
Juan 20:29
29 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Naniniwala ka na ba dahil nakita mo ako? Pinagpala silang hindi nakakita gayunma'y naniniwala.”
Mayroon ka bang natanggap na napakandang balita na mahirap paniwalaan? Yung tipong sa sobrang ganda parang naging imposible na?
Noong sinabi sa akin ng asawa ko na makakakuha kami ng home loan ng walang down payment, hindi ko mapaniwalaan. Laging sinasabi ng utak ko na scam siguro ito.
Pero hindi. Totoo nga. Nakakuha kami ng home loan na hindi namin kinailangan na magbigay ng down payment.
Ganito tayo sa mga pangako ng Diyos para sa atin. Sa sobrang ganda ng mga pangako ng ating Panginoon, hirap na hirap paniwalaan ng utak natin.
Ito ang ilan sa mga bagay na dapat nating paniwalaan:
Mahal tayo ng Diyos kahit gaano pa tayo kasama
Nais ng Diyos na maging masaya tayo
Mabuti ang Diyos sa lahat ng oras
Mahal tayo ng Diyos kahit gaano pa tayo kasama
Roma 5:8
8 Ngunit pinatunayan ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo'y makasalanan pa.
Kahit ano pa ang ginawa, ginagawa o gagawin natin, mahal tayo ng Diyos.
Hindi magbabago ang pagmamahal ng Diyos para sa atin. Wala tayong pwedeng gawin na maaring magpabago ng pagmamahal ng Diyos para sa atin.
Nais ng Diyos na maging masaya tayo
Mga Awit 37:4
4
Kay Yahweh mo hanapin ang kaligayahan, at ang pangarap mo'y iyong makakamtan.
Gusto ng Diyos na maging masaya tayo. Marahil naisip mo na kung totoong gusto ng Diyos na maging masaya ka, bakit hindi dinidinig ng Diyos ang mga dasal mo?
Hindi ibinibigay ng Diyos ang lahat ng gusto natin dahil maaaring makasama sa atin ang mga ito. Matalino ang Diyos at dapat tayong magtiwala sa mga nais Niya sa buhay natin.
Mabuti ang Diyos sa lahat ng oras
Mga Awit 145:9
9
Siya ay mabuti at kahit kanino'y hindi nagtatangi; sa kanyang nilikha, pagkalinga niya ay mamamalagi.
Tandaan natin na mabuti ang Diyos. Madali itong paniwalaan kapag masaya ang buhay natin pero mahirap paniwalaan kapag nasa gitna tayo ng pagsubok.
Isipin natin na ang mga pagsubok ang nagpapalakas at nagpapalago sa atin bilang tao. Kapag natuto na tayo sa ating pagsubok, maiintindihan natin ang layunin ng Diyos kung bakit Niya hinayaang pagdaanan natin ito.
Hindi Ka Nag-iisa
Mateo 14:31
31 Agad siyang hinawakan ni Jesus. “Bakit ka nag-alinlangan? Napakaliit ng iyong pananampalataya!” sabi niya kay Pedro.
Nagduda din ang mga disciples ni Jesus. Hindi kakaiba at hindi kahinaan kapag nahihirapan tayong paniwalaan ang mga pangako ng Diyos.
Pero kahit minsan mas madaling magduda, kumapit lang tayo. Ipagdasal natin na bigyan tayo ng Diyos ng pananampalataya para labanan ang pagdududa.
In Summary
Napakaganda ng mga pangako ng Diyos para sa atin.
Mahirap paniwalaan na karapat-dapat tayo sa mga biyaya ng Diyos pero dapat nating tanggapin na pinagpapala tayo ng Panginoon dahil likas Siyang mabuti at hindi dahil sa tayo ay mabuti.
Prayer of Salvation
Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.
"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ni Jesus, amen."
Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.
Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.