top of page

Ano ang Reaksyon ni Kristo sa Malungkot na Pangyayari?



Roma 5:3-5


3 Hindi lamang iyan. Ikinagagalak din natin ang mga kahirapang ating tinitiis, dahil alam nating ito'y nagbubunga ng pagtitiyaga. 4 At ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng mabuting pagkatao, at ang mabuting pagkatao ay nagbubunga ng pag-asa. 5 At hindi tayo binibigo ng pag-asang ito sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos na sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob sa atin.


Naalala ko noong na-reject ako sa isang promotion na sa tingin ko ay nararapat para sa akin. Hindi ako nag-iisa sa paniniwalang ito. Ganito rin ang iniisip ng mga kasama ko sa team at mga katrabaho sa kompanya.

Kaya naman nang hindi ko nakuha ang promotion, nawalan ako ng ganang magtrabaho. Nahirapan akong ibalik ang aking motibasyon. Nahuli ako sa aking action plan at nakagawa ako ng mga pagkakamali. Para kong pinatunayan na hindi ako karapat-dapat na ma-promote.


Naisip ko tuloy kung paano mag-react si Jesus kapag may masamang bagay na nangyari sa Kanya. Siguradong maayos ang Kanyang reaksyon kaya may matutunan tayo sa Kanyang karanasan. Nakita ko ang istoryang ito sa aklat ng Mateo 14:1-21.


Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo


Pinakulong ni Herodes si Juan Bautista dahil pinagbawalan ni Juan si Herodes na ipagpatuloy ang relasyon nito sa asawa ng kanyang kapatid. Gusto ring ipapatay ni Herodes si Juan pero natakot siya sa mga Judio dahil propeta ang turing ng mga Judio kay Juan.


Sumapit ang kaarawan ni Herodes at sumayaw ang dalagang anak nila ni Herodias sa pagtitipon. Tuwang-tuwa si Herodes sa pagtatanghal ng kanyang anak kaya naman sumumpa siya na ibibigay niya sa dalaga ang kahit anong hilingin nito.


Inutusan ni Herodias na hilingin ng dalaga ang ulo ni Juan at ilagay sa isang pinggan.


Hindi na nakatanggi si Herodes dahil sumumpa siya sa harap ng kanyang mga panauhin, kaya naman pinapugutan niya si Juan sa loob ng bilangguan, inilagay ang ulo sa pinggan, at ibinigay ito sa dalaga. Ibinigay naman ng dalaga ang ulo ni Juan kay Herodias.


Inayos ng mga alagad ni Juan ang bangkay nito, at ibinalita kay Jesus ang pangyayari.


Ang Reaksyon ni Jesus


Mateo 14:13-21


13 Nang marinig ni Jesus ang pagkamatay ni Juan, sumakay siya sa isang bangka at pumunta sa isang lugar na walang tao. Ngunit nang mabalitaan naman iyon ng mga tao, sila'y naglakad papalabas sa kani-kanilang bayan at sinundan si Jesus. 14 Pagdating ni Jesus sa dalampasigan, nakita niya ang napakaraming taong iyon. Nahabag siya sa kanila at pinagaling niya ang mga maysakit na dala nila.


15 Nang dapit-hapon na'y lumapit sa kanya ang mga alagad. Sinabi nila, “Malapit na pong lumubog ang araw at liblib ang lugar na ito. Papuntahin na po ninyo sa mga kalapit na nayon ang mga tao upang makabili ng kanilang makakain.”


16 “Hindi na sila kailangang umalis. Bigyan ninyo sila ng makakain,” sabi ni Jesus.


17 Sumagot sila, “Wala po tayong pagkain kundi limang tinapay lamang at dalawang isda.”


18 “Dalhin ninyo rito,” sabi niya. 19 Pinaupo niya sa damuhan ang mga tao. Kinuha ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pinaghati-hati niya ang mga tinapay at iniutos sa mga alagad na ipamahagi iyon sa mga tao. 20 Nakakain at nabusog ang lahat. Nang ipunin ng mga alagad ang natirang pagkain, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing ng tinapay. 21 May limanlibong lalaki ang nakakain, bukod pa sa mga babae at mga bata.


