
Mga Kawikaan 25:28
28 Ang taong walang pagpipigil ay tulad ng lunsod na walang tanggulan, madaling masakop ng mga kaaway.
Natalo ang Philadelphia 76ers. Nabasag ang mukha at nasira ang hinlalaki ni Joel Embiid. Nalaglag na naman sa playoffs ang aking paboritong player na si James Harden.
Kung magiging totoo ako sa aking sarili, sasabihin ko na masakit para sa akin ang pagkatalo ni James Harden. Sumasabog na naman ang Twitter sa mga panlalait sa kanya, kung paano siyang nalaos sa napakabatang edad, at kung paanong hindi niya kayang magpakitang-gilas sa mga mahalagang laro.
Sabi ko sa sarili ko, hindi ko muna bubuksan ang aking Twitter, pero binuksan ko. Sabi ko hindi ko babasahin ang mga tweets ng bashers ni Harden, pero binasa ko. At eto na nga, halos di ko namalayan na nakikipag away na pala ako sa social media.
Mga Kawikaan 4:23
23 Ang puso mo'y ingatang mabuti at alagaan, pagkat iyan ang siyang bukal ng buhay mong tinataglay.
Sabi sa Bible, alagaan natin ang ating puso. Isama na rin natin ang ating isip, dahil lahat ng mga bagay na gagawin natin ay magmumula sa kung ano ang laman ng ating puso at isip.
Marami ang emosyonal sa mga panahon ngayon, lalo pa't katatapos lang ng eleksyon sa Pilipinas. Suriin natin ang ating mga puso at isip bago tayo mag post sa social media. Kung hindi natin titingnan ang ating puso at isip, baka matulad kayo sa akin na nakikipag away sa social media. Hindi maganda sa paningin ng mundo kung ang mga Kristiyano ay nakikipag-argumento sa internet.
Suriin natin ang ating sarili:
Ano ba ang nais ni Jesus na gawin ko?
Nagiging halimbawa ba ako ng pag-ibig ni Jesus?
Nagiging simbolo ba ako ng kapayapaan?
In Summary
Huwag tayong magpatalo sa ating emosyon. Tayo ang matatalo kung madadaig tayo ng galit sa ating puso.
Laging isipin na tayo ay representasyon ni Jesus sa mundo. Dapat tayong maging halimbawa ng kapayapaan at pag-ibig.
Prayer of Salvation
Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.
"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ni Jesus, amen."
Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.
Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.