top of page

Bakit Kailangan Makinig sa Salita ng Diyos?



Colosas 3:16-17


16 Ang salita ni Cristo'y hayaan ninyong lubusang manatili sa inyong puso. Turuan ninyo at paalalahanan ang isa't isa nang may buong karunungan. Buong puso kayong umawit ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal, nang may pagpapasalamat sa Diyos. 17 At anuman ang inyong gagawin o sasabihin, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus at sa pamamagitan niya'y magpasalamat kayo sa Diyos Ama.


Naranasan niyo ba na mawalan ng gana sa trabaho? Alam mo sa sarili mo na gusto mo ang linya na pinasok mo pero parang napakahirap kumilos. Ang hirap magbasa, nakakainip tumingin sa screen ng computer at napakabigat mag-click ng mouse.


Naalala ko noong nawalan ako ng motibasyon sa trabaho. Halos dalawang linggo kong binubuhat ang aking katawan para lang magampanan ang mga simpleng gawain sa aking tungkulin. Nakakainip at nakakatamad ang bawat araw kahit na maraming projects ang kailangang tapusin. Ang problema, hindi ko alam kung paano ko maibabalik ang aking motibasyon.


Isang araw, pinili kong makinig ng worship music. Sabi ko, matagal na akong hindi nakikinig ng mga awit ng papuri sa Diyos at malamang na kailangan na ng espiritu ko ang ganitong klase ng musika.


Pumunta ako sa Spotify at hinanap ko ang paborito kong Christian band, ang Casting Crowns. Gumaan agad ang pakiramdam ko noong marinig ko ang awit na Dream for You. Ilang kanta pa ang tumugtog mula sa playlist na nagpasaya sa aking puso gaya ng Who Am I at Only Jesus. Pero nang tumugtog ang Voice of Truth na isa sa mga mga paborito kong kanta, hindi ko na napigilan ang pagpatak ng aking luha. Umiyak ako sa Panginoon, lumuhod, humingi ng tawad at nagpasalamat sa lahat ng biyaya na ibinigay Niya sa akin. Ipinagpasalamat ko rin ang trabahong kinatatatamaran ko.


Nagsimula na rin akong makinig muli ng mga Bible podcasts gaya ng preaching ni Judah Smith. Si Judah Smith ay ang pastor ng Church Home at ang paborito kong preacher sa ngayon.


Lumipas ang mga araw at naramdaman ko na bumalik na aking motibasyon. Muli kong naramdaman na napakapalad ko. Salamat sa Diyos! Purihin ang Diyos!


May Kapangyarihan ang Pakikinig sa Salita ng Diyos


Pinilit kong ibalik ang aking motibasyon sa iba’t-ibang paraan. Nag-meditate ako, nag-exercise, at kung anu-ano pa, pero bumalik lang ang aking gana sa trabaho noong nakinig ako ng worship music at preaching kasama ng pagde-devotion araw-araw. Nasabi ko na talagang makapangyarihan ang Salita ng Diyos.


Kaya naman makikita natin sa Colosas 3:16-17 na pinapaalalahanan tayo ni Apostle Paul na laging makinig sa Salita ng Diyos. Ito ang mga bilin niya base sa verses sa itaas:


  • Ang salita ni Cristo'y hayaan ninyong lubusang manatili sa inyong puso

  • Turuan ninyo at paalalahanan ang isa't isa nang may buong karunungan

  • Buong puso kayong umawit ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal, nang may pagpapasalamat sa Diyos

  • At anuman ang inyong gagawin o sasabihin, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus at sa pamamagitan niya'y magpasalamat kayo sa Diyos Ama.


Ang salita ni Cristo'y hayaan ninyong lubusang manatili sa inyong puso


Batay sa pahayag na ito, dapat tayong magbasa ng Bible araw-araw. Ito lang ang tanging paraan upang manatili ang Salita ng Diyos sa ating puso.


Josue 1:8


8 Huwag mong kaliligtaang basahin ang aklat ng kautusan. Pagbulay-bulayan mo iyon araw at gabi upang matupad mo ang lahat ng nakasaad doon. Sa ganoon, magiging masagana at matagumpay ang iyong pamumuhay.


Sabi sa Josue 1:8, dapat tayong magbasa ng Bible sa araw at gabi. Ilagay na natin ito sa ating schedule. Prayer and Bible reading paggising at bago matulog. Mukhang mahirap pero may pangako naman itong kasama. Magiging matagumpay at masagana ang ating buhay kapag ginawa natin ito.


Turuan ninyo at paalalahanan ang isa't isa nang may buong karunungan


Importante ang fellowship. Mahalaga na tayo ay nagsasama-sama para palakasin ang isa’t isa. Magagawa natin ito sa pag-attend ng church at mga bible study groups.


Mga Hebreo 10:25


25 Huwag nating kaliligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, gaya ng nakasanayan ng iba. Sa halip, palakasin natin ang loob ng isa't isa, lalo na ngayong nakikita nating malapit na ang Araw ng Panginoon.

Buong puso kayong umawit ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal, nang may pagpapasalamat sa Diyos


Makapangyarihan ang pag-awit ng papuri sa Diyos. Isa itong paraan para makakonekta tayo sa Banal na Espiritu.


1 Samuel 16:23


23 At tuwing dumarating kay Saul ang masamang espiritu mula sa Diyos, kinukuha ni David ang alpa at tinutugtugan niya ang hari. Si Saul naman ay naaaliw; umaalis sa kanya ang masamang espiritu at siya'y gumagaling.


Panlaban sa masasamang espiritu ang mga awit ng papuri sa Diyos. Umawit si Haring David ng mga espiritwal na kanta upang matulungan si Haring Saul. Maari din tayong kumanta ng mga awit ng papuri sa Diyos upang mapuno tayo ng Banal na Espiritu na Siyang nagbubuhos ng kalakasan, kapangyarihan at kapayapaan.


At anuman ang inyong gagawin o sasabihin, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus at sa pamamagitan niya'y magpasalamat kayo sa Diyos Ama.


Huwag nating kalimutan na magpasalamat sa Diyos. Pasalamatan natin Siya tuwing nakakatanggap tayo ng biyaya at masaya ang ating mga araw. Pasalamatan natin Siya tuwing nakakaranas tayo ng kahirapan dahil nakakatulong ang mga pagsubok sa ating paglago bilang tao at Kristiyano.


Santiago 5:13


13 May paghihirap ba ang sinuman sa inyo? Manalangin siya. Nagagalak ba ang sinuman? Umawit siya ng papuri sa Diyos.


In Summary


Mahalagang makinig ng Salita ng Diyos dahil may kapangyarihan itong baguhin ang ating buhay tungo sa tagumpay.


Ugaliin nating magbasa ng Bible at magdasal sa araw at gabi.


Makinig tayo ng worship music, bible preaching at umattend ng mga church services at bible study meetings.


Huwag nating kalimutan magpasalamat sa Diyos sa lahat ng panahon.


Prayer of Salvation


Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.


"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ng Jesus, amen."


Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.


Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.

Single Post: Blog_Single_Post_Widget
bottom of page