top of page

Bakit Gusto Kong Malaman ang Mangyayari?



Mga Gawa 1:7-8


Sumagot si Jesus, “Ang mga panahon at pagkakataon ay itinakda ng Ama sa kanyang sariling kapangyarihan, at hindi na kailangan pang malaman ninyo kung kailan iyon.


Subalit tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at sa Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig.”


Naalala ko noong una kong napanood ang Squid Games. Halos tapusin ko ang buong series ng isang upuan.


Bumilib ako sa paraan ng pagtapos nila sa bawat episode. Hindi pwedeng hindi mo mo makita ang kasunod.


Ang paborito kong ending ay yung episode na may tug of war. Ipinakita sa episode na iyon kung paano naging dehado ang mga bida. Ipinaliwanag ding mabuti ang plano ng mga bida para manalo. Tapos, noong oras na ng laro, sa pagkakataon na gagawin na ng mga bida ang kanilang diskarte, saka naman tinapos ang episode.


Syempre, pinanood ko yung kasunod.


Gusto Kong Malaman


Marami ang katulad ko na hindi mapakali kapag hindi nalalaman kung ano ang mangyayari. Minsan, masaya dahil nakakaramdam ka ng kagalakan at excitement. Minsan, malungkot dahil napupuno tayo ng stress at anxiety.


Sabi sa Mga Gawa 1:7, hindi natin malalaman kung ano ang mangyayari. Diyos lamang ang nakakaalam. Ang pinakamaganda nating gawin ay mag handa at mag plano. Hindi makakatulong kung tayo ay mag-aalala ng lubos. Huwag ding kalimutan na magdasal.


Magtiwala sa Diyos


Jeremias 29:11


11 Sapagkat batid kong lubos ang mga plano ko para sa inyo; mga planong hindi ninyo ikakasama kundi para sa inyong ikabubuti. Ito'y mga planong magdudulot sa inyo ng kinabukasang punung-puno ng pag-asa.


Kailangan nating magtiwala sa Diyos. Hindi man natin alam kung ano ang mangyayari sa lahat ng bagay at panahon, makasisiguro naman tayo na mabuti ang Diyos at maganda ang plano Niya para sa atin.


Sabi rin sa sa Mga Gawa 1:-8, bibigyan tayo ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu upang magawa ang lahat ng bagay na nais sa atin ng Panginoon.


In Summary


Hindi natin alam kung ano ang mangyayari sa ating buhay. Diyos lamang ang nakakaalam ng lahat.


Magtiwala tayo na maganda ang plano ng Diyos para sa atin at bibigyan Niya tayo ng lakas para makuha natin ang mga bagay na labis na magpapasaya sa atin.


Prayer of Salvation


Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.


"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ni Jesus, amen."


Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.


Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.

Single Post: Blog_Single_Post_Widget
bottom of page