top of page

Bakit Kailangan Nating Maniwala Kay Jesus?



Isang kaibigan ang nakausap ko tungkol sa pananampalataya. Sabi niya “Dati naniniwala ako sa Diyos, pero ngayon, hindi na.”


Sabi ko, “Bakit?”


Sagot niya, “Kasi mahirap paniwalaan na totoo ang Diyos. Kung totoong mabuti ang Diyos, bakit hinahayaan Niya na umasenso ang mga masasamang tao? Noong panahon hirap na hirap ako, dasal ako ng dasal pero walang nangyari.”


Sabi ko, “Hindi talaga natin maiintindihan ng buo ang plano ng Diyos para sa atin.”

Mahaba pa ang naging usapan namin. Nakakalungkot na hindi ko siya nakumbinsi na magbalik-loob sa Diyos. Hindi naman talaga natin kayang puwersahin ang mga tao na maniwala sa Panginoon. Pero bakit ba kailangan nating maniwala kay Jesus?


May Impiyerno


Mga Hebreo 9:27


27 At kung paanong itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom;


Naniniwala ako na kung may simula, may katapusan. Maraming teorya tungkol sa paglikha ng sanlibutan, pero walang makakapagsabi na walang kinalaman ang Diyos sa mga pangyayari.


Ang buhay ay may simula at may katapusan din. Walang nakakaalam kung ano ang mangyayari pagkatapos nating mamatay, pero ayon sa Bible, ang mga namatay na hindi naniniwala kay Jesus ay mapupunta tayo sa impiyerno.


Walang mawawala sa atin kung maniniwala tayo kay Jesus, pero napakarami ng ating mapapala. Manalig tayo kay Jesus dahil may impiyerno.

May Kalakasan


Mga Taga-Filipos 4:13


Ang lahat ng ito'y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Cristo.


Bilang tao, nakakaranas tayo ng kapaguran. Kapag napuno na tayo ng pagod at stress, napakadali ng sumuko. Pero kung naniniwala tayo kay Jesus, mayroon tayong second wind. Mayroon tayong paghuhugutan ng karagdagang lakas at tapang para ituloy ang laban.


Masasabi ko na lahat ng nagawa ko ng maayos sa aking buhay ay naging possible lang dahil sa pananampalataya kay Jesus. Kapag may bumabati tungkol sa mga nagawa kong ito, nasasabi ko na idinaan ko lamang sa dasal, totoo naman.

May Kapayapaan


2 Mga Taga-Tesalonica 3:16


Ang Panginoon na pinagmumulan ng kapayapaan ang siya nawang magkaloob sa inyo ng kapayapaan sa lahat ng paraan at pagkakataon. Nawa'y sumainyong lahat ang Panginoon.


Isa sa pinakamalaking problema natin ngayon ay ang stress at anxiety. Napakahirap kalaban ng depressiona at kailangan natin ang lahat ng tulong. Idagdag na natin si Jesus sa listahan ng ating mga katulong.


Sabi sa Bible, si Jesus ang Panginoon ng Kapayapaan. Humiling tayo ng kapayapaan mula sa Kanya.

May Pag-ibig


1 Juan 4:19


19 Tayo ay umiibig sapagkat siya ang unang umibig sa atin.


Napakaunlad na ng teknolohiya para sa komunikasyon, mahirap isipin na mas marami ang nalulungkot at nag-iisa sa mga panahon ngayon. Kailangan natin ng pagmamahal. Ang kagandahan dito, mahal tayo ng Diyos. Mahal tayo ni Jesus. Nakakalimutan lang natin.


Ang problema, mahirap para sa atin ang magmahal. Mahirap mahalin ang mga taong mahal lang tayo kapag may kailangan sa atin. Mabuti na lang, kaya nating kumuha ng pagmamahal mula kay Jesus. Dahil lubusan ang pagmamahal sa atin ng Diyos, kaya rin nating magmahal ng ating kapwa. Kailangan lang natin maniwala at manampalataya kay Jesus.

In Summary


Marami ang rason para hindi maniwala sa Panginoon, pero mas maraming dahilan para patuloy tayong manampalataya sa Diyos.


Walang mawawala kung pipiliin nating manalig sa Diyos. Kung iisipin, mas marami ang kabutihang idudulot ng pagkakaroon ng relasyon sa Diyos.


Ang kabayaran ng hindi pananampalataya sa Diyos ay napakalubha. Walang mas malala pa sa buhay na walang hanggan sa impiyerno, kaya naman manalig na tayo kay Jesus ngayon.



Prayer of Salvation


Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.


"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ng Jesus, amen."


Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.


Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.



Single Post: Blog_Single_Post_Widget
bottom of page