top of page

Bakit Kailangang Magdasal ng Sama-sama?




Mga Gawa 1:13-14


13 Pagdating sa bahay na kanilang tinutuluyan, umakyat sila sa silid sa itaas. Sila ay sina Pedro, Juan, Santiago, Andres, Felipe, Tomas, Bartolome, Mateo, si Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan, at si Judas na anak ni Santiago.


14 Lagi silang nagsasama-sama upang manalangin kasama ang mga babae at si Maria na ina ni Jesus, gayundin ang mga kapatid ni Jesus.


Marami tayong natutunan dahil sa lockdown. Isa na rito ay ang katotohanan na marami pala tayong pwedeng gawin sa bahay na mag-isa. Gaya ng mag-aral ng bagong kakayahan, natuto ako ng video, sound at photoshop editing dahil sa lockdown.


Pero may mga bagay na masarap gawin ng may kasama. Halimbawa na ang mag videoke. Mas masarap kumanta ng may audience, katawanan, at kainuman.


Mas masayang mag basketball ng may kasama. Mahirap mag execute ng plays mag isa.


Kahit sa pagkain mas masarap ang may kasama. Parang mas malasa ang pagkain kapag kasabay kumain ang mga mahal sa buhay.


Alam niyo kung ano pa ang mas masaya kapag may kasama? Ang manalangin.


Bakit Kailangang Magtipon Kapag Nagdadasal?


Sabi sa Mga Gawa 1:13-14, laging nagtitipon ang mga naunang Kristiyano para magdasal. Heto ang mga dahilan kung bakit:

  • Upang maranasan ang presensya ng Diyos

  • Upang magkaisa sa paghingi sa Diyos

  • Upang gumaling sa karamdaman


Maranasan ang Presensya ng Diyos


Mateo 18:20


20 Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon sa pangalan ko, naroon akong kasama nila.


Masarap maramdaman ang presensya ng Diyos. Pwedeng bumuhos ang luha mo o kaya tumawa ka ng walang humpay. Pwede rin namang kumalma ang isip mo sa gitna ng katahimikan. Ang mahalaga, mapupuno ng kapayapaan ang puso at isip natin kapag tayo ay nasa presensya ng Diyos.


Magkaisa sa Paghingi sa Diyos


Mateo 18:18-20


19 “Tandaan din ninyo: kung ang dalawa sa inyo ay nagkaisa dito sa lupa sa paghingi ng anuman, ito'y ipagkakaloob sa inyo ng aking Ama na nasa langit.


Kapag tayo ay nagkasundo sa ating paghiling sa Diyos, tutuparin ng Diyos ang ating mga kahilingan.


Gumaling sa Karamdaman


Santiago 5:16


16 Kaya nga, ipagtapat ninyo sa inyong mga kapatid ang inyong mga kasalanan at ipanalangin ninyo ang isa't isa, upang kayo'y gumaling. Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid.


May karamdaman ka ba? Ipagdasal natin ang iyong kagalingan kasama ng ating mga kaibigan.


Paalala:


Mga Awit 106:8


8 Sa kabila nito, gaya ng pangako, sila'y iniligtas, upang ipadama na ang Panginoo'y dakila't malakas.


Tandaan, may kondisyon ang pagtupad ng Panginoon sa ating mga dasal.


Kailangan ang panalangin natin ay:


  • Ayon sa plano ng Diyos

  • Makakabuti para sa atin

  • Magbibigay ng glorya sa Panginoon


In Summary


Kailangan nating magdasal ng sama-sama dahil mararamdaman natin ang presensya ng Diyos na nagbibigay ng kapayapaan at kagalingan.


Tutuparin ng Diyos ang ating napagkasunduang kahilingan kung ito ay naaayon sa Kanyang plano.



Prayer of Salvation


Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.


"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ni Jesus, amen."


Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.


Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.

Single Post: Blog_Single_Post_Widget
bottom of page