
Isaias 8:17
17 Maghihintay ako kay Yahweh na tumalikod sa sambahayan ni Jacob; at sa kanya ako aasa.
Kay tagal ko nang Kristiyano pero eto na naman ako, hirap na hirap na naman akong magdasal.
Kung anu-anong mga bagay ang pumapasok sa isip ko. Tinatanong ko ang akong sarili, “Totoo ba ang Diyos?”
Sasagutin ko rin naman, “Syempre totoo ang Diyos.”
“Eh si Jesus, totoo ba?
“Oo, totoo si Jesus.”
“Eh bakit hindi pa natutupad ang mga pangarap mo? Panay naman ang dasal mo sa Kanya?”
Tapos mapapaisip ako. Totoo nga ba si Jesus? Pilit kong kukumbinsihin ang sarili ko na totoo nga ang aking pinanampalatayanan na Diyos.
Kapag Masaya
Nakakatawa na nakakaramdam ako ng pagdududa sa aking pananampalataya ngayong maayos na maayos ang aking sitwasyon. Walang problema sa trabaho, may panahon ako sa sports, musika, mga kaibigan, at hindi nagigipit sa mga bagay na pinansyal.
Kahit mabuti ang kalagayan ko ang hirap magdasal. Ang hirap buksan ng Bible. Mas mabuti pa ang mag-Twitter o FB.
Kapag Malungkot
Naaalala ko noong nakipaglaban ako sa depression. Halos buong araw akong nagdadasal. Nagmamakaawa ako sa Diyos na tulungan ako sa aking kalagayan. Sinagot naman ng Diyos ang panalangin ko.
Madalas din akong magdasal noong sumumpong ang aking tennis elbow. Napakasakit ng aking braso, likod at leeg. Halos buong araw din akong nagdadasal noong mg panahong iyon. Sinagot din ng Panginoon ang aking panalangin.
Hindi ko alam kung bakit nagdududa ako sa kabutihan ng Diyos kahit na napakaraming beses na Niyang pinatunayan sa akin ang Kanyang pagmamahal.
Consistency
Kaya mga kaibigan, hinihikayat ko kayo, kasama ko, na maging consistent sa ating pananampalataya.
Kahit mahirap, pilitin nating magdasal, magbasa ng Bible at magsimba.
Sa panahon ng kagalakan, huwag kalimutan na magpasalamat. Sa panahon ng kalungkutan, umiyak at humingi ng tulong sa Diyos.
Ang ating Diyos ay hindi nagbabago, at walang katumbas at katapusan ang Kanyang pagmamahal.
Mga Awit 23
23 Si Yahweh ang aking pastol, hindi ako magkukulang;
2 pinapahimlay niya ako sa luntiang pastulan,
at inaakay niya sa tahimik na batisan.
3 Pinapanumbalik ang aking kalakasan,
at pinapatnubayan niya sa tamang daan,
upang aking parangalan ang kanyang pangalan.
4 Dumaan man ako sa madilim na libis ng kamatayan,
wala akong katatakutan, pagkat ika'y aking kaagapay.
Ang tungkod mo at pamalo, aking gabay at sanggalang.
Mga Tanong
May panahong bang nagdududa ka na totoo ang Diyos?
Ano ang ginagawa mo para muling manumbalik ang pananampalataya mo sa Diyos?
Prayer of Salvation
Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.
"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ni Jesus, amen."
Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.
Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.