
Ang Bibliya ay mapaghimala at kahanga-hanga. Ikinukuwento ng Bible ang tungkol sa relasyon ng Diyos at ng sangkatauhan. May kapangyarihan ang Bibliya na magdala ng katatagan sa ating buhay na binubulabog ng kaguluhan. Kaya lang mayroon itong flip side, dahil makapangyarihan ang Bibliya, kaya rin nitong sumira ng buhay.
Kaya naman nais kong pag-usapan natin kung paano basahin ang Bibliya sa tamang paraan upang magamit natin ito sa pagtulong at hindi sa pagwasak ng buhay.
Ito ang puntong tatalakayin natin sa devotional story na ito: Hindi dapat pagpilian ang mga verses sa Bible.
Kailangan tanggapin lahat ng nasusulat sa Bible. Hindi maaring kuhanin lamang natin ang mga verses na nagpapatunay sa mga bagay na gusto nating paniwalaan.
Pahayag 22:18-19
18 Binabalaan ko ang sinumang nakikinig sa mga salita ng propesiya ng aklat na ito: sinumang magdagdag sa mga ito, idadagdag ng Diyos sa kanya ang mga salot na nakasulat sa aklat na ito; 19 at sinumang magbawas mula sa mga salita ng aklat ng propesiyang ito, babawasin ng Diyos ang kanyang bahagi sa puno ng buhay at sa banal na lungsod, na nakasulat sa aklat na ito.
Seryoso ang Panginoon tungkol sa tamang paggamit ng Bible kung kaya’t makikita natin na may banta para sa mga taong gagamit ng Bible sa maling kaparaanan. Uulitin ko, hindi puwedeng pipili lang tayo ng verses na susuporta sa mga gusto nating paniwalaan. Lahat ng teksto sa Bibliya ay mahalaga.
Isang Halimbawa
Bigyan ko kayo ng example ng maling pagpipili ng verses sa Bible.
Napakalaking kontrobersya sa simbahan ang pagkakaroon ng tattoo noon. Marami ang nagsasabi na ito ay masama at walang Christian ang dapat na magpa-tattoo. Ito ang paboritong verse na ginagamit bilang pagpapatunay na mali ang magpa-tattoo:
Levitico 19:28
28 Huwag kayong maghihiwa sa katawan dahil sa isang namatay ni maglalagay ng tatú. Ako si Yahweh.
Tama naman. Totoong nakasulat ito sa Bible. Ang problema ay pinipili lamang natin ang mga verses na sumasang-ayon sa ating paniniwala. Napakaraming utos na nakasulat sa Leviticus 19 pero ang pagkakaroon lamang ng tattoo ang binigyang pansin.
Levitico 19:19
19 “Sundin ninyo ang aking mga tuntunin. Huwag ninyong palalahian ang hayop na inyong alaga sa hayop na di nito kauri. Huwag din kayong maghahasik ng dalawang uri ng binhi sa isang bukid. Huwag kayong magsusuot ng damit na yari sa dalawang uri ng sinulid.
Isang bagay na pinagbabawal sa Leviticus 19:19 ay ang pagsusuot ng mixed fabric gaya ng cotton/polyester, nylon/wool, polyester/cotton, at cotton/lycra. Pero wala kang makikitang Christian na tumitingin sa mga tags ng damit para batikusin ang gumagamit ng mixed fabrics.
Masamang Epekto
Ang pagpipili ng mga verses sa Bible ay mayroong masamang epekto. Napakaraming namatay para sa misyon ng The Crusades, marami ang naging alipin sa US, at patuloy na minamaliit ang kakayanan ng kababaihan dahil lamang sa pinipili ang mga verses sa Bible at ginagamit ito ng walang konteksto.
Dapat maging responsible ng mga Christians sa paggamit ng Bible
Ang Bagong Tipan
Wala tayong panahon para talakayin ang tamang konteksto sa paggamit ng Bible kung kaya’t pag-usapan natin ang bago at lumang tipan.
Ang lumang tipan ay mula Genesis hanggang Malachi, at ang bagong tipan naman ay mula Matthew hanggang Revelations.
Ang luma at bagong tipan ay tinatawag ding luma at bagong kontrata. Sinasabi sa lumang tipan o lumang kontrata kung paano makitungo ang ang Diyos sa sangkatauhan bago dumating si Kristo. Binibigyang linaw rin ng lumang tipan kung bakit kailangan magkatawang-tao ni Jesus para sa mailigtas ang mga tao.
Nagsimula naman ang bagong tipan o bagong kontrata noong dumating si Jesus sa ating mundo. Sinasabi sa bagong tipan na kailangan lamang nating manampalataya kay Kristo kung nais nating maligtas mula sa impiyerno at magtungo sa langit.
Mateo 5:17
17 “Huwag ninyong akalaing naparito ako upang pawalang-saysay ang Kautusan o ang sinulat ng mga propeta. Naparito ako hindi upang ipawalang-saysay kundi isakatuparan ang mga ito.
Ang lahat ng kautusan na nakasulat ay sinunod na ni Jesus para sa atin. Kaya naman wala ng kapangyarihan ang kautusan sa mga Christians. Nananampalataya tayo na ginampanan na ni Jesus ang mga obligasyon natin. Ang natitira na lamang na dapat nating sundin ay manampalataya kay Jesus bilang Diyos at tagpagligtas.
Masasabi natin ng bilang Christians, nasa ilalim na tayo ng bagong kontrata. Wala nang bisa ang lumang kontrata sa atin.
In Summary
Gusto kong ipaalala sa lahat na ang Bible ay ibinigay sa atin ng Diyos para tayo ay lumago at magkaroon ng inspirasyon. Dapat nating gamitin ang Bible para palakasin ang bawat isa sa pananampalataya at ikalat ang pagmamahal ng Diyos sa sanlibutan.
Huwag nating gamitin ang Bible para manira o manghusga ng kapwa, lalo na kung pipili lamang tayo ng verses na susuporta sa ating nais sabihin kahit na nawawala na tayo sa konteksto.
Mahalaga pa rin ang lumang tipan dahil napakaraming lessons ang makukuha natin mula rito. Napakarami ring pangako na maari nating asahan dahil nga tinupad na ito ni Kristo. Gayun pa man, tayo ay nabubuhay na sa bagong tipan at nailigtas tayo dahil sa ating pananampalataya kay Jesus at hindi dahil sa kaya nating sundin ang mga kautusan.
Prayer of Salvation
Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.
"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ng Jesus, amen."
Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.
Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.
Kung may gusto kang i-share tungkol sa ating devotional story, mag-comment ka o kaya mag-send ng message sa akin. God bless you!