
Juan 11:4
4 Nang marinig ito ni Jesus ay sinabi niya, “Hindi niya ikamamatay ang sakit na ito. Nangyari iyon upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito'y maparangalan ang Anak ng Diyos.”
Ang dami ng kwento tungkol sa buhay Kristiyano.
Halimbawa na lang ang kwento ng kaibigan kong mag-sawa na sina Lisa at Ben (hindi totoong pangalan). Matagal ng ipinagdarasal nina Lisa at Ben na magka-anak at pagkatapos ng matagal na paghihintay, nabuntis din si Lisa.
Sinunod ng mag-asawa ang lahat ng nakasulat sa mga libro tungkol sa pagbubuntis, pero naging ectopic pregnancy ang kaso ni Lisa. Ectopic pregnancy ang tawag kapag ang fetus ay nabuo sa labas ng uterus. Hindi mabubuhay ang fetus sa labas ng uterus at kailangang operahan ang ina para tanggalin ang fetus. Kung hindi, mamatay ang ina. Inayos na nina Lisa at Ben ang operasyon at aabutin ng Php 100,000 ang gastusin.
Nagbago ang isip ni Lisa tungkol sa operasyon. Gusto niyang maging ina at nananampalataya siya na kayang baguhin ng Diyos ang kanyang sitwasyon.
Kinuha ni Lisa ang Php 100,000 na pambayad sa ospital at ibinigay ito sa simbahan.
Nang magpa check-up si Lisa, normal na ang kanyang pregnancy. Napuno ng saya ang mga puso ng mag-asawa.
Tinanong ko si Lisa kung bakit niya naisip na ibigay ang Php 100,000 sa simbahan. Sabi niya dahil matagal na niyang hawak ang pera na iyon at mas pinahalagahan niya ang kanyang ipon kaysa sa Diyos. Naisip niyang ibigay sa Diyos ang perang naging pinaka mahalaga sa kanya para mailigtas ang kanyang baby.
Ito pa ang isang kwento.
Si John at si Gail (hindi totoong pangalan) ay may apat na anak at ang kanilang pamilya ay sobrang aktibo sa church. Ang kanilang bunso na si Janice ay limang taong gulang at isa sa pinaka makulit na bata na nakilala ko. Si Janice ay maganda, matalino at sobrang likot. Mahal na mahal ng mag-asawa si Janice.
23 December, habang inaayos ng mag-asawa ang mga regalo sa ilalim ng Christmas tree, sinumpong ng asthma si Janice. Agad na ginamit ng mag-asawa ang inhaler, pero hindi nagbago ang paghinga ni Janice. Tumawag sila sa hotline para maturuan ng first aid at para mapuntahan ng paramedic. Bago pa makarating ang paramedic sa kanilang bahay, pumanaw na si Janice.
Isang maganda, matalino, malikot, masaya, malusog at masiglang bata ang namatay sa hindi maipaliwanag na pangyayari dalawang araw bago mag Pasko.
Hindi Maintindihan
Bakit nga ba ang hirap mainitindihan ng plano ng Diyos?
Bakit may mga dasal na natutupad at may hindi?
Isaias 55:8-9
8 Ang sabi ni Yahweh,
“Ang aking kaisipa'y hindi ninyo kaisipan,
ang inyong kaparaanan ay hindi ko kaparaanan.
9 Kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa lupa,
ang aking kaparaanan ay higit kaysa inyong kaparaanan,
at ang aking kaisipan ay hindi maaabot ng inyong kaisipan.
Kailangan nating tanggapin na hindi natin lubos na maiintindihan ang gawain ng Diyos. Ito ang alam natin, sabi sa Juan 11:4, nangyayari ang mga bagay para maparangalan ang Diyos.
Mabuti Ba ang Diyos?
Nahum 1:7
7 Si Yahweh ay napakabuti;
matibay na kanlungan sa panahon ng kaguluhan.
Mga nananalig sa kanya'y kanyang inaalagaan.
Mabuti ang Diyos. Gaya ng nabasa natin sa itaas, hindi lang natin lubos na maintindihan ang kanyang mga galaw at plano.
Kung iisipin natin, karapat-dapat bang sambahin ang Diyos kung lubos natin Siyang nauunawaan?
Bakit May Pagsubok?
Santiago 1:2-4
2 Mga kapatid, magalak kayo kapag kayo'y dumaranas ng iba't ibang uri ng pagsubok. 3 Dapat ninyong malaman na nagiging matatag ang inyong pananampalataya sa pamamagitan ng mga pagsubok. 4 At dapat kayong magpakatatag hanggang wakas upang kayo'y maging ganap at walang pagkukulang.
Sabi sa Bible, dapat tayong matuwa kapag humaharap tayo ng pagsubok dahil pinapalakas at pinapatatag tayo ng mga ito.
Opinyon Ko
Mabuti ang Diyos. Maraming bagay ang mahirap ipaliwanag pero mabuti pa rin ang Diyos sa lahat ng oras.
May mga pagsubok sa buhay pero ito ay para sa ating personal development.
Ang pagtupad o hindi pagtupad sa panalangin ay nakadepende kung ikararangal ito ng Diyos.
Ang kamatayan ay hindi masama base sa ating pananampalataya. Ang kamatayan ay ang gantimpala natin dahil mapupunta tayo sa langit.
Ayon sa Bible, may gantimpala ang pagdurusa. Pwede natin itong makuha dito sa lupa at syempre pa sa langit.
Patuloy tayong magpakumbaba at magtiwala sa plano ng Diyos para sa atin.
Jeremias 29:11
11 Sapagkat batid kong lubos ang mga plano ko para sa inyo; mga planong hindi ninyo ikakasama kundi para sa inyong ikabubuti. Ito'y mga planong magdudulot sa inyo ng kinabukasang punung-puno ng pag-asa.
Prayer of Salvation
Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.
"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ni Jesus, amen."
Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.
Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.