top of page

Bakit Kailangan Humingi sa Pangalan ni Jesus?



Juan 16:22-24


22 “Gayundin naman, nalulungkot kayo ngayon, ngunit muli ko kayong makikita, at mag-uumapaw sa inyong puso ang kagalakang hindi maaagaw ninuman.


23 Sa araw na iyon, hindi na ninyo kailangang humingi sa akin. Pakatandaan ninyo: anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ibibigay niya sa inyo.


24 Hanggang ngayo'y wala pa kayong hinihingi sa kanya sa aking pangalan. Humingi kayo, at kayo'y tatanggap upang malubos ang inyong kagalakan.”


Mahilig maglaro ng Roblox ang aking anak. Sa mga hindi nakakaalam kung ano ang Roblox, ito ay isang global platform ng iba’t ibang klaseng laro. Pwede mong makalaro ang kahit sino sa buong mundo.


Pinapanood ko ang bunso ko habang siya’y naglalaro at nakita ko na nag-type siya ng code sa kanyang ipad. Pagkatapos, biglang naging higante ang avatar niya.


Sabi ko, “what did you do?”


Sagot niya, “I used the password to make me bigger.”


Sa edad na apat na taong gulang marunong na siyang gumamit ng mga password sa Roblox. May mga password para makapasok sa mga kuwarto, maging higante, at kung anu-ano pa.


May Password sa Prayer


Juan 16:24


24 Hanggang ngayo'y wala pa kayong hinihingi sa kanya sa aking pangalan. Humingi kayo, at kayo'y tatanggap upang malubos ang inyong kagalakan.”


Sabi sa Bible, may password din sa panalangin para dinggin ng Diyos ang ating mga dasal. Ang password na ito ay ang ang pangalan ni Jesus.


Kaya naman tuwing magdadasal tayo, tapusin natin ang ating panalangin sa mga salitang,


“Ito ang aking panalangin, sa matamis na pangalan ni Hesus, amen.”


O kaya,


“This I pray, in the mighty name of Jesus, amen.”


Matutupad Lahat


2 Corinto 12:7-10


7 Ngunit upang hindi ako magyabang sa dami ng kamangha-manghang mga bagay na nasaksihan ko, ako'y binigyan ng pahirap sa aking katawan na nagsisilbing sugo ni Satanas upang pahirapan ako, at nang sa gayo'y hindi ako maging palalo.


8 Tatlong beses kong idinalangin sa Panginoon na alisin ito, ngunit 9 ganito ang kanyang sagot, “Ang kagandahang-loob ko ay sapat na para sa iyo, sapagkat lubusang nahahayag ang aking kapangyarihan kapag ikaw ay mahina.” Kaya't buong galak kong ipagmamalaki ang aking mga kahinaan upang manatili sa akin ang kapangyarihan ni Cristo.


10 Alang-alang kay Cristo, ako'y may kasiyahan sa gitna ng mga kahinaan, mga pagkutya, mga kahirapan, pag-uusig at kagipitan. Sapagkat kapag ako ay mahina, doon ako nagiging malakas.


Gaya ng sabi ni Apostol Pablo sa 2 Corinto 12:7-10, hindi ibig sabihin na kapag humingi tayo sa pangalan ni Jesus ay makukuha na natin ang lahat ng gusto natin. May hierarchy o sistema pa rin na masusunod. Hindi ibibigay ng Diyos ang mga bagay na makapapahamak at makapipigil sa Kanyang plano para sa atin.


Kaya naman ipanalangin natin na ipaalam ng Diyos sa atin ang Kanyang plano sa ating buhay. Ipanalangin natin na magkaroon tayo ng mapagkumbaba na puso para matanggap ang Kanyang nais para sa atin. Hilingin natin ang mga bagay na ito sa pangalan ni Jesus.


In Summary


Tutuparin ni Jesus ang lahat ng hilingin natin sa Kanyang pangalan kung ito ay makakabuti para sa atin.


Tapusin natin ang ating mga panalangin sa pagsambit ng pangalan ni Jesus.


Prayer of Salvation


Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.


"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ni Jesus, amen."


Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.


Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.

Single Post: Blog_Single_Post_Widget
bottom of page