top of page

Ano ang Mahalaga sa Buhay Mo?



Madalas akong nanonood ng mga reels sa Instagram. Nakakaaliw manood ng mga videos ng magaganda, talented, malalakas, at nakakatawang mga tao.


Isa sa mga reels na nakakuha ng atensyon ko ay ang video ni Selina Gomez at Kim Kardashian. Sa mga hindi nakakakilala sa kanila, paki-Google na lang ang kanilang mga pangalan.


Tinanong si Kim sa reel na napanood ko. Ang tanong, ano ang pinakaimpotante sa buhay mo? Isang make-up product ang sinagot ni Kim. Tinanong din si Selina ng parehong tanong. Ang sagot ni Selina ay ang kanyang pamilya.


Iba iba ang mga bagay na pinapahalagahan natin. Para sa ating devotional story ngayon, sagutin natin ang tanong na “ano ang pinakamahalaga sa ating buhay?”


Para matulungan tayo sa pagsagot ng tanong sa itaas, sagutin natin ang mga tanong sa listahan sa ibaba. Maging totoo tayo sa ating sarili sa pagsagot, kahit nakakahiya ang sagot natin, okay lang. Wala namang makakaalam maliban sa Diyos na alam na ang lahat ng bagay. Heto ang mga tanong:


  • Ano ang pinaglalaanan mo ng iyong oras?

  • Ano ang madalas mong pag-isipan?

  • Ano ang nasa isip mo bago ka matulog?

  • Saan napupunta ang pera mo?

  • Kapag nanakawan ang bahay mo, ano ang una mong hahanapin?


Ngayong nasagot mo na ang mga tanong sa listahan, balikan natin ang unang tanong na “ano ang pinakamahalaga sa buhay mo?” Nagbago ba ang sagot mo pagkatapos sagutin ang mga tanong na nasa listahan?


Mga Taga-Efeso 3:20

Sa kanya na makakagawa nang higit pa kaysa maaari nating hilingin at isipin, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang naghahari sa atin.


Ito ang dahilan kung bakit importante na malaman natin kung ano ang mahalaga sa atin. Kayang ibigay sa atin ng Diyos ang higit pa sa ating mga pinapangarap, kaya lang hindi natin Siya binibigyan ng pagkakataon na gumalaw sa ating buhay.


Tingnan natin ang ating pang araw-araw na gawain? May panahon ba tayo sa Diyos? Kung wala, ayusin natin ang ating schedule at bigyan natin ng panahon ang Diyos.


Ano ba ang ating inuuna sa ting buhay? Ang mga prayoridad ba natin ay naaayon sa nais ng Panginoon para sa atin? Ginagawa ba natin ang makakabuti sa atin?


Jeremias 29:11


11 Sapagkat batid kong lubos ang mga plano ko para sa inyo; mga planong hindi ninyo ikakasama kundi para sa inyong ikabubuti. Ito'y mga planong magdudulot sa inyo ng kinabukasang punung-puno ng pag-asa.


Kung ang ating Panginoon ang ating uunahin siguradong tutulungan Niya tayong matupad ang mga plano Niya sa ating buhay. Tandaan na ang plano para sa atin ng Diyos ay lubos na mas maganda kaysa sa plano natin para sa ating mga sarili.


In Summary


Kung si Jesus ang uunahin natin sa ating buhay, maisasakatuparan natin ang plano ng Diyos para sa atin.


Suriin natin ang ating mga priorities at alisin ang mga bagay na hindi mahalaga. Palitan ito ng mga bagay na patungkol sa Diyos.


Prayer of Salvation


Kaibigan, kung nais mong makilala si Jesus, ngunit hindi ka sigurado sa iyong pananampalataya, sabihin ang dasal na ito. Nakikita ng Diyos ang iyong puso, kaya bigkasin mo ang mga salita nang may lubos na paniniwala.


"Ama, ako ay makasalanan. Patawarin mo ako. Naniniwala ako na si Hesus ay namatay sa krus upang ako ay mabuhay nang masagana dito sa lupa hanggang sa langit. Baguhin mo ang aking puso at isip alinsunod sa iyong kalooban. Ito ang aking panalangin, sa makapangyarihang Pangalan ng Jesus, amen."


Kaibigan, kung dinasal mo ito ng may pananampalataya, naniniwala akong maayos na ang iyong relasyon sa Diyos.


Kung nais mong lumago sa iyong pananampalataya, humanap ka ng bible-based church. Maaari ka ring lumapit sa akin sa pamamagitan ng aking mga social media platforms at ang website na ito, www.high3r.com. Gusto kong makatulong sa iyong Christian growth.


Single Post: Blog_Single_Post_Widget
bottom of page