
Roma 5:8
8 Ngunit pinatunayan ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo'y makasalanan pa.
Sa unang linggo ng bagong taon, isang kaibigan na matagal ko nang hindi nakikita ang biglang tumawag sa akin. Sabi niya, nais daw niyang dumaan sa aming bahay para magbigay ng regalo, pero hindi raw niya alam ang aking address.
Ibinigay ko ang aking address at sinabi ng aking kaibigan kung anong oras siya dadaan. Nag-panic mode naman ako dahil hindi ko inaasahan na magkikita kami at wala akong inilaan na regalo para sa kanya. Mabuti na lang, mayroong extrang pang regalo ang aking asawa noong pasko.
Maayos kong hinarap ang aking kaibigan at masaya kaming nagpalitan ng regalo.
Bakit Awkward?
Bakit nakakailang tumanggap ng regalo ng walang kapalit? Kung tutuusin, kung may kapalit ang regalo, hindi na ito regalo kung hindi sweldo, gantimpala o barter.
Ganito rin ang pakiramdam natin patungkol sa kabutihan at pagmamahal ng Diyos.
Iniisip natin na ang kabutihan ng Diyos ay may kapalit. Naniniwala tayo na bibiyayaan lang tayo ng Diyos kapag nasusunod natin ang mga utos Niya.
Iniisip natin na may blessing lang kapag nagbigay tayo sa church at sa mga nangangailangan, may kapatawaran lang kapag nakapag patawad tayo, at may kapayapaan lang kapag nagbabasa tayo ng Bible.
Si Jesus ang Naunang Lumapit
Lucas 19:10
10 Ang Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang naligaw.
Sabi sa Lucas 19:10, nagpunta si Jesus sa mundo upang hanapin tayo. Hindi sinabi na pumunta si Jesus para maghintay sa atin. Siya ang unang lumapit at nagmahal sa atin.
Tanggapin Natin ang Grasya
Roma 11:6
6 At kung iyon ay dahil sa kanyang kagandahang-loob, maliwanag na iyon ay hindi dahil sa gawa, sapagkat kung ang ginawa ng tao ang batayan, hindi na iyon masasabing kagandahang-loob.
Matuto tayong tanggapin na ang pagmamahal at kabutihan ng Diyos ay walang kapalit. Lumapit tayo sa Diyos kahit pakiramdam natin na napakasama natin. Maniwala tayo na naririning ng Diyos ang ating mga dasal at hinaing kahit na marami tayong pagkukulang sa Kanya.
In Summary
Walang kondisyon ang biyaya at pagmamahal ng Diyos. Huwag tayong mahiyang kumapit sa Panginoon. Manampalataya tayo na patuloy nating mararanasan ang kabutihan ng Diyos kahit na marami tayong pagkakamali.
Prayer of Salvation
Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.
"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ng Jesus, amen."
Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.
Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.