top of page

Ano ang mga Gabay Natin sa Biyahe ng Buhay?





1 Corinto 13:1-13


1 Kung makapagsalita man ako ng mga wika ng mga tao at ng mga anghel, wala naman akong pag-ibig, ako'y nagiging isang maingay na pompiyang, o batingaw na umaalingawngaw.


2 Kung mayroon man akong kaloob ng propesiya at nauunawaan ko ang lahat ng mga hiwaga at ang lahat ng mga kaalaman, at taglayin ko man ang lahat ng pananampalataya upang mapalipat ko ang mga bundok, ngunit wala naman akong pag-ibig, ako ay walang kabuluhan.


3 Kahit ipamigay ko pa ang lahat ng aking ari-arian, at ibigay ko ang aking katawan upang sunugin, ngunit wala naman akong pag-ibig, wala itong pakinabang sa akin.


4 Ang pag-ibig ay matiyaga at mabait; hindi mapanibughuin, hindi mapagmalaki o mayabang; 5 hindi magaspang ang asal; hindi nag-iisip para sa sariling kapakanan, hindi mayayamutin, hindi nagbibilang ng kamalian. 6 Hindi ito nagagalak sa kasamaan, kundi nakikigalak sa katotohanan.


7 Ang pag-ibig ay nagtitiis sa lahat, nagtitiwala sa lahat, may pag-asa sa lahat at may tiyaga sa lahat.


8 Ang pag-ibig ay walang katapusan. Ngunit maging ang mga propesiya ay matatapos; maging ang iba't ibang wika ay titigil; maging ang kaalaman ay lilipas.


9 Sapagkat bahagi lamang ang ating nalalaman at bahagi lamang ang ipinahahayag nating propesiya; 10 ngunit kapag ang lubusan ay dumating na, lilipas na ang bahagi lamang.


11 Nang ako'y bata pa, nagsasalita ako tulad ng isang bata, nag-iisip ako tulad ng isang bata, nangangatwiran ako tulad ng isang bata. Nang sumapit na ako sa hustong gulang ay tinalikuran ko na ang mga bagay ng pagkabata.


12 Sapagkat malabo pa ang ating nakikita sa salamin, ngunit pagkatapos nito ay makakakita tayo nang mukhaan.


Ang nalalaman ko ngayon ay bahagi lamang, ngunit pagkatapos ay lubos akong makauunawa kung paanong ako ay lubos na nauunawaan.


13 Samantala, nananatili ang tatlong ito: pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.


Ang aking ama ay isang OFW. Naalala ko noong ako ay bata pa, dinadala kami ng aking tatay sa simbahan ng Manaoag tuwing umuuwi siya sa Pilipinas. Sinabi niya sa akin na panata niya ang pilgrimage sa Manaoag.


Ang pilgrimage ay isang paglalakbay patungo sa isang banal na lugar.


Bilang Christian, masasabi natin ang buhay natin ay isang pilgrimage at langit ang ating destinasyon. Sa pilgrimage ng buhay, unti-unti nating nakikilala ang Panginoong Hesus.


Mahirap at mahaba ang pilgrimage patungong langit. Upang mag tagumpay tayo sa ating paglalakbay, dapat magkaroon tayo ng mga gabay habang tayo ay nasa daan.


Ito ang ating mga gabay:

  • Pananampalataya

  • Pag-Asa

  • Pag-Ibig


Unang Gabay: Pananampalataya


Santiago 2:21-24


21 Hindi ba't kinalugdan ng Diyos ang ating amang si Abraham dahil sa kanyang mga gawa, nang ihandog niya sa dambana ang anak niyang si Isaac?


22 Dito'y makikita mong magkalakip ang kanyang pananampalataya at kanyang mga gawa, at naging ganap ang pananampalataya dahil sa kanyang mga gawa.


23 Natupad ang sinasabi ng Kasulatan, “Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos, at dahil dito, siya'y itinuring na matuwid,” at tinawag siyang kaibigan ng Diyos.


24 Dito ninyo makikita na ang tao'y itinuturing na matuwid dahil sa kanyang mga gawa at hindi dahil sa kanyang pananampalataya lamang.


Ito ang mga katagang binibigkas ni Michael araw-araw:


"This is my Bible.

I am what it says I am.

I can do what it says I can do.

Today, I will be taught the Word of God.

I boldly confess:

My mind is alert, My heart is receptive.

I will never be the same.

I am about to receive

The incorruptible, indestructible,

Ever-living seed of the Word of God.

I will never be the same.

Never, never, never.

I will never be the same.

In Jesus name. Amen"


Si Michael ay miyembro ng Lakewood Church, ang church ni Joel Osteen. Sa Lakewood nakilala ni Michael ang kanyang asawa na si Janice. Pareho silang naglilingkod sa simbahan mula pa noong sila’y nasa youth ministry, singles fellowship at hanggang sa married couples fellowship. Kaya naman hindi sila makapaniwala na ang kanilang anak ay mayroong autism.


Nalungkot si Michael at Janice. Buong buhay silang naglingkod sa Diyos pero hindi sila biniyayaan ng normal na anak. Gayunpaman, hindi tumigil sa paglilingkod at pananampalataya ang mag-asawa.


Patuloy na pinagdasal ng mag-asawa ang kanilang anak. Patuloy nilang binibigkas na gagaling ang kanilang anak sa pangalan ni Jesus. Patuloy nilang binabanggit ang mga katagang “This is my Bible, I am what it says I am...”


