ng kabuluhan ang Pasko ko.
Bakit ako Nalungkot?
Na-guilty ako pagkatapos kong pag-isipan ang aking naging emosyon.
Una, marami kaming priorities financially at alam ko kung anu-ano ang mga ito. Higit na mas mahalaga kaysa sa tunog ng gitara ko.
Pangalawa, magandang regalo ba ang makakapagpasaya sa akin ngayong pasko?
Nakalimutan ko na ba na si Jesus ang bida sa Pasko?
Nakalimutan ko na ba na ang kaligtasan ko mula sa impyerno ang pinakamagandang regalo?
Nakalimutan ko na ba na ang ang Pasko ang simbolo ng pagmamahal ng Diyos sa atin?
Nakakatawang isipin na pati ang mga matagal nang Kristiyano na gaya ko ay naapektuhan pa rin ng komersyalismo ng kapaskuhan.
Ang Diwa ng Pasko
Magulo, maingay at masaya ang panahon ng kapaskuhan pero huwag nating kalimutan kung bakit natin ipinagdiriwang ang araw na ito.
Tandaan natin na lahat ng sangkatauhan ay nakatakdang magdusa rito sa lupa at pati na rin sa impiyerno.
Dahil sa pag-ibig ng Diyos, ibinigay Niya ang Kanyang anak na si Jesus para sagipin tayo sa nakatakdang pagdurusa.
Dahil inalay ni Jesus ang Kanyang buhay sa krus, mayroon na tayong kapangyarihan at kapayapaan, at higit sa lahat, maari na tayong manirahan sa langit sa ating pagpanaw kung nananampalataya tayo kay Kristo.
In Summary
Si Jesus ang diwa ng Pasko.
Ipagpasalamat natin ang sakripisyo, kabutihan at pag-ibig ng Diyos ngayong kapaskuhan.
Juan 3:16
Magandang Balita Biblia
16 Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Prayer of Salvation
Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.
"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ni Jesus, amen."
Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.
Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.