Ano ang Aral sa Reaksyon ni Jesus?


Base sa Mateo 14:13-21 ito ang naging reaksyon ni Jesus sa pagkamatay ni Juan:


  • Maging mahabagin

  • Maging matulungin

  • Maging mapagbigay


Maging mahabagin


Colosas 3:12-13


12 Kaya nga, dahil kayo'y hinirang ng Diyos, minamahal niya at pinili para sa kanya, dapat kayong maging mahabagin, mabait, mapagpakumbaba, mahinahon, at mapagtiis. 13 Magpasensiya kayo sa isa't isa. Kung may hinanakit kayo kaninuman, magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon.


Nalungkot si Jesus ng mamatay ang kanyang pinsan na si Juan. Ninais Niya na mapag-isa pero ng sinundan Siya ng mga tao na nangangailangan ng tulong. Hindi na inisip ni Jesus ang sariling kagustuhan. Nahabag Siya sa mga taong naghahanap sa Kanya.


Kung tutuusin pwedeng sabihin ni Jesus na bukas na lang dahil namatayan Siya ng mahal sa buhay, pero mas inisip Niya ang kapakanan ng ibang tao kaysa sa Kanyang sarili.


Gayahin natin si Kristo. Kapag may nanakit sa atin, maging mahabagin tayo at isipin natin na may dahilan kung bakit nagawa nila ang mga bagay na nakasakit sa atin. Tandaan na kapag tayo ay nabubuhay ng may habag at pag-ibig, ipaglalaban at poprotektahan tayo ng Diyos.


Kapag may masamang nangyari sa atin, buksan natin ang ating isip sa plano ng Diyos sa ating buhay. Marahil mahirap ang sitwasyon at hindi natin maintindihan kung bakit ito nangyari, isipin natin na magiging maayos din ang lahat sa tulong at gabay ng Diyos.


Maging matulungin


Mga Hebreo 13:16


16 At huwag nating kaligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pagtulong sa kapwa, sapagkat iyan ang alay na kinalulugdan ng Diyos.


Kahit na namatayan at nagnanais na mapag-isa, pinili pa rin ni Jesus na tulungan ang mga taong lumapit sa Kanya.


Tulad ni Kristo, piliin rin nating tumulong sa ating kapwa kahit na dumaranas tayo ng pagsubok. Sabi sa Hebreo 13:16, nalulugod ang Diyos kapag tumutulong tayo sa kapwa kaya naman siguradong makakatanggap tayo ng pagpapala kapag handa tayong tumulong.


Alam din natin na masarap sa pakiramdam kapag nakakatulong tayo sa ating pamilya, kaibigan at kahit ibang tao. May galak at kapayapaan na bumabalot sa ating puso.


Maging mapagbigay


2 Corinto 9:7


7 Ang bawat isa'y dapat magbigay ayon sa kanyang pasya, maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang, sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay nang may kagalakan.


Nais ng pauwiin ng mga alagad ni Jesus ang mga tao dahil gumagabi na at wala silang mapapakain sa mga ito. Pero sa halip na paalisin ang mga tao, pinili ni Jesus na pakainin ang mga ito.


Gaya ni Jesus, piliin nating maging mapagbigay kahit na dumaranas tayo ng pagsubok. Kahit maliit na bagay o kaunting tulong lang ay espesyal sa paningin ng ating panginoon.


In Summary


Hindi natin maiiwasan ang mga malulungkot na sitwasyon at mahihirap na pagsubok, pero kaya nating baguhin ang ating reaksyon sa mga ito.


Piliin nating maging mahabagin, matulungin at mapagbigay kahit na dumaranas tayo ng pagsubok dahil ito ang halimbawa ni Jesus para sa atin.











Single Post: Blog_Single_Post_Widget
bottom of page