Lumipas ang isang taon pero walang nangyari. Hindi pa rin nagbago ang pananampalataya ng mag-asawa. Lumipas ang ikalawang taon pero hindi pa rin nila nakakalaro ng maayos ang kanilang anak. Muling nanindigan sa pananampalataya ang mag-asawa. Lumipas ang ikatlong taon pero hindi pa rin nila makausap ang kanilang anak.


Pagdating ng ikapitong taon, nagbago na ang dasal nina Michael at Janice. Mula sa “gagaling ako sa pangalan ni Jesus,” ito’y naging “bakit nangyari sa amin ito Panginoon?”


Isang gabi, bago ang ikawalong taon ng kanilang anak, muling nagtipon ang pamilya ni Michael para magdasal. Bigla na lang nila narinig ang kanilang anak na nag sabi: “This is my Bible, I am what it says I am…”


Naiyak sa kaligayahan si Michael at Janice habang yakap-yakap ang kanilang anak.


Kung nais natin na magkaroon ng pa nananampalataya, dapat nating itong isabuhay. Patuloy na manampalataya sa Diyos kahit parang walang solusyon sa ating mga problema.


Ikalawang Gabay: Pag-asa


Si Brian ay isang mabuting bata. Sa kasamaang-palad, nalulong siya sa masamang bisyo.


Sa simula, iniipon ni Brian ang kanyang baon sa eskwela para makabili ng droga. Di naglaon, ninanakawan na niya ang kanyang magulang para masuportahan ang kanyang bisyo.


Dumating ang panahon na nahuli sa akto ng pagnanakaw si Brian ng kanyang magulang. Takot na takot si Brian dahil napagbantaan siya na ipakukulong kung mahuhuli siyang nagnanakaw.


Laking gulat ni Brian ng ipinagdasal lamang siya ng kanyang magulang at pinayuhan na magbagong-buhay.


Dahil sa kapatawaran na ibinigay ng magulang ni Brian, pinili niyang magpunta sa isang rehabilitation centre.


Isang araw, dinalaw si Brian ng kanyang magulang sa rehabilitation centre. Tinanong ni Brian kung bakit hindi siya ipinakulong ng mga ito. Wika ng kanyang magulang, “kahit na mukhang imposible, hindi kami nawalan ng pag-asa. Alam namin na kaya kang baguhin ng Diyos.”


Ngayon, naglilingkod si Brian sa simbahan at nagbibigay payo sa mga kabataang nalululong sa droga.


Napakahirap kumapit sa pag-asa. Lalo na kung mukhang imposible ang sitwasyon. Pero kung kakapit tayo kay Jesus, Siya ang ating magiging pag-asa. Kay Jesus, walang imposible.


Ikatlong Gabay: Pag Ibig


1 Juan 4:11-12


11 Mga minamahal, yamang lubos tayong iniibig ng Diyos, dapat din nating ibigin ang isa't isa. 12 Walang sinumang nakakita sa Diyos, ngunit kung iniibig natin ang isa't isa, nananatili ang Diyos sa atin, at nagiging ganap sa atin ang kanyang pag-ibig.


Inutusan tayo ng Diyos na mahalin ang isa’t-isa, pero paano ba magmahal?


1 Corinto 13:4-7


4 Ang pag-ibig ay matiyaga at mabait; hindi mapanibughuin, hindi mapagmalaki o mayabang; 5 hindi magaspang ang asal; hindi nag-iisip para sa sariling kapakanan, hindi mayayamutin, hindi nagbibilang ng kamalian.


6 Hindi ito nagagalak sa kasamaan, kundi nakikigalak sa katotohanan. 7 Ang pag-ibig ay nagtitiis sa lahat, nagtitiwala sa lahat, may pag-asa sa lahat at may tiyaga sa lahat.


Kung titingnan natin ang mga katangian ng pagmamahal, makikita natin na hindi natin ito kayang gawin ng buo. Maaring magawa natin ang iba sa mga katangian ng pag-ibig, pero hindi natin ito makukumpleto o magagawa ng tuluy-tuloy sa mahabang panahon.


Kailan ba ako hindi nagyabang? Kailan ba ako nagtiwala ng buung-buo? Kailan ba ako nagtiis ng walang katapusan?


Hindi natin kaya magmahal ng ayon sa nakasaad sa Bible pero ayos lang. Ang ibig sabihin lamang nito ay kailangan natin si Jesus. Hindi natin kaya magmahal ng ayon sa pamantayan ng Diyos pero ang pagmamahal sa atin ng Panginoon ay perpekto.


Kailangan nating manampalataya kay Jesus upang maging gabay natin ang pag-ibig.


Sasablay at sasablay tayo dahil tao lamang tayo, pero hindi tayo mabibigo kung dedepende tayo kay Jesus.


In Summary


Kailangan nating magkaroon ng pananampalataya, pag-asa at pag-ibig upang mag tagumpay sa ating buhay.


Manampalataya tayo kahit na mahirap, matagal at mukhang imposible ang sitwasyon.


Manatili tayong may pag-asa sa puso kahit mukhang walang magbabago.


Kailangan nating magmahalan. Kung natatakot tayo dahil hindi natin kayang umibig ng naayon sa pamantayan ng Panginoon, kumapit tayo kay Jesus. Si Jesus ang magpupuno ng ating kakulangan.


Prayer of Salvation


Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.



"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ng Jesus, amen."



Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.



Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.



Single Post: Blog_Single_Post_Widget
bottom of page