top of page

Bakit Kailangang Tumulong para sa Ebanghelyo?



“Bakit ba kasi kailangan humingi ng donasyon ng simbahan? Bakit kailangan ko pang mag-volunteer eh nagbibigay naman ako ng tithes?


Napapaisip rin ako tuwing may nagtatanong sa akin ng ganito. Bakit nga ba kailangan pang humingi ng simbahan ng donasyon? Bakit ba kailangan pang sumali sa mga church groups?


Basahin natin ang Hebreo 12:1-2 para sagutin ang mga tanong na ito.


Hebreo 12:1-2


12 Kaya nga, dahil napapalibutan tayo ng ganoon karaming mga saksi, iwaksi natin ang bawat bagay na nagpapabigat sa atin at ang kasalanang mahigpit na pumipigil sa atin, at takbuhin natin ng may pagtitiyaga ang takbuhing inilagay sa ating harapan.


2 Ituon natin kay Jesus ang ating paningin, sa kanya na nagtatag at nagpasakdal ng ating pananampalataya. Dahil sa kagalakang inilagay sa kanyang harapan ay tiniis niya ang krus, ipinagwalang-bahala niya ang kahihiyan nito, at ngayo’y nakaupo sa kanan ng trono ng Diyos.


Takbuhin Natin


Base sa verses na binasa natin, ang misyon na ikalat ang pag-ibig ng Diyos sa mundo ay hindi gawain ng isang tao o ng mga manggagawa ng simbahan lamang. Hindi sinabi sa mga verses na “takbuhin mo” o “takbuhin ko,” kundi ang sinabi ay “takbuhin natin.”


Ibig sabihin, lahat tayo ay may parte sa pagpapakalat ng ebanghelyo. Kadalasan, iniisip natin na ang ating Christian life ay pansarili lamang. Kung maayos ang ating pananampalataya at ang ating buhay Kristiyano, wala na tayong pakialalam sa ating kapwa. Mali ang paniniwalang ito.


Dapat maging bukas ang ating isip na tanggapin kung ano ang nais na ipagawa ng Diyos sa atin. Maari Niya tayong tawagin na magbigay sa simbahan o kaya sumali sa mga gawain ng church. Ang mahalaga ay handa tayong tumulong kapag tayo ay kinailangan sa gawain ng Panginoon.


Mga Saksi


Maraming mga saksi ang nakapalibot sa atin. Nguni’t kung walang simbahan, saan sila pupunta? Kung walang manggagawa ang simbahan, sino ang magsasabi sa kanila tungkol kay Kristo? Mahalaga na tumulong tayo sa gawain ng simbahan para makilala ng ating kapwa si Kristo.


Para sa mga matagal nang Kristiyano, naaalala mo pa ba noong ikaw ay nagsisimula pa lamang sa iyong pananampalataya?


Dapat tayong magpasalamat sa mga manggagawa ng Diyos na nauna sa atin at nagturo ng mga bagay na patungkol sa Diyos. Kung wala sila, malamang iba ang takbo ng buhay natin ngayon.


Kaya naman napakahalaga na tulungan natin ang gawain ng Panginoon ngayon para sa mga susunod na henerasyon.


Patuloy ang Takbuhin


Ang takbuhin na sinasabi sa mga talata ay hindi natatapos sa atin. Ang takbuhing ito ay hindi humihinto bagkus ipinapasa sa susunod na henerasyon.


Kaya naman importante na isaayos natin ang pundasyon ng gawain ng Diyos. Nais natin na ang ating simbahan ay may maayos na leadership, manpower at infrastructure. Nais nating maging mabuting representasyon ng Diyos para sa lahat ng tao. Kaya naman dapat tayong magsikap upang umunlad ang ating mga simbahan na kinaaaniban.


Tandaan, maaring umunlad ang ating pananampalataya pero kung hindi natin ito maipapasa sa susunod na henerasyon, mawawalan ng bisa ang ating pagskisikap sa ating buhay Kristiyano.


In Summary


Gawain ng lahat ng Kristiyano ang pagpapakalat ng ebanghelyo. Dapat tayong magtulung-tulong para makilala ng mundo si Kristo. Maari tayong gamitin sa actual na gawain o kaya sa pagbibigay ng pera sa simbahan at iba pang gawain ng Panginoon.


Tumutulong tayo dahil nais nating mapabuti ang gawain ng Diyos para sa susunod na henerasyon. Nais natin silang magkaroon ng mas maayos na experience sa pagsamba sa ating Diyos.


Prayer of Salvation


Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.


"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ng Jesus, amen."


Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.


Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.


Kung may gusto kang i-share tungkol sa ating devotional story, mag-comment ka o kaya mag-send ng message sa akin. God bless you!

Single Post: Blog_Single_Post_Widget
bottom of page