
Mga Taga-Roma 5:3-5
Hindi lamang iyan. Ikinagagalak din natin ang mga kahirapang ating tinitiis, dahil alam nating ito'y nagbubunga ng pagtitiyaga. At ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng katatagan, at ang katatagan naman ay nagbubunga ng pag-asa.
At hindi tayo binibigo ng pag-asang ito sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos na sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob sa atin ng Diyos.
Nag-compose ako ng isang worship song at unang beses kong gumawa ng musical arrangement. Gumamit ako ng maraming instrumento. May tatlong klase ng ng gitara, bass at keyboards. May synthesizer, drums, at strings ensemble.
Excited ako ng matapos ko ang areglo pero para siguradong malinis ang tugtog, ipinadinig ko sa aking anak ang aking nagawa. Napansin niya na medyo huli ang pasok ng cello sa solo at malakas ang tunog ng duet ng violin sa pre-chorus.
Naintindihan ko ang kanyang feedback. Mabuti nga na narinig niya dahil pangit naman kung mag-release ako ng awit para sa Diyos na hindi ko binigay ang aking 100%. Pero tinanong ko ang aking sarili kung bakit ang hirap gumawa ng isang magandang tugtog para sa Panginoon.
Naisip ko tuloy kung bakit kailangang dumanas ng hirap sa ministry. Isipin mo, ginagawa mo na ang layunin ng Diyos pero humaharap ka pa rin sa pagsubok. Kadalasan mabigat na pagsubok pa ang iyong haharapin. Parang gusto mo na tuloy sumuko, baka naman kasi mas magiging masaya ang buhay mo kung hindi ka na maglilingkod sa Diyos.
Ayokong i-discourage ka sa iyong ministry kaya naman sabay tayong mag-reflect kung bakit tayo naglilingkod sa Diyos.
Bakit Ako Naglilingkod sa Diyos?
Naalala ko noong hindi pa ako naglilingkod sa Diyos. Iba ang pananaw ko sa buhay. Kailangan kong gawin ang lahat ng gusto ko para maging masaya.
Kaya naman nalulong ako sa bisyo. Umikot sa babae, alak, at droga ang buhay ko. Pero kapag nagbabalik tanaw ako, hindi ako masaya noong mga panahon na iyon. Ginagawa ko ang lahat ng akala kong magpapasaya sa akin base sa sinasabi ng mga tao, pero hindi ako naging masaya.
Lagi kong tinatanong kung may halaga ba ang buhay ko? Pilit kong iniisip kung ano ba ang purpose ng aking buhay? Nabubuhay ako sa kalungkutan bago ko nakilala si Jesus.
Nang makilala ko si Jesus, nadama ko ang Kanyang pag-ibig. Minahal ako ng Panginoon kahit na sarili ko lang ang iniisip ko. Nagkaroon ako ng kapayapaan sa aking puso. Nakadama ako ng kaligayahan.
Bigla na lang din akong nagkaroon ng pagnanais na maglingkod pagkatapos kong tanggapin si Kristo bilang Panginoon. Gusto kong ikalat sa mundo ang pag-ibig ng Diyos. Gusto kong sabihin sa lahat ng tao na mahal tayo ng Diyos kahit pa napakasama ng tingin natin sa ating mga sarili. Pwede nating tanggapin ang kapayapaan at kaligayahan na nagmumula sa Diyos.
Nagkaroon din ako ng pagnanais na makasama ang mga tao na pareho ng aking pananampalataya. Masaya na pinag-uusapan ang mga bagay na tungkol kay Jesus. Kahit na nakakapagod ang mga gawain sa ministry, makikita sa bawat isa na masaya silang naglilingkod sa Diyos.
Dahil kay Jesus at gawain sa ministry, nasagot ang tanong kung bakit ako nabuhay. Nalaman ko ang aking purpose sa mundo. Ako ay nilikha upang sumamba sa Diyos, ikalat ang kanyang mensahe ng pag-ibig, at gumawa ng mga awit ng papuri sa Panginoon.
Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin kung hindi ako mananalig sa Diyos. Hindi ko na rin alam kung ano ang gagawin ko sa buhay maliban sa ministry ko. Ayoko nang bumalik sa buhay na walang saysay.
Kung hindi ako maglilingkod sa Diyos, may ibang gawain na papalit sa aking ministry. Kapag nangyari ito, maari akong bumalik sa buhay na walang saysay na puno ng kalungkutan. Pipiliin ko na sumamba at maglingkod sa Panginoon kahit mahirap ang mga pagsubok.
Ikaw? Bakit ka naglilingkod sa Diyos?
Mga Taga-Roma 8:35-39
Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ang kaguluhan kaya, ang kapighatian, pag-uusig, pagkagutom, kahirapan, panganib, o kamatayan?
Ayon sa nasusulat, “Dahil po sa inyo'y buong araw kaming pinapatay, turing nila sa amin ay mga tupang pangkatay.”
Hindi! Sa lahat ng mga ito, tayo'y siguradong magtatagumpay sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin. Sapagkat natitiyak kong walang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig.
Kahit ang kamatayan, ang buhay, ang mga anghel, ang mga pamunuan o ang mga kapangyarihan, ang kasalukuyan o ang hinaharap, ang kataasan, ang kalaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.
Prayer of Salvation
Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.
"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ng Jesus, amen."
Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.
Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.