top of page

Bakit Kailangan Magpatawad?



Mga Taga-Efeso 4:32


Sa halip, maging mabait kayo at maawain; magpatawad kayo sa isa't isa tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos dahil kay Cristo.


Napakasakit ng kanang bahagi ng aking likod at kanang braso sa mga panahon ngayon. Mayroon kasi akong tennis elbow, isang karamdaman na nakakaapekto sa braso at likod. Kinakailangan kong mag-stretch, massage, ice therapy at uminom ng paracetamol upang mapawi ang sakit na aking nararamdaman.


Isang araw habang ako ay nagtatrabaho, nilapitan ako ng aking bunsong anak na apat na taong gulang pa lamang para makipaglaro. Nagkataon naman na napakasakit ng aking likod at braso noong mga panahong iyon at hindi pa umeepekto ang gamot na aking ininom. Kaya naman nasungitan ko ang aking bunsong anak ng sandaling iyon at ito ay aking pinagsisihan, hindi ko kinaya ang pressure ng trabaho, sakit ng katawan at pangungulit ng isang bata.


Maihahalintulad ko ang pangyayaring ito sa pagkikimkim ng galit o hindi pagpapatawad sa ating kapwa. Madalas iniisip natin na hindi natin kailangan magpatawad dahil hindi naman deserving ng kapatawaran ang mga taong nanakit sa atin. Iniisip natin na nararapat lang na hindi natin sila patawarin pero ang katotohanan, nag-iipon tayo ng galit, kalungkutan at sama ng loob sa ating puso. Kapag hindi tayo nagpatawad, darating ang panahon na sasabog tayo at makakagawa tayo ng bagay na hindi natin nais gawin. Magsisisi tayo gaya ng nangyari sa akin sa kwento ko sa simula.


Hindi magandang dahilan na isara natin ang ating puso dahil tayo ay nasaktan. Hindi natin dapat parusahan ang mga taong nakaka halubilo natin dahil sa kasalanan ng mga taong nanakit sa atin noon. Hindi rin nais ng Diyos na mamuhay tayo ng may galit sa puso.


Kapag pinili natin na isuko ang ating buhay sa Diyos sa bawat araw, makakaya nating magpatawad araw-araw. Mabubuhay tayo na magaan ang pakiramdam dahil nagpatawad tayo. Kapag magaan ang ating pakiramdam, mas magiging open tayo sa mga taong makikilala natin, dahil alam natin na hindi tayo pababayaan ng Diyos.


Alam nating lahat na ang mga taong nasaktan ay handang gumanti. Bago tayo manakit ng ating kapwa, tandaan natin na lahat ng tao ay dumaranas ng pagsubok. Hindi lang tayo ang nasaktan, kaya naman piliin nating maging maunawain sa mga tao.


Mga Taga-Efeso 4:32

Sa halip, maging mabait kayo at maawain; magpatawad kayo sa isa't isa tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos dahil kay Cristo.


Hindi tao ang ating kalaban, mayroon tayong kalaban na hindi nakikita. Isang espiritwal na nilalang na nais nakawin ang ating kaligayahan, kapayapaan at ang relasyon natin sa ating kapwa. Kaya naman kahit nagpatawad na tayo, mag-ingat tayo sa kaaway na ito. Naghihintay siya ng pagkakataon na mahila tayo pabalik sa galit at kalungkutan. Kaya naman ugaliin nating magdasal at magbasa ng Bible araw-araw. Tandaan natin na tayo ay pinatawad lamang Diyos kaya dapat nating patawarin ang ating kapwa.


Sa tulong ng Diyos, kaya nating magpatawad at magtiwala sa plano ng Panginoon. Ginagamit niya ang mga pangyayari sa ating buhay para mapalapit tayo sa kanya. Pinapalago Niya ang ating pananampalataya hanggang matutunan natin na kaya Niya tayong pagalingin at protektahan. Kapag hinayaan natin ang Diyos na gumalaw sa ating buhay, makakaya nating magpatawad at magpasalamat sa mga bagay na nangyayari sa ating buhay. Gagamitin ng Diyos ang ating kwento upang mas makilala Siya ng sangkatauhan. Tayo ay inuutusan na maging mapagmahal at mapagpatawad habang sumusunod tayo kay Jesus.


Prayer of Salvation


Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.


"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ng Jesus, amen."


Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.


Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.

Single Post: Blog_Single_Post_Widget
bottom of page