top of page

Bakit Kailangang Maghintay?



Santiago 5:7-8

7 Kaya magtiyaga kayo, mga kapatid, hanggang sa pagdating ng Panginoon. Masdan ninyo kung paano hinihintay ng magsasaka ang mahalagang bunga ng lupa at kung gaano siya katiyaga hanggang sa pagpatak ng una at huling ulan. 8 Dapat din kayong maging matiyaga. Tibayan ninyo ang inyong loob sapagkat malapit na ang pagdating ng Panginoon.

Noong nagde-date pa lang kami ni Misis, madalas kaming magkaroon ng non-stop chat sessions. Kadalasan, FB messenger ang aming ginagamit sa aming pag-uusap. Isa sa mga features ng messenger na pareho kong kinakatuwaan at kinakainisan ay ang seen feature. Dahil sa seen feature na ito, alam ko kung nakita na ni Misis ang aking message at masayang malaman na mabilis niyang nabasa ang mensahe ko. Nakakainis naman kung alam kong nabasa niya ang mensahe pero napakatagal naman niyang mag-reply. Minsan gusto ko nang mag-send ng message na “siguro busy ka, salamat na lang sa lahat-lahat, paalam.”

Isa itong halimbawa ng ating kultura sa ngayon. Sanay na sanay na tayo sa tinatawag na instant gratification. Dapat lahat ng bagay ay may mabilis na responde. Kapag nag-post tayo sa social media, gusto natin mabilis na magkaroon ng mga likes. Kapag umorder tayo online, gusto natin same-day delivery. At gaya nga ng kwento ko, gusto natin ang mabilis na reply sa mga messages.

Kaya naman ngayon, hirap na hirap na tayong maghintay. Kung kinakailangan nating maghintay, nai-stress na tayo. Lalo pa kung ito ay patungkol sa mga pangako ng Diyos sa atin. Nasasabi natin na sawang-sawa na tayong maghintay. Iniisip natin na buong buhay na tayong naghihintay pero wala paring nangyayari.

Madalas nanghihingi tayo ng mga signs o kaya direction in life. Mas masakit pa kung ang hinihintay natin ay kagamutan sa ating karamdaman.

Hindi ko rin naiintindihan ng buo kung bakit kailangan pa nating maghintay. Ang iniisip ko na lang ay ginagawa ito ng Diyos dahil ito ang mas makakabuti para sa atin. Totoo naman na ang pasensya sa paghihintay ay isang senyales ng maturity. Maraming naituturo ang paghihintay patungkol sa pagkilala natin sa ating mga sarili, pero ang tingin ko, ang pinaka-importanteng aral na matututunan natin sa paghihintay ay ang pag-samba.

Pagsamba Habang Naghihintay

Mga Awit 25:4-5

Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kalooban, at ang iyong landas, sa akin ay ipaalam. Turuan mo akong mamuhay ayon sa katotohanan, sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan; sa buong maghapo'y ikaw ang inaasahan.

Napipilitan tayong umasa at sumamba sa Panginoon habang tayo’y naghihintay kahit hindi natin alam kung ano ang mangyayari. Tutuparin ba ng Panginoon ang ating hiling o hindi? Kahit ano pa ang resulta, nagdarasal tayo at nananampalataya habang naghihintay.

Masasabi ko na ang pagsamba sa Diyos ang pinakamagandang tugon sa paghihintay. Kaya naman habang tayo’y naghihintay sa kasagutan ng ating mga dasal, ituon natin ang ating atensyon sa Diyos. Isipin natin ang mg kautusan Niya na kailangan nating gawin. Ihanda natin ang ating mga sarili para sa mga plano ng Diyos.

Magdasal tayo, kausapin natin ang Panginoon pag-gising natin sa umaga at bago tayo matulog. Magbasa tayo ng Bible, kahit isang maikling verse lang na magpapalakas ng ating loob. Umawit tayo sa Diyos, pwede tayong humanap ng mga papuring awit sa YouTube. Kapag ginawa natin ang mga bagay na ito habang naghihintay, lalong titibay ang pananampalataya at pagtitiwala natin sa Diyos.

Alam kong darating ang panahon na makikita natin ang katuparan ng mga pangako ng Diyos sa ating buhay. Pero habang tayo’y naghihintay, sambahin natin ang Diyos ng buong puso.


Prayer of Salvation


Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.


"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ng Jesus, amen."


Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.


Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.




Single Post: Blog_Single_Post_Widget
bottom of page