
Jeremias 29:11
11 Sapagkat batid kong lubos ang mga plano ko para sa inyo; mga planong hindi ninyo ikakasama kundi para sa inyong ikabubuti. Ito'y mga planong magdudulot sa inyo ng kinabukasang punung-puno ng pag-asa.
Noong 4th year high school ako, pinagawa kami ng essay ng aking guro para sagutin ang tanong na “Who would I be after 10 years?”
Maganda ang sinulat ng aking kaklase kaya naman inilagay ito sa aming year book. Sumulat siya ng isang short story tungkol sa 10th anniversary reunion ng aming klase. Ang short story ay tungkol sa pagkikipagkita niya sa mga classmates namin para ayusin ang reunion.
Natatandaan ko pa kung ano ang isinulat niya tungkol sa akin. Ayon sa kanyang kwento, nakipagkita siya sa mga HS best friends niya at pumunta sila sa aking concert para maimbita ako sa reunion. Isa na akong sikat na rockstar 10 years after ng HS graduation doon sa kanyang kwento. Nakakatuwang isipin na naisip ng aking kaklase na may posibilidad na maging rockstar ako.
Nangarap ba akong maging isang rockstar? Oo. Minsan sa buhay ko nagkaroon ako ng dedikasyon na gumugol ng dalawang oras bawat araw para mag-practice kumanta. Sumali din ako sa mga singing competitions noong panahon na iyon. Sumubok din akong mag-banda, sumulat ng kanta para sa TV networks at mag-recording. Pero hindi natupad ang pangarap kong ito. Minsan tinatanong ko ang aking sarili kung bakit hindi sinagot ng Diyos ang dalangin ko na maging isang rockstar.
May Dahilan ang Lahat ng Bagay
Juan 11:1-4
11 May isang taong nagngangalang Lazaro na nagkasakit. Nakatira siya sa Bethania kasama ang mga kapatid niyang sina Maria at Martha. 2 Si Maria ang nagbuhos ng pabango sa paa ng Panginoon at pagkatapos ay pinunasan iyon ng kanyang buhok. Dahil may sakit si Lazaro, 3 nagpasabi kay Jesus ang magkapatid, “Panginoon, ang minamahal ninyong kaibigan ay may sakit.”
4 Nang marinig ito ni Jesus ay sinabi niya, “Hindi niya ikamamatay ang sakit na ito. Nangyari iyon upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito'y maparangalan ang Anak ng Diyos.”
Sabi sa verses sa itaas, nangyayari ang mga bagay upang maparangalan ang Diyos. Siyempre, hindi ko pa rin lubos na alam ang dahilan kung bakit hindi ako naging rockstar, pero iniisip ko na hindi natupad ang aking pangarap dahil hindi ko mapaparangalan ang Diyos.
Dapat Alamin ang Plano ng Diyos
Mga Kawikaan 19:21
21 Ang isang tao'y maraming iniisip, maraming binabalak,
ngunit ang kalooban din ni Yahweh ang siyang mananaig.
Kaya naman dapat nating alamin ang plano ng Diyos para sa atin. Kahit ano pa ang plano natin sa ating buhay, kung hindi ito ang nais ng Diyos para sa atin, hindi ito matutupad. Ito ang dapat nating gawin:
Regular na makipag-usap sa Diyos.
Tanggapin ang plano ng Diyos.
Regular na makipag-usap sa Diyos.
Dapat tayong magdasal at magbasa ng Bible sa umaga at sa gabi para lagi nating nakakausap at nararamdaman ang Diyos. Dapat din tayong magsimba ng regular para marinig natin ang mensahe ng Diyos na ipinadaan sa mga pastor at preachers. Mahalaga rin na sumali tayo sa mga Bible study groups para makahalubilo natin ang ating mga kapwa Kristiyano. Masusubok ng pakikipagkapwa-tao kung tama ba ang ministry na pinili nating pasukin.
Tanggapin ang plano ng Diyos.
Sa ating pagdarasal, dapat nating hilingin kay Jesus na ipaalam sa atin ang Kanyang plano. Tayo ang dapat na mag-adjust at sumunod sa layunin ng Diyos at hindi ang Diyos ang pipilitin nating sumunod sa gusto natin.
Hindi genie ang Diyos para tuparin ang ating mga kahilingan. Siya ang ating Tagapaglikha at may dahilan kung bakit Niya tayo nilikha. Nabuhay tayo para gampanan ang layunin ng Diyos para sa atin. Dapat tayong maging mapagkumbaba at tanggapin ang katotohanan na mas maganda ang plano ng Diyos sa ating buhay kaysa sa plano natin para sa ating mga sarili.
In Summary
Nangyayari ang mga bagay para maparangalan ang Diyos.
Kung nais nating maging successful sa ating buhay dapat alamin natin ang plano ng Diyos para sa atin.
Malalaman lang natin ang plano ng Diyos kung regular tayong nagdarasal, nagbabasa ng Bible at nagsisimba.
Dapat tayong maging mapagkumbaba at tanggapin natin ang plano ng Diyos para sa ating buhay.
Prayer of Salvation
Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.
"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ni Jesus, amen."
Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.
Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.